Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w01 6/1 p. 30-31
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Kaparehong Materyal
  • Hinihiling ba ng Diyos na Ipagtapat Mo ang Iyong mga Kasalanan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Palaging Tanggapin ang Disiplina ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Ang Awa ni Jehova ang Nagliligtas sa Atin sa Kawalang-Pag-asa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Kapag Humingi ng Tawad ang “Pusong Wasak at Durog”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
w01 6/1 p. 30-31

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Yamang handa naman si Jehova na magpatawad ng mga kasalanan salig sa bisa ng haing pantubos, bakit kailangan pang magtapat ang mga Kristiyano sa matatanda sa kongregasyon?

Gaya ng makikita sa kaso nina David at Bat-sheba, pinatawad ni Jehova ang kasalanan ni David, bagaman malubha, dahil sa taimtim na pagsisisi ni David. Nang lapitan siya ng propetang si Natan, hayagang ipinagtapat ni David: “Ako ay nagkasala laban kay Jehova.”​—2 Samuel 12:13.

Gayunman, hindi lamang tinatanggap ni Jehova ang taimtim na pagtatapat ng isang nagkasala at pinatatawad ito kundi gumagawa rin siya ng maibiging mga paglalaan upang tulungan ang nagkasala na gumaling sa espirituwal. Sa kaso ni David, ang tulong ay dumating sa pamamagitan ng propetang si Natan. Sa ngayon, sa Kristiyanong kongregasyon, may matatandang lalaki na may-gulang sa espirituwal, o matatanda. Nagpaliwanag ang alagad na si Santiago: “Mayroon bang sinumang may sakit [sa espirituwal] sa inyo? Tawagin niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon, at ipanalangin nila siya, na pinapahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova. At ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam, at ibabangon siya ni Jehova. Gayundin, kung nakagawa siya ng mga kasalanan, ito ay ipatatawad sa kaniya.”​—Santiago 5:14, 15.

Malaki ang magagawa ng makaranasang matatanda upang paginhawahin ang kirot ng puso na nadarama ng isang nagkasala na nagsisisi. Pinagsisikapan nilang tularan si Jehova sa kanilang pakikitungo sa kaniya. Kailanman ay hindi nila nais na maging malupit, bagaman maaaring kailangan ang matinding disiplina. Sa halip, may-pagkahabag nilang isinasaalang-alang ang dagliang mga pangangailangan ng indibiduwal. Buong-pagtitiis nilang sinisikap na ibalik sa ayos ang pag-iisip ng nagkasala sa pamamagitan ng paggamit ng Salita ng Diyos. (Galacia 6:1) Kahit hindi kusang-loob na ipagtapat ng isang tao ang kaniyang pagkakasala, maaari pa rin siyang maudyukang magsisi kapag nilapitan ng matatanda, gaya ni David nang lapitan siya ni Natan. Sa gayon ang pag-alalay na ibibigay ng matatanda ay tutulong sa nagkasala na iwasan ang panganib na maulit niya ang pagkakasala at ang malulubhang bunga ng pagiging isang mapagmatigas na namimihasa sa kasalanan.​—Hebreo 10:26-31.

Tiyak na hindi madaling ipagtapat sa iba ang mga gawang ikinahihiya ng isa at humingi ng kapatawaran. Nangangailangan ito ng tibay ng loob. Ngunit pag-isipan sandali ang ibubunga kung hindi ito gagawin. Isang lalaking hindi nagtapat ng kaniyang malubhang pagkakasala sa matatanda sa kongregasyon ang nagsabi: “Nakadama ako ng kirot sa puso na hindi maalis. Pinag-ibayo ko ang aking pagsisikap sa gawaing pangangaral, ngunit nanatili ang pagkabagabag ng aking budhi.” Sa pakiwari niya’y sapat na ang pagtatapat sa Diyos sa panalangin, ngunit malinaw na hindi, sapagkat naranasan niya ang mga damdaming katulad ng kay Haring David. (Awit 51:8, 11) Tunay ngang higit na makabubuti na tanggapin ang maibiging tulong na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng matatanda!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share