Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 12/1 p. 20-24
  • Tinuruan Kami ng Aming mga Magulang na Ibigin ang Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tinuruan Kami ng Aming mga Magulang na Ibigin ang Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkatuto ng Katotohanan sa Bibliya
  • Pagkakapit ng Kanilang Natutuhan
  • Pagtuturo sa Amin ng Katotohanan
  • Pang-uumog sa Selma
  • Sa Paaralang Gilead Para sa Pagmimisyonero
  • Paglilingkurang Misyonero Kasama ang Aking mga Magulang
  • Pangangalaga sa Aming mga Magulang
  • Isang Pambihirang Pamanang Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Ang Aming Saganang Espirituwal na Mana
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Paano Kung May Sakit ang Magulang Ko?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Pagsunod sa Yapak ng Aking mga Magulang
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 12/1 p. 20-24

Tinuruan Kami ng Aming mga Magulang na Ibigin ang Diyos

AYON SA SALAYSAY NI ELIZABETH TRACY

Mga nasasandatahang lalaki, na nanguna sa isang pang-uumog laban sa amin maaga pa ng araw na iyon, ang puwersahang nagpababâ kina Mommy at Daddy mula sa kotse. Kami ng ate ko, na naiwan sa upuan sa likod, ay nag-aalinlangan kung makikita pa naming muli ang aming mga magulang. Ano ang dahilan ng nakatatakot na karanasang ito malapit sa Selma, Alabama, E.U.A., noong 1941? At ano ang kinalaman dito ng pagtuturong tinanggap namin mula sa aming mga magulang?

ANG Daddy ko, si Dewey Fountain, ay pinalaki ng isang kamag-anak sa isang bukirin sa Texas pagkatapos mamatay ang kaniyang mga magulang noong siya ay isang sanggol pa lamang. Nang maglaon ay nagtrabaho siya sa minahan ng langis. Noong 1922, noong siya ay 23, pinakasalan niya si Winnie, isang magandang kabataang taga-Texas, at nagsimulang magplano na manirahan sa isang lugar at magkaroon ng pamilya.

Nagtayo siya ng bahay sa kakahuyan ng silangang Texas malapit sa maliit na bayan ng Garrison. Doon ay nagsaka siya ng iba’t ibang mga pananim, kabilang na ang bulak at mais. Nag-alaga rin siya ng lahat ng uri ng hayop na pambukid. Nang maglaon, kaming mga anak ay isinilang​—si Dewey junior noong Mayo 1924, si Edwena noong Disyembre 1925, at ipinanganak naman ako noong Hunyo 1929.

Pagkatuto ng Katotohanan sa Bibliya

Akala nina Mommy at Daddy ay nauunawaan na nila ang Bibliya, yamang kabilang sila sa Church of Christ. Ngunit noong 1932, iniwan ni G. W. Cook sa aming tiyuhin na si Monroe Fountain ang mga aklat na Deliverance at Government, na inilathala ng Samahang Watch Tower. Palibhasa’y sabik na ibahagi sa aking mga magulang ang kaniyang natututuhan, madalas dumalaw si Tiyo Monroe kung almusal, binabasa ang isang artikulo mula sa Ang Bantayan, at pagkatapos ay iniiwan nang “hindi sinasadya” ang magasin. Pagkatapos, babasahin ito nina Mommy at Daddy.

Isang Linggo ng umaga, inanyayahan ni Tiyo Monroe si Daddy sa bahay ng isang kapitbahay para sa isang pakikipag-aral sa Bibliya. Tiniyak niya sa kaniya na masasagot ni G. Cook ang lahat ng kaniyang mga katanungan sa Bibliya. Pag-uwi ni Daddy mula sa pakikipag-aral, tuwang-tuwa niyang ibinalita sa pamilya: “Nasagot ang lahat ng tanong ko at may dagdag pa! Akala ko’y alam ko na ang lahat, ngunit nang magsimulang magpaliwanag si G. Cook tungkol sa impiyerno, sa kaluluwa, sa layunin ng Diyos sa lupa, at kung paano ito pangyayarihin ng Kaharian ng Diyos, nadama kong wala pala akong kaalam-alam sa Bibliya!”

Ang aming tahanan ay masasabing isang kinagigiliwang tagpuan. Ang mga kamag-anak at mga kaibigan ay pumaparito at dumadalaw, gumagawa ng fudge at popcorn balls, at nag-aawitan habang tumutugtog ng piyano si Mommy. Ang mga pagkakataong ito ay unti-unting napalitan ng mga talakayan sa mga paksa sa Bibliya. Bagaman kaming mga bata ay hindi nakauunawa sa lahat ng bagay na tinatalakay, ang matibay na pag-ibig ng aming mga magulang sa Diyos at sa Bibliya ay talagang kapansin-pansin anupat bawat isa sa amin na mga anak ay nagkaroon ng katulad na pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang Salita.

Binuksan din ng iba pang pamilya ang kanilang mga tahanan para sa lingguhang mga pagtalakay sa Bibliya, na kadalasang nakasentro sa isang paksa sa pinakabagong magasin ng Bantayan. Kapag ang mga pamilya sa karatig na mga bayan ng Apple by at Nacogdoches ang nagsisilbing punong-abala sa mga pagpupulong, nagsisiksikan kami sa aming Model A Ford at naglalakbay patungo roon, umulan man o umaraw.

Pagkakapit ng Kanilang Natutuhan

Hindi nagtagal at nakita ng aming mga magulang ang pangangailangan upang kumilos. Ang pag-ibig sa Diyos ay humihiling na ibahagi sa iba ang natututuhan. (Gawa 20:35) Ngunit ang hakbanging ito ng paggawa ng pangmadlang pagpapatotoo sa pananampalataya ng isa ay isang hamon, lalo na nga’t ang aming mga magulang ay likas na mahiyain, at mapagpakumbabang mga tao. Gayunman, pinakilos sila ng kanilang pag-ibig sa Diyos, at ito naman ang tumulong sa kanila na turuan kami na maglagak ng taimtim na pagtitiwala kay Jehova. Ipinahayag ito ni Daddy sa ganitong paraan: “Si Jehova ay gumagawa ng mga mangangaral mula sa mga magsasaka!” Noong 1933, sinagisagan nina Mommy at Daddy ang kanilang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig sa isang palaisdaan malapit sa Henderson, Texas.

Noong pasimula ng 1935, sinulatan ni Daddy ang Samahang Watch Tower at nagharap ng ilang katanungan tungkol sa Kristiyanong pag-asa ng buhay na walang hanggan. (Juan 14:2; 2 Timoteo 2:11, 12; Apocalipsis 14:1, 3; 20:6) Tumanggap siya ng sagot mula mismo kay Joseph F. Rutherford, na presidente noon ng Samahan. Sa halip na sagutin ang kaniyang mga tanong, inanyayahan ni Brother Rutherford si Daddy na dumalo sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Washington, D.C., sa Mayo.

‘Imposible!’ ang sabi ni Daddy. ‘Tayo’y magsasaka na may 26 na ektaryang gulayan. Ang lahat ng iyon ay aanihin na at dadalhin sa pamilihan sa panahong iyon.’ Gayunman, hindi nagtagal pagkatapos nito, dumating ang isang baha at tinangay ang kaniyang mga dahilan​—mga pananim, mga bakod, at mga tulay. Kaya sumama kami sa iba pang mga Saksi sa isang inarkilang bus ng paaralan na nagdala sa amin sa layong 1,600 kilometro pahilagang-silangan patungo sa kombensiyon.

Tuwang-tuwang sina Mommy at Daddy na mapakinggan sa kombensiyon ang malinaw na paliwanag sa pagkakakilanlan ng “lubhang karamihan” na makaliligtas sa “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:9, 14, King James Version) Sa natitira pa nilang buhay, ang pag-asa ng buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa ang nagpakilos kina Mommy at Daddy, at pinatibay nila kaming mga anak na ‘manghawakan nang mahigpit sa tunay na buhay,’ na para sa amin ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan sa lupa na iniaalok ni Jehova. (1 Timoteo 6:19; Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4) Bagaman ako ay limang taóng gulang pa lamang noon, ako’y tunay na nasiyahan na makapiling ang aking pamilya sa maligayang okasyong iyon.

Pag-uwi mula sa kombensiyon, muling itinanim ng aming pamilya ang mga pananim, at nang dakong huli ay tinamasa namin ang pinakamalaking ani kailanman. Ito’y tunay na nakatulong upang makumbinsi sina Mommy at Daddy na ang paglalagak ng lubusang pagtitiwala kay Jehova ay hindi maaaring hindi pagpapalain. Pumasok sila sa isang pantanging anyo ng gawaing pangangaral kung saan sila kapuwa ay sumang-ayon na gumugol ng 52 oras isang buwan sa ministeryo. At pagkatapos, nang dumating ang sumunod na panahon ng pagtatanim, ipinagbili nila​—ang lahat-lahat! Si Daddy ay nagpagawa ng isang 6 por 2.4 metro na trailer para matirhan naming lima, at bumili siya ng isang bagong dalawahang-pintong Ford sedan upang hilahin ito. Ganoon din ang ginawa ni Tiyo Monroe, at siya rin ay lumipat sa isang trailer kasama ang kaniyang pamilya.

Pagtuturo sa Amin ng Katotohanan

Nagpayunir sina Daddy at Mommy, gaya ng tawag sa buong-panahong ministeryo, noong Oktubre 1936. Bilang isang pamilya, nangaral kami sa mga county sa silangang Texas na bihirang mapaabutan ng mensahe ng Kaharian. Sa loob ng halos isang taon, nagpalipat-lipat kami ng lugar, ngunit sa kabuuan, talagang nasiyahan kami sa ganitong buhay. Tinuruan kami nina Mommy at Daddy sa pamamagitan ng kanilang salita at halimbawa na maging kagaya ng sinaunang mga Kristiyano na nagtalaga sa kanilang mga sarili upang iparating sa iba ang katotohanan sa Bibliya.

Kaming mga anak ay lalo nang humanga sa aming ina sa mga pagsasakripisyong ginawa niya sa pagbebenta sa kaniyang tahanan. Gayunman, may isang bagay na hindi niya maiwan, at iyon ay ang kaniyang makinang panahi. Tama naman ang kaniyang pasiya. Sa kaniyang kakayahan bilang modista, lagi niya kaming nabibihisan. Sa bawat kombensiyon, kami ay may bagong magagandang damit na maisusuot.

Tandang-tanda ko pa nang dumalaw sa aming lugar si Herman G. Henschel kasama ang kaniyang pamilya sakay ng isang trak ng Samahang Watch Tower na may loudspeaker. Kanilang ipaparada ang trak sa lugar na maraming tao, magpapatugtog ng isang maikling isinaplakang pahayag, at pagkatapos ay gagawa ng personal na mga pagdalaw sa mga tao upang magbigay ng karagdagang impormasyon. Nasiyahan si Dewey junior sa pakikipagsamahan sa anak na lalaki ni Herman na si Milton, na noo’y binatilyo na. Sa ngayon, si Milton ang presidente ng Samahang Watch Tower.

Sa panahon ng kombensiyon noong 1937 sa Columbus, Ohio, si Edwena ay nabautismuhan, at sina Mommy at Daddy ay inalukan ng pribilehiyo na maglingkod bilang mga special pioneer. Nang panahong iyon, ang gayong gawain ay nagsasangkot ng paggugol ng di-kukulangin sa 200 oras bawat buwan sa gawaing pangangaral. Sa aking pagbabalik-tanaw, natanto ko kung gaano kalaki ang naitulong sa akin ng mabuting halimbawa ni Mommy sa pagsuporta ko sa aking asawa sa kaniyang Kristiyanong mga atas.

Kapag nakapagtatag si Daddy ng pakikipag-aral sa Bibliya sa isang pamilya, dinadala niya kaming mga anak upang maglaan ng mabuting halimbawa sa kanilang mga anak. Ipinahahanap niya at ipinababasa sa amin ang mga teksto sa Bibliya at ipinasasagot ang ilan sa mga simpleng katanungan. Bilang resulta, marami sa mga kabataang inaralan namin noon ang may-katapatang naglilingkod kay Jehova hanggang sa ngayon. Tunay, isang matibay na pundasyon ang inilatag din para sa amin upang patuloy na ibigin ang Diyos.

Habang nagkakaedad si Dewey junior, nasumpungan niyang mahirap manirahan kasama ang dalawang nakababatang kapatid na babae sa gayong masikip na tirahan. Kaya noong 1940 ay nagpasiya siyang umalis at magpayunir kasama ng isa pang Saksi. Nang maglaon, pinakasalan niya si Audrey Barron. Kaya naman si Audrey ay naturuan din ng maraming bagay ng aming mga magulang, at napamahal sa kaniya nang husto sina Mommy at Daddy. Pagkatapos makulong si Dewey junior noong 1944 dahil sa kaniyang Kristiyanong neutralidad, pansamantala siyang nakitira sa amin sa masikip na trailer namin.

Sa malaking kombensiyon sa St. Louis, Missouri, noong 1941, tuwirang nakipag-usap si Brother Rutherford sa mga batang may edad na 5 hanggang 18, na pinaupo sa isang pantanging seksiyon sa harapan. Kami ni Edwena ay nakinig sa kaniyang banayad at malinaw na tinig; siya’y tulad sa isang maibiging ama na nagtuturo sa kaniyang sariling mga anak sa tahanan. Kaniyang pinasigla ang mga magulang: “Sa araw na ito ay tinipon ni Kristo Jesus sa kaniyang harapan ang bayang nakipagtipan sa kaniya, at sa pinakamapuwersang paraan ay sinasabi niya sa kanila na turuan ang kanilang mga anak sa daan ng katuwiran.” Idinagdag pa niya: “Panatilihin sila sa tahanan at ituro sa kanila ang katotohanan!” Mabuti na lamang, ganito ang ginawa ng aming mga magulang!

Sa kombensiyong iyon, tinanggap namin ang bagong buklet na Jehovah’s Servants Defended, na nagrepaso sa mga kaso sa hukuman na nagwagi ang mga Saksi ni Jehova, kabilang na yaong sa Korte Suprema ng Estados Unidos. Pinag-aralan namin ito bilang pamilya sa pangunguna ni Daddy. Wala kaming kamalay-malay na kami ay inihahanda sa nangyari pagkatapos ng ilang linggo sa Selma, Alabama.

Pang-uumog sa Selma

Noong umaga ng nakatatakot na karanasang iyon, inihatid ni Daddy sa sheriff, sa alkalde, at sa hepe ng pulis sa Selma ang mga kopya ng isang liham na naglalahad sa aming karapatan ayon sa saligang batas na ipagpatuloy ang aming ministeryo sa ilalim ng pangangalaga ng batas. Gayunman, nagpasiya silang palayasin kami sa bayan.

Noong dapit-hapon na, limang armadong kalalakihan ang dumating sa aming trailer at binihag nila si Mommy, ang aking kapatid na babae, at ako. Hinalughog nila ang lahat ng nasa loob, na naghahanap ng anumang bagay na subersibo. Si Daddy ay nasa labas, at inutusan siyang ikabit ang trailer sa kotse, habang nakatutok ang kanilang mga baril sa kaniya. Nang sandaling iyon, hindi ako natakot. Para bang katawa-tawa na ang mga lalaking ito ay nag-iisip na kami’y mapanganib anupat kami ng aking kapatid na babae ay napabungisngis. Gayunman, kaagad naman kaming nagseryoso dahil sa sulyap ni Daddy.

Nang handa na kaming umalis, gusto ng mga lalaki na kami ni Edwena ay sumakay kasama nila sa kanilang kotse. Buong-tatag na nagsalita si Daddy. “Sa ibabaw ng aking bangkay!” ang sabi niya. Pagkatapos ng ilang pagtatalo ay pinahintulutan ang aming pamilya na magkakasamang maglakbay, habang sinusundan kami ng mga armadong lalaki sa kanilang kotse. Mga 25 kilometro sa labas ng bayan, sinenyasan nila kami na pumarada sa tabi ng highway at dinalang palayo sina Mommy at Daddy. Nagpalit-palitan ang mga lalaki sa paghikayat sa kanila: “Iwan na ninyo ang relihiyong iyan. Bumalik na kayo sa bukid, at palakihin nang tama ang inyong mga anak na babae!” Sinubukang mangatuwiran ni Daddy sa kanila ngunit walang nangyari.

Sa wakas, sinabi ng isang lalaki: “Umalis na kayo, at kung babalik pa kayo sa Dallas County, papatayin namin kayong lahat!”

Palibhasa’y nakahinga na nang maluwag at magkakasama nang muli, kami ay naglakbay sa loob ng ilang oras at pagkatapos ay pumarada para matulog sa gabing iyon. Nailista namin ang numero ng plaka ng kanilang sasakyan. Kaagad na iniulat ni Daddy ang lahat sa Samahang Watch Tower, at pagkatapos ng ilang buwan ang mga lalaki ay nakilala at inaresto.

Sa Paaralang Gilead Para sa Pagmimisyonero

Tumanggap si Edwena ng paanyaya upang dumalo sa ika-7 klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa South Lansing, New York, noong 1946. Binanggit ni Albert Schroeder, isa sa mga instruktor, ang mabubuting katangian ni Edwena sa kaniyang dating kasamahang payunir na si Bill Elrod, na naglilingkod noon sa Bethel, ang punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York.a Ipinakilala sa isa’t isa sina Edwena at Bill, at mga isang taon pagkatapos niyang magtapos sa Gilead, sila ay nagpakasal. Sa loob ng maraming taon ay nanatili sila sa buong-panahong ministeryo, kabilang na ang paglilingkurang magkasama sa loob ng limang taon sa Bethel. Pagkatapos, isang araw noong 1959, ipinatalastas ni Brother Schroeder sa ika-34 na klase ng Gilead na ang kaniyang mahal na kaibigan ay ama na ngayon ng kambal, isang lalaki at isang babae.

Habang naglilingkod ako kasama ng aking mga magulang sa Meridian, Mississippi, sa huling bahagi ng 1947, kaming tatlo ay tumanggap ng paanyaya na dumalo sa ika-11 klase ng Gilead. Kami ay nasorpresa sapagkat ayon sa mga kahilingan ako ay napakabata pa, at sina Mommy at Daddy naman ay napakatatanda na. Ngunit isang eksepsiyon ang ginawa, at tinanggap namin ang di-sana-nararapat na pribilehiyong iyon ng nakahihigit na instruksiyon sa Bibliya.

Paglilingkurang Misyonero Kasama ang Aking mga Magulang

Ang aming atas sa pagmimisyonero ay sa Colombia, Timog Amerika. Gayunman, noon lamang Disyembre 1949, mahigit na isang taon pagkalipas ng aming pagtatapos, na kami’y nakarating sa Bogotá sa isang tahanang pangmisyonero kung saan tatlong iba pa ang dati nang naninirahan doon. Noong una, muntik nang inakala ni Daddy na mas madaling turuan na lang ang mga tao ng Ingles kaysa sa mag-aral pa siya ng Kastila! Oo, maraming mga pagsubok, ngunit, kaylaki ng mga pagpapala! Wala pang isang daang Saksi sa Colombia noong 1949, ngunit ngayon ay may mahigit nang 100,000!

Pagkatapos maglingkod sa Bogotá sa loob ng limang taon, sina Mommy at Daddy ay ipinadala sa lunsod ng Cali. Samantala, noong 1952, nagpakasal ako kay Robert Tracy, isang kapuwa misyonero sa Colombia.b Nanatili kami sa Colombia hanggang noong 1982, na nang panahong iyon ay inatasan naman kami sa Mexico, kung saan kami naglilingkod mula noon. Sa dakong huli, noong 1968, ang aking mga magulang ay kinailangang bumalik sa Estados Unidos para magpagamot. Pagkatapos manumbalik ang kanilang kalusugan, nagpatuloy sila bilang mga special pioneer malapit sa Mobile, Alabama.

Pangangalaga sa Aming mga Magulang

Habang lumilipas ang mga taon, humihina na sina Mommy at Daddy at nangangailangan ng higit na alalay at pansin. Sa kanilang kahilingan, sila ay inatasang maglingkod malapit kina Edwena at Bill sa Athens, Alabama. Nang maglaon ang aming kapatid na lalaki, si Dewey junior ay nakaisip na mas mabuti na manirahan nang magkakalapit ang pamilya sa South Carolina. Kaya inilipat ni Bill ang kaniyang pamilya sa Greenwood, kasama sina Mommy at Daddy. Ang maibiging kaayusang ito ay nagpangyari sa amin ni Robert na maipagpatuloy ang aming paglilingkurang misyonero sa Colombia, sa pagkaalam na ang aming mga magulang ay naaalagaang mabuti.

Pagkatapos, noong 1985, na-stroke si Daddy na naging dahilan upang hindi siya makapagsalita at maratay sa higaan. Nagtipon kami para sa isang pagpupulong ng pamilya upang pag-usapan kung paano ang pinakamainam na paraan upang alagaan ang aming mga magulang. Napagpasiyahan na si Audrey ang magiging pangunahing tagapag-alaga ni Daddy at kami naman ni Robert ay higit na makatutulong sa pamamagitan ng pagpapadala ng liham bawat linggo na may nakapagpapatibay na mga karanasan at sa pamamagitan ng madalas na pagdalaw hangga’t maaari.

Buháy na buháy pa sa aking isipan ang aking huling pagdalaw kay Daddy. Hindi siya karaniwang nakapagsasalita nang maliwanag, ngunit pagkatapos naming sabihin sa kaniya na babalik na kami sa Mexico, nabigkas niya sa paanuman, taglay ang malaking pagsisikap at damdamin, ang isang salita, “Adios!” Sa pamamagitan nito nabatid namin na, sa kaniyang puso, sinusuportahan niya ang aming pasiya na magpatuloy sa aming atas pangmisyonero. Siya ay namatay noong Hulyo 1987, at si Mommy ay pumanaw naman pagkalipas ng siyam na buwan.

Ipinahahayag ng isang liham na natanggap ko mula sa aking nabalong kapatid na babae ang pagpapahalaga na nadarama ng bawat isa sa amin para sa aming mga magulang. “Pinahahalagahan ko ang aking mayamang pamanang Kristiyano at hindi ko nadama kahit minsan na naging mas maligaya sana ako kung pinili ng ating mga magulang na palakihin tayo sa ibang paraan. Ang kanilang halimbawa ng matibay na pananampalataya, pagsasakripisyo sa sarili, at lubos na pagtitiwala kay Jehova ay nakatulong sa akin na mapagtiisan ang mga panahon ng panlulumo sa aking buhay.” Nagtapos si Edwena: “Pinasasalamatan ko si Jehova dahil sa mga magulang na sa pamamagitan ng salita at halimbawa ay nagpakita sa atin ng kaligayahan na maaari nating matamo kung magiging sentro ng ating buhay ang paglilingkod sa ating maibiging Diyos, si Jehova.”

[Mga talababa]

a Tingnan ang The Watchtower ng Marso 1, 1988, pahina 11-12.

b Tingnan ang The Watchtower ng Marso 15, 1960, pahina 189-91.

[Mga larawan sa pahina 22, 23]

Ang pamilya Fountain: (kaliwa pakanan) Dewey, Edwena, Winnie, Elizabeth, Dewey junior; kanan: Sina Elizabeth at Dewey junior sa mga fender ng trak na may loudspeaker na pag-aari ni Henschel (1937); kanang ibaba: Si Elizabeth na nagpapatotoo sa pamamagitan ng plakard sa edad na 16

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share