Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Teokratikong Paglawak sa Namibia
UNANG nakarating ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa Namibia noong huling bahagi ng dekada 1920. Mula noon, daan-daang tapat-pusong mga tao ang tumugon sa mensahe ng kaligtasan mula sa Diyos. Ang sumusunod na mga karanasan ay nagpapakita kung paano tinitipon ni Jehova ang kanais-nais na mga taong ito sa kaniyang kawan.—Hagai 2:7.
Si Paulus, na nabubuhay sa pagsasaka at naninirahan sa hilagang-silangan ng Namibia, ay unang nakausap ng mga Saksi ni Jehova nang dumalaw siya sa Windhoek, ang kabiserang lunsod. Nakumbinsi agad si Paulus na nasumpungan na niya ang katotohanan. Umuwi siyang taglay ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Pagkatapos, sa isang paglalakbay sa Rundu, ang pinakamalapit na bayan kung saan may Kingdom Hall, nasumpungan ni Paulus ang mga Saksi ni Jehova at nakiusap sa kanila na dalawin siya.
Gayunman, napakalayo ng lugar upang madalaw ng mga Saksi si Paulus at mapagdausan ng isang lingguhang pakikipag-aral sa Bibliya. Palibhasa’y desidido, si Paulus ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya nang mag-isa. Karagdagan pa, buong sigasig siyang nangaral sa iba tungkol sa mga bagay na natututuhan niya. Sa kalaunan, isang grupo sa pakikipag-aral ng Bibliya ang nabuo. Nang marinig ng maliit na grupo sa radyo na isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova ang idaraos sa Rundu, sinimot nila ang kanilang kakaunting mga kita at nagsaayos ng transportasyon upang dumalo.
Anong kapana-panabik na karanasan para sa kanila na makisama sa mga Saksi ni Jehova sa kauna-unahang pagkakataon! Karaka-rakang gumawa ng mga kaayusan upang regular na madalaw ng kuwalipikadong mga kapatid na lalaki ang grupong ito. Sa ngayon, mayroon nang anim na mga mamamahayag sa nayon kung saan nakatira si Paulus.
Nagsimula ang interes ni Johanna sa pangalan ng Diyos nang may marinig siyang nagsasalita ng masama sa mga Saksi ni Jehova. Naalaala niya: “Sa kauna-unahang pagkakataon na narinig ko ang pangalang Jehova, hindi na ito naalis sa aking isipan, at nagsimula akong magtanong kung sino si Jehova. Ako’y naninirahan kasama ng aking asawa malapit sa Walvis Bay sa baybayin ng Namibia. Minsan ay nagpunta kami sa bayan, at nakita ko ang ilang Saksi na namamahagi ng magasing Bantayan sa lansangan. Kumuha ako ng isang kopya at humiling ng isang pakikipag-aral ng Bibliya, yamang marami akong katanungan. Umiyak ako nang sabihin nila sa akin na hindi sila makararating dahil nasira ang kanilang sasakyan. Hindi nagtagal pagkatapos nito ay namatay ang aking asawa, at nanirahan ako sa Keetmanshoop. Isang special pioneer (buong-panahong ebanghelisador) ang naatasan upang gumawa doon, at kumuha ako sa kaniya ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Sa simula pa lamang, narinig ko na agad ang taginting ng katotohanan.
“Sa kalaunan, ako ay inanyayahan na makibahagi sa gawaing pangangaral, ngunit nadaig ako ng pagkatakot sa tao. Habang naglalakad sa bahay-bahay, idinalangin ko kay Jehova na hayaan na lamang niyang mamatay ako sa halip na mangaral. Nang una akong makibahagi sa pangangaral sa lansangan, nagtago ako sa isang maliit na iskinita, na umaasang walang makakakita sa akin. Sa wakas, nagkaroon ako ng sapat na lakas ng loob upang ipakita ang isang magasin sa isang nagdaraan, at noon ko lamang nagawang magsalita. Sa araw na iyon, sa tulong ni Jehova, naibahagi ko ang aking salig-Bibliyang pag-asa sa maraming tao.
“Sa ngayon, pagkalipas ng 12 taon, bagaman dukha sa materyal, lubos ko pa ring pinahahalagahan ang pribilehiyo ng paglilingkuran bilang payunir at patuloy na nagtatamasa ng di-masukat na kagalakan sa pagbabahagi ng katotohanan ng Kaharian sa iba.”