Sinasagot ng Bibliya ang Mahahalagang Tanong sa Ating Kaarawan
MAY kabuluhan pa ba ang Bibliya sa ngayon? Upang maging oo ang sagot, tiyak na ang sinaunang aklat na ito ay dapat na makapaglaan sa kaniyang mga mambabasa ng patnubay sa mga paksang may kinalaman sa pangkasalukuyang interes at kaugnayan. Ang Bibliya ba ay naglalaan ng kapaki-pakinabang na payo sa mga paksa na talagang mahalaga sa daigdig ngayon?
Tingnan natin ang dalawang kasalukuyang isyu. Sa paggawa nito, susuriin natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga bagay na ito.
Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?
Dahilan sa mga kalagayan sa daigdig sa ngayon, isa sa pinakamadalas na itanong ay: Bakit pinahihintulutan ng Diyos na magdusa ang inosenteng mga tao? Ang tanong na ito ay makatuwiran, yamang parami nang paraming tao ang naaapektuhan ng marahas na krimen, katiwalian, paglipol ng lahi, personal na trahedya, at iba pa.
Halimbawa, noong Hunyo 1998, isang pampasaherong tren ang bumangga sa isang tulay sa hilagang Alemanya, na pumatay sa mahigit na isang daang pasahero. Maging ang mga makaranasang mediko at mga bombero na sumaklolo sa mga sugatan at patay ay nanlumo sa dami ng namatay. Isang obispo ng Evangelical Church ang nagtanong: “Maibiging Diyos, Bakit kailangang mangyari ito?” Ang obispo mismo ay walang maibigay na sagot.
Ipinakikita ng karanasan na kapag ang inosenteng mga tao ay dumanas ng kasamaan nang walang anumang paliwanag hinggil sa sanhi, kung minsan ay nakadarama sila ng kapaitan. Dito makatutulong ang Bibliya, sapagkat ipinaliliwanag nito kung bakit nagaganap sa inosenteng mga tao ang kabalakyutan at pagdurusa.
Nang lalangin ng Diyos na Jehova ang lupa at lahat ng mga bagay dito, hindi niya nilayon na ang sangkatauhan ay bagabagin ng kabalakyutan at pagdurusa. Paano tayo nakatitiyak? Sapagkat pagkatapos ng kaniyang paglalang, “nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.” (Genesis 1:31) Tanungin ang iyong sarili, ‘Kung nakikita kong ang isang bagay ay balakyot, sasabihin ko bang ito ay “napakabuti”?’ Siyempre hindi! Sa katulad na paraan, nang sabihin ng Diyos na ang lahat ng bagay ay “napakabuti,” walang anumang bahid ng kabalakyutan sa lupa. Kaya kailan at paano nagsimula ang kabalakyutan?
Hindi pa natatagalan pagkatapos na lalangin ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, isang makapangyarihang espiritung nilalang ang lumapit sa babae at hinamon ang pagiging totoo ni Jehova at pagiging nararapat ng kaniyang soberanya. (Genesis 3:1-5) Ang nilalang na ito, si Satanas na Diyablo, ay nangatuwiran na ang mga tao ay hindi mananatiling tapat sa Diyos sa ilalim ng kagipitan. (Job 2:1-5) Paano tumugon si Jehova sa situwasyong ito? Pinahintulutan niyang lumipas ang panahon upang mapatunayan na hindi matagumpay na maitutuwid ng mga tao ang kanilang mga hakbang nang hiwalay sa kaniya. (Jeremias 10:23) Kapag ang mga nilalang ay kumikilos na taliwas sa mga kautusan at mga simulain ng Diyos, ang bunga nito ay kasalanan, na nagdudulot ng nakapipinsalang mga kalagayan. (Eclesiastes 8:9; 1 Juan 3:4) Gayunman, sa kabila ng masasamang kalagayang ito, alam ni Jehova na pananatilihin ng ilang tao ang kanilang integridad sa kaniya.
Mula noong nakalulungkot na paghihimagsik na iyon sa Eden, mga 6,000 taon na ang nakalipas. Napakatagal na ba nito? Maaari na sanang pinuksa ni Jehova si Satanas at ang kaniyang mga alipuris noong nakalipas na mga siglo. Ngunit hindi ba mas mabuti na maghintay hanggang mapawi ang bawat inaakalang pag-aalinlangan hinggil sa pagiging matuwid ng soberanya ni Jehova at ng integridad ng mga tao sa kaniya? Hindi ba’t totoo na sa kasalukuyang mga hudisyal na sistema ay maaaring mangailangan ng maraming taon bago mapatunayan sa isang kaso kung sino ang tama at kung sino ang mali?
Dahilan sa kahalagahan ng mga usapin na napaharap kay Jehova at sa sangkatauhan—ang pansansinukob na soberanya at ang integridad ng mga tao—kay dunong ng Diyos sa pagpapahintulot na lumipas muna ang panahon! Ngayon ay maliwanag nating nakikita kung ano ang nangyayari kapag ipinagwawalang-bahala ng mga tao ang mga kautusan ng Diyos at sila ang nasusunod sa kanila mismong mga gawain. Ang bunga ay laganap na kasamaan. At iyan ang dahilan kung bakit maraming inosenteng tao ang nagdurusa sa ngayon.
Subalit nakatutuwa naman, ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang kabalakyutan ay hindi mananatili magpakailanman. Sa katunayan, malapit nang wakasan ni Jehova ang kasamaan at ang mga nagsasagawa nito. “Kung tungkol sa mga balakyot,” sabi ng Kawikaan 2:22, “lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.” Sa kabilang dako, ang mga tapat sa Diyos ay maaaring umasa sa isang panahon, na ngayo’y kaylapit na, kapag “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”—Apocalipsis 21:4.
Kaya naman malinaw na ipinaliliwanag ng Bibliya kung bakit nagdurusa ang mga inosente. Tinitiyak din nito sa atin na ang kasamaan at pagdurusa ay malapit nang magwakas. Gayunman, habang nararanasan natin ang kasalukuyang mga kahirapan sa buhay, kailangan natin ang sagot sa isa pang mahalagang tanong.
Ano ba ang Layunin ng Buhay?
Marahil sa ngayon higit kaysa sa anupamang panahon sa kasaysayan ng sangkatauhan, ang mga tao ay nagsisikap na alamin kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng mabuhay. Marami ang nagtatanong sa kanilang sarili, ‘Bakit ako nabubuhay? Paano ako magkakaroon ng isang makabuluhang buhay?’ Iba’t ibang mga kalagayan ang nagtutulak sa kanila upang itanong ang mga katanungang ito.
Ang buhay ng isang indibiduwal ay maaaring sirain ng isang personal na trahedya. Halimbawa, noong pasimula ng 1998 isang 12-taong-gulang na batang babae na naninirahan sa Bavaria, Alemanya, ang kinidnap at pinatay. Pagkalipas ng isang taon, inamin ng kaniyang ina na ginugugol niya ang bawat araw sa paghahanap ng layunin sa buhay—pero nabigo siya. Ang ilang kabataan ay nag-iisip hinggil sa kahulugan ng buhay. Naghahanap sila ng kapanatagan, tagumpay, at pagkadama ng pagiging kabilang sa isang grupo, upang masiphayo lamang sa palasak na pagpapaimbabaw at katiwalian. Nakasentro naman ang buhay ng ilang indibiduwal sa isang karera, ngunit kanilang nasusumpungan na ang kapangyarihan, kabantugan, at mga ari-arian ay bigo upang sapatan ang panloob na mithiin na masumpungan ang dahilan ng kanilang pag-iral.
Anuman ang nagpapakilos sa isang tao upang magtanong hinggil sa layunin ng buhay, ang tanong na ito ay humihiling ng seryoso at nakasisiyang sagot. Muli, malaki ang maaaring pakinabangan sa Bibliya. Tinutukoy nito si Jehova bilang Diyos ng layunin, ang isa na may makatuwirang dahilan sa lahat ng kaniyang ginagawa. Maitatanong natin, Magtatayo ka ba ng isang bahay nang walang dahilan? Malamang na hindi, yamang ang pagtatayo ng isang bahay ay nangangailangan ng malaking puhunang salapi at maaaring tumagal nang mga buwan o taon. Nagtatayo ka ng isang bahay upang ikaw o sinuman ay tumira rito. Ang katulad na pangangatuwiran ay maikakapit kay Jehova. Hindi siya nag-abalang likhain ang lupa at ang nabubuhay na mga bagay dito nang walang anumang dahilan, isang layunin. (Ihambing ang Hebreo 3:4.) Ano ba ang layunin niya para sa lupa?
Ang hula ni Isaias ay tumutukoy kay Jehova bilang ang “tunay na Diyos, na Tagapag-anyo ng lupa at Maylikha nito.” Tunay, siya ang “[Isa] na nagtatag [ng lupa] nang matibay, na hindi niya nilalang sa walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan.” (Isaias 45:18) Oo, magmula nang malalang ang lupa, layunin na ni Jehova na tahanan ito. Sinabi ng Awit 115:16: “Kung tungkol sa mga langit, ang mga langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng tao.” Kaya ipinakikita ng Bibliya na nilikha ni Jehova ang lupa upang tahanan ng masunuring mga tao, na mangangalaga dito.—Genesis 1:27, 28.
Ang paghihimagsik ba nina Adan at Eva ay naging dahilan upang baguhin ni Jehova ang kaniyang layunin? Hindi. Paano tayo nakatitiyak? Buweno, isaalang-alang ang puntong ito: Ang Bibliya ay isinulat libu-libong taon pagkatapos ng paghihimagsik sa Eden. Kung tinalikuran na ng Diyos ang kaniyang orihinal na layunin, bakit hindi ito nabanggit sa Bibliya? Ang malinaw na konklusyon ay dahil sa ang kaniyang layunin para sa lupa at sangkatauhan ay nananatiling hindi nagbabago.
Karagdagan pa, ang layunin ni Jehova ay hindi kailanman nabibigo. Sa pamamagitan ni Isaias, ang Diyos ay naglaan ng katiyakang ito: “Kung paanong ang bumubuhos na ulan ay lumalagpak, at ang niyebe, na mula sa langit at hindi bumabalik sa dakong iyon, kundi dinidilig nga nito ang lupa at pinatutubuan iyon at pinasisibulan, at nagbibigay ng binhi sa manghahasik at ng tinapay sa kumakain, magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Hindi iyon babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at iyon ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.”—Isaias 55:10, 11.
Kung Ano ang Inaasahan ng Diyos sa Atin
Kung gayon, maliwanag na makapagtitiwala tayo sa katuparan ng mga layunin ng Diyos na ang lupa ay tatahanan magpakailanman ng mga taong masunurin. Upang maging isa tayo sa mga magkakapribilehiyo na permanenteng manirahan sa lupa, dapat nating sundin ang sinabi ng matalinong si Haring Solomon: “Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—Eclesiastes 12:13; Juan 17:3.
Ang pamumuhay na kasuwato ng mga layunin ni Jehova para sa sangkatauhan ay nangangahulugan ng pagkilala sa tunay na Diyos at pagsunod sa kaniyang mga kahilingan na nakasaad sa Banal na Kasulatan. Kung gagawin natin ito ngayon, maaari nating taglayin ang pag-asang buhay na walang hanggan sa isang lupang paraiso, kung saan hindi tayo kailanman hihintong matuto ng mga bagong bagay tungkol sa Diyos at sa kaniyang kamangha-manghang nilalang. (Lucas 23:43) Anong kahanga-hangang pag-asa!
Maraming naghahanap ng layunin sa buhay ang bumabaling sa Bibliya at nakasusumpong ng malaking kaligayahan sa ngayon. Halimbawa, isang kabataang lalaki na nagngangalang Alfred ang hindi makasumpong ng makabuluhang buhay. Nasusuklam siya sa pagkakasangkot ng relihiyon sa digmaan, at siya ay naiinis sa pagpapaimbabaw at katiwalian sa pulitika. Dinalaw ni Alfred ang mga Indian sa Hilagang Amerika sa pag-asang makapagtatamo ng kaliwanagan hinggil sa layunin ng buhay, upang bumalik lamang sa Europa na bigo. Dahil sa kawalang pag-asa, bumaling siya sa droga at magulong musika. Gayunman, ang isang regular at maingat na pagsusuri sa Bibliya ay nakatulong kay Alfred noong dakong huli upang makilala ang tunay na layunin ng buhay at makasumpong ng kasiyahan.
Isang Maaasahang Ilaw sa Ating Daan
Kung gayon, ano ang masasabi natin tungkol sa Bibliya? May kabuluhan ba ito sa ngayon? Tunay na mayroon nga, dahil sa nagbibigay ito ng patnubay sa kasalukuyang mga isyu. Ipinaliliwanag ng Bibliya na ang kabalakyutan ay hindi kagagawan ng Diyos at tinutulungan tayo nito na masumpungan ang isang kasiya-siyang layunin sa buhay. Karagdagan pa, marami pang masasabi ang Bibliya hinggil sa ibang mga bagay na lubhang pinagkakainteresan sa ngayon. Ang mga paksang tulad ng pag-aasawa, pagpapalaki ng anak, pakikipag-ugnayan sa kapuwa, at pag-asa para sa mga patay ay tinatalakay sa Salita ng Diyos.
Kung hindi mo pa ginagawa ito, pakisuyong suriin ang nilalaman ng Bibliya. Minsang masumpungan mo ang tunay na halaga ng mga panuntunan nito sa buhay, madarama mo rin ang gaya ng nadama ng salmista na umasa sa Diyos na Jehova para sa patnubay at umawit: “Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.”—Awit 119:105.
[Larawan sa pahina 6]
Alam mo ba kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na magdusa ang mga inosente?
[Larawan sa pahina 7]
Maaari mong tamasahin ang isang makabuluhang buhay