Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w01 8/1 p. 3-4
  • Ang Karapatan Mong Maniwala

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Karapatan Mong Maniwala
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paniniwala Laban sa Katotohanan
  • Bakit Ka Naniniwala sa mga Pinaniniwalaan Mo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Mahalaga ba Kung Ano ang Pinaniniwalaan Mo?
    Gumising!—1995
  • Magkasalungat ba ang Pananampalataya at Katuwiran?
    Gumising!—2011
  • Binabago ba ng mga Saksi ni Jehova ang Bibliya Para Umayon sa mga Paniniwala Nila?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
w01 8/1 p. 3-4

Ang Karapatan Mong Maniwala

Malamang na pinahahalagahan mo ang karapatan mong maniwala sa anumang nais mong paniwalaan. Ganiyan din ang halos lahat ng tao. Dahil sa paggamit sa karapatang ito, ang anim na bilyong naninirahan sa lupa ay nakalikha ng kamangha-manghang pagkakasari-sari ng mga paniniwala. Tulad ng pagkakaiba-iba ng kulay, hugis, kayarian, lasa, amoy, at tunog na namamalas natin sa kalikasan, ang nagkakaiba-ibang paniniwala ay madalas na nagpapangyaring maging higit na kawili-wili, kapana-panabik, at kasiya-siya ang buhay. Ang gayong pagkakasari-sari ay maaari ngang maging pampalasa ng buhay.​—Awit 104:24.

NGUNIT kailangan ang pag-iingat. Ang ilang paniniwala ay hindi lamang kakaiba kundi mapanganib din. Halimbawa, noong unang bahagi ng ika-20 siglo, naniwala ang ilang tao na ang mga Judio at mga Freemason ay may planong “guluhin ang sibilisasyong Kristiyano at magtayo ng isang pandaigdig na estado sa ilalim ng kanilang magkasanib na pamamahala.” Ang isang pinagmulan ng paniniwalang ito ay ang isang tract na anti-Semitiko na pinamagatang Protocols of the Learned Elders of Zion. Ipinaparatang ng tract na kasama sa mga plano ang pagsusulong ng labis-labis na buwis, pagtataguyod sa produksiyon ng mga armas, pagpapasigla sa naglalakihang monopolyo upang ‘ang kayamanan ng mga Gentil ay mawasak nang minsanan.’ Kabilang din sa mga alegasyon ang pagmamanipula ng sistema sa edukasyon upang ‘ang mga Gentil ay gawing walang-isip na mga hayop,’ at maging ang pagtatayo ng mga riles ng tren sa ilalim ng lupa upang mapag-ugnay-ugnay ang mga kabiserang lunsod upang ‘masugpo [ng matatandang Judio] ang sinumang sasalungat sa pamamagitan ng paglipol sa kanila.’

Sabihin pa, kasinungalingan ang mga ito​—na dinisenyong magpaalab sa damdaming anti-Semitiko. ‘Ang katawa-tawang likhang-isip na ito,’ sabi ni Mark Jones ng British Museum, ‘ay lumaganap mula sa Russia tungo sa ibang bansa,’ kung saan ito unang lumitaw sa isang artikulo sa pahayagan noong 1903. Nakarating ito sa The Times ng London noong Mayo 8, 1920. Pagkalipas ng mahigit sa isang taon, inilantad ng The Times ang dokumento bilang huwad. Samantala, nakapagdulot na ito ng pinsala. ‘Ang mga kasinungalingang tulad nito,’ sabi ni Jones, ‘ay mahirap sugpuin.’ Kapag ang mga ito ay tinanggap na ng mga tao, lumilikha ang mga ito ng lubhang may-kinikilingan, nakalalason, at mapanganib na mga paniniwala​—na kadalasang may kapaha-pahamak na mga resulta, gaya ng ipinakikita ng kasaysayan ng ika-20 siglo.​—Kawikaan 6:16-19.

Paniniwala Laban sa Katotohanan

Sabihin pa, hindi kailangan ang sinasadyang mga kasinungalingan upang makabuo ng maling mga paniniwala. Kung minsan, nagkakamali lamang tayo ng pagkaunawa sa mga bagay-bagay. Gaano na karaming tao ang dumanas ng di-napapanahong kamatayan sa paggawa ng isang bagay na pinaniniwalaan nilang tama? Bukod pa riyan, kadalasan ay naniniwala tayo sa isang bagay dahil lamang sa nais nating paniwalaan iyon. Sinasabi ng isang propesor na maging ang mga siyentipiko ay “kadalasan nang nahuhumaling sa kanilang sariling mga gawa.” Pinalalabo ng kanilang mga paniniwala ang kanilang mapanuring pagpapasiya. Pagkatapos ay maaari nilang gugulin ang kanilang buong buhay sa walang-kabuluhang pagsisikap na suportahan ang maling mga paniniwala.​—Jeremias 17:9.

Ang gayunding mga bagay ay nangyayari sa mga relihiyosong paniniwala​—kung saan may napakalalaking pagkakasalungatan. (1 Timoteo 4:1; 2 Timoteo 4:3, 4) Ang isang tao ay may matibay na pananampalataya sa Diyos. Sinasabi naman ng isa pa na ang taong iyon ay “humahabi lamang ng pananampalataya mula sa hangin.” Pinaninindigan naman ng isa na mayroon kang imortal na kaluluwa na nananatiling buháy pagkamatay. Naniniwala naman ang isa pa na kapag namatay ka, hindi ka na ganap at lubusang umiiral. Maliwanag na ang nagkakasalungatang mga paniniwala na tulad ng mga ito ay hindi maaaring maging pawang totoo. Kung gayon, hindi ba isang katalinuhan na tiyakin na ang mga pinaniniwalaan mo ay talagang totoo at hindi lamang siyang nais mong paniwalaan? (Kawikaan 1:5) Paano mo magagawa iyon? Susuriin ang paksang ito sa sumusunod na artikulo.

[Larawan sa pahina 3]

Ang artikulo noong 1921 na naglalantad sa “Protocols of the Learned Elders of Zion”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share