Ano Kaya ang Magagawa Tungkol sa Panghihina ng Loob?
PAANO malalabanan ng isang tao ang panghihina ng loob? Ito ang itinanong sa ilang naglalakbay na mga tagapangasiwa, na regular na dumadalaw sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang kanilang mga sagot ay makatutulong sa atin na masuri ang mga sanhi ng panghihina ng loob at ang mga lunas sa kalagayang ito na maaaring makaapekto sa sinumang Kristiyano.
Higit pa sa pagsusuri ang kinakailangan upang pakitunguhan ang panghihina ng loob, subalit maaaring kasama sa mga sintomas ang kawalan ng interes sa panalangin o sa personal na pag-aaral, pagpapabaya sa pagdalo sa pulong, kawalan ng sigla, at pagiging malamig pa nga sa pakikitungo sa mga kasamang Kristiyano. Gayunman, ang isa sa kitang-kitang sintomas ay ang pagkawala ng sigasig sa pag-eebanghelyo. Suriin natin ang mga sintomas at isaalang-alang natin ang ilang lunas.
Panghihina ng Loob sa Ating Gawaing Pag-eebanghelyo
Batid ni Jesu-Kristo ang mga problemang nauugnay sa atas na gumawa ng mga alagad. (Mateo 28:19, 20) Sinugo niya ang kaniyang mga tagasunod na gaya ng “mga tupa sa gitna ng mga lobo,” nalalaman na sila’y pag-uusigin dahil sa kanilang gawaing pangangaral. (Mateo 10:16-23) Gayunman, hindi ito dahilan upang sila’y panghinaan ng loob. Sa katunayan, ang mga lingkod ng Diyos na may pananalanging nanalig kay Jehova ay kadalasang napalakas dahil sa pag-uusig.—Gawa 4:29-31; 5:41, 42.
Kahit na hindi pinahihirapan ng matinding pag-uusig ang mga alagad ni Kristo, sila’y hindi laging tinatanggap nang may pagsang-ayon. (Mateo 10:11-15) Sa katulad na paraan, hindi laging madali ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon.a Sa maraming tao, ang paniniwala sa Diyos ay isang personal na bagay na ayaw nilang ipakipag-usap. Ayaw naman ng iba na magkaroon ng anumang kaugnayan sa isang relihiyosong organisasyon na mayroon silang mga maling akala. Walang alinlangan, ang kawalang-interes, ang kawalan ng mga resulta, o iba’t iba pang problema ay maaaring maging napakahirap na pinagmumulan ng panghihina ng loob. Paano mapagtatagumpayan ang mga balakid na ito?
Pagtatamo ng Mas Mabubuting Resulta
Ang kagalakang nakukuha natin mula sa ating ministeryo ay may kaugnayan sa mga resultang natatamo. Kung gayon, paano nga tayo magkakaroon ng mas mabungang ministeryo? Buweno, tayo’y mga “mangingisda ng mga tao.” (Marcos 1:16-18) Ang mga mangingisda sa sinaunang Israel ay nangingisda sa gabi kung kailan nakahuhuli sila ng maraming isda. Kailangan din nating suriin ang ating teritoryo upang “makapangisda” tayo kapag ang karamihan ng mga tao ay nasa tahanan at mas malamang na tumugon sa ating mensahe. Ito’y maaaring sa gabi, sa mga dulo ng sanlinggo, o sa iba pang panahon. Ayon sa isang naglalakbay na tagapangasiwa, praktikal ito sa mga lugar kung saan ang mga tao’y nagtatrabaho maghapon. Sinabi niya na ang pagpapatotoo sa gabi ay kadalasang nagdudulot ng maiinam na resulta. Ang pagpapatotoo sa telepono o sa di-pormal na paraan ay nagpapangyari sa atin na maabot ang mas maraming tao.
Ang pagtitiyaga sa ministeryo ay nagbubunga ng mabubuting resulta. Sa Silangang Europa at sa ilang bansa sa Aprika, sumusulong nang mainam ang gawaing pangangaral ng Kaharian, at ito’y nagbunga ng maiinam na pagsulong. Sa katulad na paraan, maraming kongregasyon ang naitatag sa mga dako na malaon nang itinuturing na di-mabunga o kahit na sa teritoryo na madalas makubrehan. Gayunman, kumusta naman kung ang inyong teritoryo ay hindi nagbubunga ng gayong mga resulta?
Pagpapanatili ng Isang Mabuting Saloobin
Ang pagtataglay ng malinaw na mga tunguhin sa isipan na ibinigay ni Jesus ay tutulong sa atin na huwag panghinaan ng loob sa harap ng kawalang-interes sa ministeryo. Ibig ni Kristo na hanapin ng kaniyang mga alagad ang mga karapat-dapat, hindi ang magsagawa ng maramihang pangungumberte. Binanggit niya sa ilang okasyon na hindi tatanggapin ng karamihan ang mabuting balita, kung paanong hindi nakinig ang karamihan ng mga Israelita sa mga propeta noong una.—Ezekiel 9:4; Mateo 10:11-15; Marcos 4:14-20.
Ang “mabuting balita ng kaharian” ay may pasasalamat na tinanggap ng mga indibiduwal na “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3; 24:14) Ibig nilang maglingkod sa Diyos sa paraan na espesipikong sinasabi niya. Kaya naman, ang mga resulta ng ating gawain ay higit na nauugnay sa kalagayan ng puso ng mga tao sa halip na sa ating kagalingan sa paghaharap ng mensahe. Sabihin pa, kailangang gawin natin ang ating pinakamainam upang gawing kaakit-akit ang mabuting balita. Gayunman, ang mga resulta ay depende sa Diyos, sapagkat sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.”—Juan 6:44.
Ang ating gawaing pag-eebanghelyo ay nagpapabantog sa pangalan ni Jehova. Sa makinig man o hindi ang mga tao, ang ating gawaing pangangaral ay nakatutulong sa pagpapabanal sa banal na pangalan ni Jehova. Bukod pa riyan, sa pamamagitan ng ating gawaing pag-eebanghelyo, pinatutunayan natin na tayo’y mga alagad ni Kristo, at mayroon tayong pribilehiyo na makibahagi sa pinakamahalagang misyon na isinasagawa sa ating panahon.—Mateo 6:9; Juan 15:8.
Panghihina ng Loob at mga Ugnayan
Ang ilang ugnayan sa pagitan ng mga tao, sa loob man ng pamilya o sa loob ng kongregasyon, ay maaaring maging sanhi ng panghihina ng loob. Halimbawa, nariyan ang pagkadama na hindi ka nauunawaan. Maaari ring makapanghina ng loob natin ang mga di-kasakdalan ng mga kapananampalataya. Minsan pa, maaaring makatulong nang malaki sa atin ang Kasulatan.
“Ang buong samahan ng mga kapatid” sa buong daigdig ay bumubuo ng isang malaking espirituwal na pamilya. (1 Pedro 2:17) Subalit ang damdamin na ikaw ay kabilang sa isang nagkakaisang bayan ay maaaring mawala kapag bumangon ang mga problema dahil sa mga alitan may kinalaman sa personalidad. Maliwanag, naapektuhan ng gayong mga problema ang mga Kristiyano noong unang siglo, yamang paulit-ulit na kinailangang paalalahanan sila ni apostol Pablo na mamuhay na magkakasama sa pagkakaisa. Halimbawa, pinayuhan niya ang dalawang Kristiyanong babae—sina Euodias at Sintique—na lutasin ang kanilang mga problema.—1 Corinto 1:10; Efeso 4:1-3; Filipos 4:2, 3.
Kung ito ang problema, paano natin muling mapagniningas ang taimtim na pag-ibig sa ating mga kapatid? Sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa ating mga sarili na si Kristo ay namatay alang-alang sa kanila at na sila, tulad natin, ay nanampalataya sa kaniyang haing pantubos. Maisasaisip din natin na marami sa ating mga kapatid ang handang tumulad kay Jesu-Kristo sa pamamagitan ng pagsasapanganib ng kanilang buhay alang-alang sa atin.
Ilang taon na ang nakalipas, isang kabataang Saksi sa Paris, Pransiya, ang hindi nag-atubiling sunggaban ang isang maleta na naglalaman ng isang bomba na inilagay sa labas ng Kingdom Hall. Patakbo siyang nanaog ng ilang baitang sa hagdan bago inihagis ito sa isang fountain, kung saan ito sumabog. Nang tanungin kung ano ang nag-udyok sa kaniya na isapanganib ang kaniyang buhay sa ganitong paraan, siya’y sumagot: “Natanto ko na nanganganib ang aming buhay. Kaya inakala kong mas mabuting ako na lamang ang mamatay kaysa kaming lahat ang mamatay.”b Anong laking pagpapala na magkaroon ng gayong mga kasama na handang sumunod nang maingat sa halimbawa ni Jesus!
Isa pa, maaari nating bulay-bulayin ang espiritu ng pagtutulungan na umiral sa mga Saksi ni Jehova na nasa mga kampong piitan noong Digmaang Pandaigdig II.c Kamakailan lamang, ang ating mga kapatid sa Malawi ay nanindigan ding matapat bilang tunay na mga Kristiyano. Hindi ba’t ang pag-iisip na gayundin ang gagawin ng ating mga kapatid sa lokal na kongregasyon sa ilalim ng mahihirap na kalagayan ay mag-uudyok sa atin na palampasin o sa paano man ay bawasan ang pang-araw-araw na mga tensiyon at problema? Kung lilinangin natin ang kaisipan ni Kristo, ang ating pang-araw-araw na mga ugnayan sa mga kapuwa mananamba ay pagmumulan ng kaginhawahan, hindi ng panghihina ng loob.
Personal na mga Damdaming Nakapanghihina ng Loob
“Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso, ngunit ang bagay na ninanasa ay punungkahoy ng buhay kapag ito ay dumating.” (Kawikaan 13:12) Sa paningin ng ilang lingkod ni Jehova, ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay ay hindi agad na dumarating. Itinuturing ng mga Kristiyano ang panahon na ating kinabubuhayan na ‘mapanganib at mahirap pakitunguhan,’ gaya rin ng maraming di-sumasampalataya.—2 Timoteo 3:1-5.
Gayunman, kung ihahambing sa mga di-mananampalataya, dapat magsaya ang mga Kristiyano na makita ang mahihirap na kalagayan bilang “tanda” ng pagkanaririto ni Jesus, na nagpapahiwatig na malapit nang wakasan ng Kaharian ng Diyos ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:3-14) Kahit na lumala pa ang kalagayan—gaya ng tiyak na mangyayari sa panahon ng “malaking kapighatian”—ang mga pangyayaring ito ay isang pinagmumulan ng kagalakan para sa atin sapagkat ibinabalita nito ang dumarating na bagong sanlibutan ng Diyos.—Mateo 24:21; 2 Pedro 3:13.
Ang pag-iisip na maaantala ang pakikialam ng Kaharian sa mga pangyayari sa kasalukuyang panahon ay baka magpangyari sa isang Kristiyano na mag-ukol ng mas maraming panahon sa paghahangad ng materyal na mga bagay. Kung pahihintulutan niya ang mga bagay na ito gaya ng sekular na trabaho at paglilibang na umubos ng lahat niyang panahon at lakas, mahihirapan siyang tuparin nang wasto ang kaniyang maka-Kasulatang mga pananagutan. (Mateo 6:24, 33, 34) Ang gayong saloobin ay nagdudulot ng kabiguan at sa gayon, ng panghihina ng loob. Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang nagkomento: “Hindi makatotohanan na sikaping mamuhay sa sistemang ito na para bang nasa bagong sistema na ng mga bagay.”
Dalawa sa Pinakamaiinam na Lunas
Minsang magawa ang pagsusuri, paano makasusumpong ang isang indibiduwal ng isang mabisang lunas? Ang personal na pag-aaral ay isa sa pinakamainam na paraang naririyan. Bakit? “Ipinaaalaala nito sa atin kung bakit kailangan nating gawin ang ating ginagawa,” sabi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa. Ganito pa ang paliwanag ng isa: “Ang pangangaral dahil lamang sa ito’y obligasyon ay nagiging mabigat kung minsan.” Subalit tinutulungan tayo ng mabuting personal na pag-aaral upang muli nating matamo ang malinaw na pangmalas sa ating bahagi habang papalapit tayo sa wakas. Sa katulad na paraan, paulit-ulit na ipinaaalaala sa atin ng Kasulatan ang pangangailangan na kumaing mainam sa espirituwal na paraan upang magkaroon ng tunay na kaligayahan sa paggawa ng kalooban ng Diyos.—Awit 1:1-3; 19:7-10; 119:1, 2.
Matutulungan ng matatanda ang iba na mapagtagumpayan ang panghihina ng loob sa pamamagitan ng nakapagpapatibay-loob na mga pagpapastol na pagdalaw sa kanila. Sa panahong ito ng personal na mga pagdalaw, maipakikita ng matatanda na ang bawat isa sa atin ay lubhang pinahahalagahan at may mahalagang dako sa bayan ni Jehova. (1 Corinto 12:20-26) Tinutukoy ang mga kapuwa Kristiyano, ganito ang sabi ng isang matanda: “Upang idiin ang kanilang kahalagahan, ipinaaalaala ko sa kanila ang nagawa nila noon. Binabanggit ko na sila’y mahalaga sa paningin ni Jehova at na ang dugo ng kaniyang Anak ay ibinigay alang-alang sa kanila. Ang pangangatuwirang ito ay laging tinatanggap na mainam. Minsang ito’y mapatunayan sa pamamagitan ng matatag na mga reperensiya sa Bibliya, yaong mga nanghihina ang loob ay nasa katayuang magtakda ng bagong mga tunguhin, gaya ng pampamilyang pananalangin at pag-aaral at pagbabasa ng Bibliya.”—Hebreo 6:10.
Sa panahon ng mga pagpapastol na pagdalaw, kailangang maging maingat ang matatanda na huwag ipadama na para bang imposibleng mapalugdan ang Diyos. Sa halip, matutulungan ng matatanda ang mga kapuwa mananamba na pinanghihinaan ng loob na makita na magaan ang pasan sa mga tagasunod ni Jesus. Dahil dito, ang ating paglilingkod Kristiyano ay isang pinagmumulan ng kagalakan.—Mateo 11:28-30.
Lupigin ang Panghihina ng Loob
Anuman ang dahilan nito, ang panghihina ng loob ay isang salot na dapat labanan. Subalit, tandaan na hindi tayo nag-iisa sa labanang ito. Kung tayo’y pinanghihinaan ng loob, tanggapin natin ang tulong ng ating mga kasamang Kristiyano, lalo na ng matatanda. Sa paggawa nito, maaaring mabawasan natin ang mga damdamin ng panghihina ng loob.
Higit sa lahat, humingi ng tulong sa Diyos upang mapagtagumpayan ang panghihina ng loob. Kung may pananalangin tayong mananalig kay Jehova, matutulungan niya tayong lupigin nang lubusan ang panghihina ng loob. (Awit 55:22; Filipos 4:6, 7) Sa anumang kalagayan, bilang kaniyang bayan ay masasabi natin ang katulad na mga damdamin ng salmista na umawit: “Maligaya ang bayan na nakaaalam ng mga sigaw ng kagalakan. O Jehova, sa liwanag ng iyong mukha ay patuloy silang lumalakad. Sa iyong pangalan ay nagagalak sila buong araw at sa iyong katuwiran ay nadadakila sila. Sapagkat ikaw ang kagandahan ng kanilang lakas; at sa pamamagitan ng iyong kabutihang-loob ay natataas ang aming sungay.”—Awit 89:15-17.
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang Hamon ng Pagbabahay-Bahay” sa Ang Bantayan, Nobyembre 15, 1981.
b Tingnan ang mga pahina 12 at 13 sa Gumising! ng Hulyo 22, 1985, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
c Tingnan ang mga artikulong “Ako’y Nakaligtas sa ‘Death March’ ” sa Ang Bantayan ng Pebrero 15, 1981, at “Pag-iingat ng Katapatan sa Nazing Alemanya” sa Gumising! ng Nobyembre 22, 1985.
[Larawan sa pahina 31]
Ang nakapagpapatibay na mga pagpapastol na pagdalaw ng maibiging matatanda ay makatutulong sa mga Kristiyano na mapagtagumpayan ang panghihina ng loob