Kung Ano ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Pangkukulam
ANG makabagong-panahong pangkukulam ay mahirap bigyang katuturan. Ito’y dahilan sa malaki ang pagkakaiba-iba ng mga nagsasagawa nito. Wala silang kinikilalang sentral na awtoridad o doktrina o banal na aklat upang pagkaisahin ang kanilang paniniwala. Magkakaiba rin sila sa tradisyon, organisasyon, ritwal, at opinyon kung aling mga diyos ang pararangalan. Ganito ang sabi ng isang manunulat: “Ang daigdig ng okulto ay nag-aalok sa indibiduwal ng isang ‘malayang pamilihan’ ng mga ideya.” Ganito ang sabi ng isa pa: “Karamihan sa Makabagong mga Pagano ay hindi nagkakaunawaan sa halos lahat ng bagay.”
Para sa marami, hindi suliranin ang mga pagkakasalungatan. Isang giyang-aklat para sa mga nagnanais maging mga mangkukulam ang nagsabi: “Kapag napaharap ka sa tila magkakasalungat na impormasyon, suriin ang impormasyong ito at magpasiya kung alin ang susundin. Makinig sa iyong kutob. Sa ibang pananalita, maging malaya na pumili sa mga inilathalang mga ritwal at mga aklat-aralin sa ritwal upang makapagpasiya kung ano ang nadaramang tama.”
Para doon sa nakakakilala sa katangian ng katotohanan, isang suliranin ang gayong mga pagkakasalungatan. Ang katotohanan ay tunay na pangyayari, kung ano ang totoo. Ang mga bagay ay hindi nagiging totoo dahil lamang sa ang isang tao ay nakadarama o umaasa o naniniwala na ang mga ito ay totoo. Halimbawa, may panahon na naniniwala ang mga doktor na malulunasan nila ang pulmonya sa pamamagitan ng paghati sa dalawa ng isang buháy na manok at paglalagay ng mga ito sa dibdib ng pasyente. Walang alinlangan, maraming pasyente ang taimtim na naniwala na ang paggamot na ito ay magpapagaling sa kanila. Gayunman, ang kanilang mga paniniwala at mga inaasahan ay hindi kasuwato ng katotohanan—ang gayong pamamaraan ay hindi nakagagamot ng pulmonya. Hindi gumagawa ng katotohanan ang mga tao; pinagsisikapan nilang maunawaan ito.
Sinasabi ng Bibliya na naglalaman ito ng katotohanan tungkol sa mga bagay na espirituwal. Noong nasa lupa, sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang Ama sa panalangin: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Sumulat si apostol Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Hindi sumasang-ayon ang marami na nagsasagawa ng pangkukulam. Sa halip, naghahanap sila ng inspirasyon at patnubay sa alamat, sinaunang mga relihiyon, at maging sa kathang siyensiya. Gayunman, hindi ba makatuwiran na isaalang-alang man lamang kung ano ang sinasabi ng Bibliya? Tutal, ito’y halos kinikilala ng lahat bilang isang banal na aklat. Ito rin ay isa sa pinakamatatandang relihiyosong teksto na nakapanatili. Isinulat ang Bibliya sa loob ng 1,600 taon, gayunman ito ay di-nagbabago kailanman sa mga turo nito. Ihambing natin ang mga turo ng Bibliya sa ilang karaniwang mga paniniwala na kasalukuyang ipinahahayag niyaong mga nagtataguyod ng pangkukulam.
Sino ang Nananahan sa Daigdig ng mga Espiritu?
Isang mahalagang tanong sa paghahanap para sa kaunawaang espirituwal ay ito, Sino ang tumatahan sa daigdig ng mga espiritu? Bagaman karamihan sa makabagong mga mangkukulam ay mga tagasunod ng isang pananampalatayang nakasalig sa kalikasan at sumasamba sa maraming diyos, sinasamba ng ilan ang isang dakilang diyosang-ina, na minamalas sa tatluhang papel ng dalaga, ina, at matandang babae, na kumakatawan sa mahahalagang yugto ng buhay. Ang kaniyang mangingibig ay isang diyos na may mga sungay. Sinasamba ng ilang mangkukulam ang isang diyos at diyosa nang magkasama. Sinabi ng isang manunulat: “Ang diyosa at ang diyos ay nakikitang kapahayagan ng mga puwersang pambabae at panlalaki ng kalikasan. Bawat isa [na may] kakaibang katangian na kapag pinagsama ay nagbubunga sa magkasuwatong paglalang ng buhay.” Isa pang awtoridad sa pangkukulam ang sumulat: “Ang isa sa pinakamahalagang pagpipilian sa Pangkukulam ay ang iyong pagpili ng mga bathala (Mga Diyos/Mga Diyosa) na pakikipag-ugnayan mo. . . . Ang Pangkukulam ay nagkakaloob sa iyo ng kalayaang pumili at pagkatapos ay parangalan ang iyong sariling mga anyo ng Diyos.”
Hindi sinusuportahan ng Bibliya ang alinman sa mga ideyang ito. Iniukol ni Jesu-Kristo ang kaniyang buong ministeryo sa pagtuturo sa iba tungkol kay Jehova, “ang tanging Diyos na totoo.” (Juan 17:3) Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay dakila at lubhang marapat na purihin, at siya ay marapat katakutan nang higit kaysa sa lahat ng iba pang diyos. Sapagkat ang lahat ng diyos ng mga bayan ay walang-silbing mga diyos.”—1 Cronica 16:25, 26.
Kumusta naman ang Diyablo? Binigyang katuturan ng Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary ang pangkukulam bilang “pakikipagtalastasan sa diyablo.” Mahirap makakita ng isang mangkukulam sa ngayon na sasang-ayon sa katuturang ito, sapagkat marami ang di-tumatanggap maging sa pag-iral ni Satanas na Diyablo. Isang kabataang babae, na inilarawan sa The Irish Times bilang “mataas ang ranggo na mangkukulam at pinuno ng isa sa pinakamahalagang kapulungan ng mga mangkukulam sa Ireland,” ang nangatuwiran ng ganito: “Ang paniniwala sa Diyablo ay nagpapahiwatig ng pagtanggap sa Kristiyanismo . . . hindi makapaninirahan [Ang Diyablo] sa isang sansinukob na walang Diyos.”
Pinatutunayan ng Bibliya ang pag-iral ng Diyablo at pinararatangan siya sa karamihan ng pagdurusa at kaguluhan sa lupa. (Apocalipsis 12:12) Hindi lamang itinuro ni Jesus na umiiral ang Diyablo kundi ipinakita rin niya na maaaring magawa ang kalooban ng Diyablo nang wala sa loob. Halimbawa, iginiit ng mapagmatuwid-sa-sarili na relihiyosong mga lider noong unang siglo na sila ay, sa isang paraan, mga anak ng Diyos at naniniwala na ginagawa nila ang kalooban ng Diyos. Ngunit iba ang nalalaman ni Jesus, na nakauunawa kung ano ang nasa kanilang mga puso. Tuwirang sinabi niya sa kanila: “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at ninanais ninyong gawin ang mga nasa ng inyong ama.” (Juan 8:44) Isa pa, ang manunulat ng aklat ng Bibliya na Apocalipsis ay nagsasabi na ang Diyablo ang “siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.”—Apocalipsis 12:9.
Makabubuti ba ang Kaunting Mahika?
Ang mahika, siyempre pa, ay lagi nang kaugnay sa okulto.a Maraming tao kapuwa sa sinauna at makabagong panahon ang naniniwala na ang mahika na isinasagawa ng mga mangkukulam ay ginagawa upang magdulot ng pinsala sa iba. Ipinatutungkol sa mga mangkukulam ang kapangyarihan na magdulot ng matinding kirot at maging ng kamatayan sa pamamagitan ng mahika. Karaniwan na, pinagbibintangan ang mga mangkukulam sa halos walang katapusang sunud-sunod na mga kasawian, kabilang na ang sakit, kamatayan, at mahinang ani.
Mariing itinatanggi ng mga mangkukulam sa ngayon ang gayong mga bintang. Bagaman kinikilala ang pag-iral ng paminsan-minsang salbaheng mangkukulam na nagtataguyod ng kasamaan, iginigiit ng marami na ang kanilang mahika ay ginagamit upang magdala ng mga pakinabang, hindi ng pinsala. Itinuturo ng mga Wiccan na babalik nang tatlong ulit sa taong nagsasagawa nito ang mga epekto ng mahika at sinabing ito ay isang malaking hadlang sa pagbigkas ng mga sumpa. Kabilang sa mga halimbawa ng sinasabing nakabubuting mahika ang mga bulong upang ipagsanggalang ang iyong sarili, linisin ang iyong tahanan mula sa negatibong enerhiya na naiwan ng dating naninirahan, paibigin ang isang tao sa iyo, itaguyod ang pagpapagaling at kalusugan, iwasan ang pagkawala ng iyong trabaho, at upang magkapera. Sa pagtataglay ng gayong kalawak na mga kapangyarihan na ipinatutungkol sa pangkukulam, hindi kataka-taka na ito ay naging napakapopular.
Gayunman, walang ginawang pagkakaiba ang Bibliya sa pagitan ng mahika na mabuti at mahika na masama. Sa Kautusan na ibinigay kay Moises, nilinaw ng Diyos ang kaniyang katayuan. Sinabi niya: “Huwag kayong magsasagawa ng mahika.” (Levitico 19:26) Mababasa rin natin: “Huwag makasusumpong sa iyo . . . ng mahiko o ng sinumang naghahanap ng mga tanda o ng manggagaway, o ng isa na nanggagayuma sa iba sa pamamagitan ng engkanto o ng sinumang sumasangguni sa espiritista.”—Deuteronomio 18:10, 11.
Bakit sinabi iyan ng Diyos? Hindi dahil nais niyang pagkaitan tayo ng kung ano ang kapaki-pakinabang. Ibinigay ni Jehova ang mga batas na ito sa kaniyang bayan sapagkat mahal niya sila at hindi niya nais na maging alipin sila ng takot at pamahiin. Sa halip, inaanyayahan niya ang kaniyang mga lingkod na lumapit sa kaniya para sa mga bagay na kailangan nila. Siya ang Tagapagkaloob ng “bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo.” (Santiago 1:17) Tiniyak ni apostol Juan sa mga kapananampalataya: “Anuman ang ating hingin ay ating tatanggapin mula sa [Diyos], sapagkat tinutupad natin ang kaniyang mga kautusan at ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniyang mga mata.”—1 Juan 3:22.
Kumusta Naman ang Masasamang Espiritu?
Maraming mangkukulam ang sumasang-ayon sa Bibliya sa puntong ito: Totoong umiiral ang masasamang espiritu. Nagbabala ang isang tagapagtaguyod ng pangkukulam sa isang sanaysay: “Ang mga Anino ay nasa paligid: Sila’y umiiral, sa di-nakikitang daigdig na gaya ng sa atin, na may nabubuhay na mga nilalang. . . . Ang mga terminong ‘Maliit na Demonyo’, ‘Masamang Espiritu’ at ‘Demonyo’ ay lubhang tumpak. Sila’y napakalakas. . . . Ang pinakamatalinong uri . . . ay may kakayahan (kung sinuman ay lubhang matulungin upang magbukas ng pintuan para sa kanila) na pumasok sa ating daigdig. . . . Makapapasok sila sa iyong katawan . . . , anupat makokontrol ka pa nga sa isang antas. Oo, ito ay katulad na katulad ng matatandang kuwento ng mga inalihan ng Demonyo.”
Noong panahon ng Bibliya, ang mga taong inalihan ng demonyo ay pinahirapan sa iba’t ibang paraan. Ang ilan sa mga naapektuhan ay hindi makapagsalita, ang ilan ay bulag, ang ilan ay nag-astang baliw, at ang ilan ay nagtataglay ng kapangyarihang higit sa tao. (Mateo 9:32; 12:22; 17:15, 18; Marcos 5:2-5; Lucas 8:29; 9:42; 11:14; Gawa 19:16) Kung minsan ang matinding paghihirap ay nadaragdagan pa kapag inaalihan ng maraming demonyo ang isang tao nang sabay-sabay. (Lucas 8:2, 30) Tiyak kung gayon, may mabuting dahilan kung bakit binababalaan ni Jehova ang mga tao na lumayo mula sa pangkukulam at sa iba pang mga gawaing okulto.
Relihiyong Salig sa Katotohanan
Marami ang nahuhumaling sa pangkukulam sa ngayon sapagkat ito’y tila isang relihiyon na hindi nakapipinsala, mabuti, at tungkol sa kalikasan. Ito’y tinatanggap sa ilang komunidad. Hindi ito kinatatakutan. Sa halip, ito ay kadalasang hindi pinapansin. Sa isang kapaligiran na kung saan ang pagpaparaya ng relihiyon ay umaakay sa marami na tanggapin maging ang di-kapani-paniwala, higit na nagtinging disente ang pangkukulam.
Tunay, ang daigdig ng mga relihiyon ay naging isang pamilihan kung saan ang mga tao ay malayang makapipili ng isa na babagay sa kanilang mga pangangailangan, gaya ng kung paano bumibili ang isa ng isang pares ng sapatos. Sa kabaligtaran, bumanggit si Jesus ng dalawa lamang na mapagpipilian. Sinabi niya: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan; sapagkat malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.” (Mateo 7:13, 14) Likas lamang, tayo’y malayang makapagpapasiya kung aling landas ang tatahakin natin. Ngunit yamang ang ating walang-hanggang kapakanan ang nakataya, ang pagpiling ito ay mahalagang-mahalaga. Upang makapagtamo ng espirituwal na kaliwanagan, kailangang itaguyod natin ang daan ng katotohanan—ang daan na masusumpungan lamang sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.
[Talababa]
a Sa Ingles, ginagamit ng ilan ang pagbaybay na “magick” upang makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng uring okulto at mga ilusyon sa entablado. Tingnan ang Gumising!, Setyembre 8, 1993, pahina 26, “Mayroon Bang Panganib sa Pagsasagawa ng Mahika?”
[Larawan sa pahina 5]
Minamalas ng marami sa ngayon ang pangkukulam bilang isang di-nakapipinsalang relihiyon tungkol sa kalikasan
[Larawan sa pahina 6]
Ang mahika ay lagi nang nauugnay sa okulto
[Larawan sa pahina 6]
Ang mga nagsasagawa ba ng pangkukulam ay walang kamalayang gumagawa ng kalooban ng Diyablo?
[Mga larawan sa pahina 7]
Isinisiwalat ng Bibliya ang daan ng katotohanan