Natatandaan Mo Ba?
Pinahalagahan mo ba ang pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:
• Ilan ang kabanata sa aklat ng Mikas, kailan ito isinulat, at ano ang situwasyon nang panahong iyon?
May pitong kabanata ang aklat ng Mikas. Isinulat ni propeta Mikas ang aklat noong ikawalong siglo B.C.E., nang panahong nahahati sa dalawang bansa—Israel at Juda—ang tipang bayan ng Diyos.—8/15, pahina 9.
• Ayon sa Mikas 6:8, ano ang hinihiling ng Diyos sa atin?
Dapat tayong “magsagawa ng katarungan.” Ang pamamaraan ng Diyos sa paggawa ng mga bagay-bagay ang siyang pamantayan ng katarungan, kaya dapat nating itaguyod ang kaniyang mga simulain ng katapatan at integridad. Sinasabi niya sa atin na “ibigin ang kabaitan.” Ang mga Kristiyano ay nagpakita ng maibiging-kabaitan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng iba, tulad halimbawa pagkatapos ng kasakunaan. Upang tayo’y “maging mahinhin sa paglakad na kasama” ni Jehova, dapat nating kilalanin ang ating mga limitasyon at umasa sa kaniya.—8/15, pahina 20-2.
• Kapag nawalan ng trabaho, ano ang maaaring naising gawin ng isang Kristiyano?
Isang katalinuhan na muling suriin ang paraan ng pamumuhay ng isa. Baka posibleng pasimplehin ang buhay ng isa sa pamamagitan ng paglipat sa isang mas maliit na tirahan o pagbawas sa di-kinakailangang materyal na mga pag-aari. Walang alinlangan, mahalaga na huwag nang mabalisa tungkol sa araw-araw na mga pangangailangan, anupat nagtitiwala na mapangyayari ng Diyos na makaraos tayo. (Mateo 6:33, 34)—9/1, pahina 14-15.
• Ano ang dapat nating tandaan kapag nagbibigay o tumatanggap ng mga regalo sa kasal?
Ang mamahaling mga regalo ay hindi kinakailangan, ni dapat mang asahan ang mga ito. Ang pinakamahalaga ay ang saloobin ng puso ng nagbibigay. (Lucas 21:1-4) Hindi isang kabaitan na ianunsiyo ang pangalan ng nagbigay ng regalo. Ang paggawa ng gayon ay maaaring magdulot ng kahihiyan. (Mateo 6:3)—9/1, pahina 29.
• Bakit dapat tayong manalangin nang walang lubay?
Ang regular na pananalangin ay makatutulong sa pagpapatibay sa ating kaugnayan sa Diyos at naghahanda sa atin na harapin ang matitinding pagsubok. Ang ating mga panalangin ay maaaring maging maikli o mahaba, depende sa pangangailangan at mga kalagayan. Ang panalangin ay nagpapatibay ng pananampalataya at tumutulong sa atin na harapin ang mga suliranin.—9/15, pahina 15-18.
• Paano natin dapat unawain ang 1 Corinto 15:29, na sa ilang bersiyon ay isinasalin na “binabautismuhan dahil sa mga patay”?
Ibig sabihin ni Pablo na ang pinahirang mga Kristiyano ay binabautismuhan, o inilulubog, sa isang landasin ng buhay na aakay sa kamatayan taglay ang katapatang katulad ng kay Kristo. Pagkatapos, sila’y bubuhaying muli sa espiritung buhay na gaya ni Kristo.—10/1, pahina 29.
• Paano natin nalalaman na higit pa kaysa sa pag-iwas sa masasamang gawa na binanggit sa 1 Corinto 6:9-11 ang nasasangkot sa pagiging isang Kristiyano?
Hindi lamang binanggit ni apostol Pablo na dapat umiwas ang isang Kristiyano sa masasamang gawa na gaya ng pakikiapid, idolatriya, at paglalasing. Upang ipakita na baka kailanganin ang karagdagang mga pagbabago, nagpatuloy siya sa sumunod na talata: “Ang lahat ng bagay ay matuwid para sa akin; ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang.”—10/15, pahina 18-19.
• Sinu-sino ang ilang babae noong sinaunang panahon na nagpasaya sa puso ng Diyos?
Kabilang sa mga ito ang mga komadronang sina Sipra at Pua, na hindi sumunod kay Paraon at hindi pumatay ng bagong-silang na mga lalaking Israelita. (Exodo 1:15-20) Ipinagsanggalang ng patutot na Canaanitang si Rahab ang dalawang tiktik na Israelita. (Josue 2:1-13; 6:22, 23) Dahil sa pagpapamalas ng katinuan, nakatulong si Abigail sa pagliligtas ng mga buhay at naipagsanggalang si David mula sa pagkakasala sa dugo. (1 Samuel 25:2-35) Sila ay mga huwaran para sa mga kababaihan sa ngayon.—11/1, pahina 8-11.
• Paanong “mula sa langit ay nakipaglaban ang mga bituin” kay Sisera, gaya ng nakasaad sa Hukom 5:20?
Ipinalalagay ng ilan na tumutukoy ito sa tulong ng Diyos. Sinasabi naman ng iba na tumutukoy ito sa pagtulong ng mga anghel, sa pag-ulan ng mga bulalakaw, o sa pagtitiwala ni Sisera sa mga hula na salig sa astrolohiya. Yamang hindi nagbibigay ng mga detalye ang Bibliya, maaari nating unawain ang pananalitang ito bilang pahiwatig ng isang anyo ng pakikialam ng Diyos alang-alang sa hukbo ng Israel.—11/15, pahina 30.
• Bagaman laganap ang kawalang-interes at pagwawalang-bahala sa relihiyon, bakit napakaraming tao pa rin ang nag-aangking naniniwala sa Diyos?
Ang ilan ay nagsisimba dahil sa paghahanap ng kapayapaan ng isip. Ang iba naman ay umaasa ng buhay na walang hanggan pagkamatay nila, o ng kalusugan, kayamanan, at tagumpay. Sa ilang lugar, ang mga tao ay naghahanap ng isang bagay na makatutugon sa espirituwal na kahungkagan na naging resulta ng paghalili ng kapitalistang mga ambisyon sa ideolohiyang Komunista. Ang kabatiran sa gayong mga dahilan ay makatutulong sa isang Kristiyano na makapagpasimula ng makabuluhang mga pag-uusap.—12/1, pahina 3.