Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w06 4/15 p. 4-7
  • Mahahalagang Salik sa Pakikipag-usap sa Iyong Asawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mahahalagang Salik sa Pakikipag-usap sa Iyong Asawa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Komunikasyong Walang Salita
  • Napakahalaga ng Pag-uusap
  • Patuloy na Linangin ang Kasanayan sa Pakikipag-usap
  • Kapag May Di-pagkakasundo
  • Panatilihing Bukas ang Linya ng Komunikasyon
  • Pagtatalastasan sa Loob ng Pamilya at sa Kongregasyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Komunikasyon—Hindi Lamang sa Salita
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Patibayin ang Inyong Pagsasama sa Pamamagitan ng Mabuting Pag-uusap
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Kaayaayang Pag-uusap—Isang Susi sa Matagumpay na Pag-aasawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
w06 4/15 p. 4-7

Mahahalagang Salik sa Pakikipag-usap sa Iyong Asawa

‘HINDI ko dapat sinabi iyon.’ ‘Hindi naman iyon ang talagang ibig kong sabihin.’ Nakadama ka na ba ng ganiyan pagkatapos mong makipag-usap sa iyong asawa? Ang komunikasyon ay isang kasanayan na dapat linangin. Gaya ng iba pang mga kasanayan, waring madali itong natututuhan ng ilan, samantalang hirap na hirap naman ang iba. Pero kung katulad ka ng huling nabanggit, maaari ka pa ring matutong magpahayag ng iyong damdamin sa magandang paraan, anupat nasasabi mo ang gusto mong sabihin.

Kung minsan, naiimpluwensiyahan ng kultura ang pakikitungo ng ilang tao sa kani-kanilang asawa. Posibleng naturuan sila na ‘para maging lalaking-lalaki, hindi sila dapat masalita.’ Ang mga lalaking madaldal ay baka ituring na mababaw at di-taimtim. Totoo, sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” (Santiago 1:19) Gayunman, ang payong ito ay kapit kapuwa sa lalaki at sa babae at ipinakikita nito na hindi lamang basta pagsasalita ang nasasangkot sa pag-uusap. Maaaring matagal na nag-uusap ang dalawang tao, subalit paano kung hindi naman sila nakikinig sa isa’t isa? Malamang na wala talagang komunikasyon. Gaya ng ipinakikita ng tekstong nabanggit, malaki ang magagawa ng mahusay na pakikinig para maging matagumpay ang pag-uusap.

Komunikasyong Walang Salita

Sa ilang komunidad, ang mga asawang babae ay hindi puwedeng magsabi ng kanilang mga opinyon. Ang mga asawang lalaki naman ay hindi dapat nakikialam sa mga bagay na may kinalaman sa pamilya. Sa ganitong mga kultura, hinuhulaan na lamang ng mga mag-asawa kung ano ang gusto ng bawat isa sa isang partikular na situwasyon. Madaling mahulaan ng ilang asawang babae ang pangangailangan ng kanilang kabiyak at agad nila itong naibibigay. Sa ganitong kalagayan, may komunikasyon bagaman wala silang binibitiwang mga salita. Gayunman, karaniwan nang isa lamang ang nakikinabang sa ganitong uri ng komunikasyon. Bagaman maaaring nahihinuha ng asawang babae ang iniisip o nadarama ng kaniyang asawa, karaniwang hindi inaasahang gagawin ito ng asawang lalaki.

Totoo, naiintindihan ng mga lalaki sa ilang kultura ang emosyonal na pangangailangan ng mga babae at sinisikap naman nilang sapatan ito. Gayunman, maging sa ganitong mga kultura, makikinabang pa rin ang mga mag-asawa sa mas mabuting komunikasyon.

Napakahalaga ng Pag-uusap

Maiiwasan ang di-pagkakaunawaan at di-pagkakasundo kung may tapatang pag-uusap. Noong panahon ng mga Israelita, ang mga tribo nina Ruben, Gad, at ang kalahating tribo ni Manases na nanahanan sa silangan ng Ilog Jordan ay nagtayo ng “isang altar na lubhang kapansin-pansin” sa tabi ng Jordan. Binigyan ng masamang kahulugan ng ibang tribo ang kanilang ginawa. Yamang inakala nila na ang kanilang mga kapatid sa kabilang ibayo ng Jordan ay nakagawa ng apostasya, ang mga tribo sa kanluran ay naghandang makipagdigma laban sa mga “mapaghimagsik.” Subalit bago makipagdigma, nagsugo sila ng delegasyon upang makipag-usap sa mga tribo sa silangan. Isa ngang napakatalinong hakbang! Nalaman nila na ang altar ay hindi pala para sa ilegal na mga handog na sinusunog o mga hain. Sa halip, ang mga tribo sa silangan ay natakot na masabihan ng ibang tribo sa hinaharap: “Wala kayong bahagi kay Jehova.” Ang altar ang magiging saksi na sila rin ay mga mananamba ni Jehova. (Josue 22:10-29) Pinanganlan nila ang altar, malamang na dahil sa nagsilbi itong saksi sa pagitan nila na si Jehova ang tunay na Diyos.​—Josue 22:34.

Dahil sa kanilang paliwanag, nakumbinsi ang iba pang tribo na huwag ituloy ang pakikidigma laban sa dalawa at kalahating tribo. Oo, naiwasan ang digmaan dahil sa tapatang pag-uusap. Nang maglaon, noong maghimagsik ang Israel sa Diyos na Jehova, ang kanilang makasagisag na asawa, sinabi niya sa kanila na ‘magsasalita siya sa kanilang puso’ nang may kaawaan. (Oseas 2:14) Kayganda ngang parisan para sa mga mag-asawa! Oo, pagsikapang abutin ang puso ng iyong asawa upang maunawaan niya ang iyong damdamin. Mahalaga ito, lalo na kung nasasangkot dito ang matinding emosyon. Ayon kay Pattie Mihalik, isang peryodista sa Estados Unidos, “sinasabi ng ilan na hindi ka gagastos sa mga salita, pero hindi rin naman matatawaran ang halaga ng mga salita. At bagaman maaaring nahihirapan ang iba na ipahayag ang kanilang niloloob, di-hamak na mas malaki ang magiging pakinabang nito kaysa sa salaping nasa bangko.”

Patuloy na Linangin ang Kasanayan sa Pakikipag-usap

‘Sa simula pa lang ay hindi na maganda ang aming pagsasama bilang mag-asawa,’ ang maaaring sabihin ng ilan. ‘Wala nang pag-asa ang aming pag-aasawa,’ ang marahil sinasabi naman ng iba. Maaaring iniisip nila na imposible pang malinang ang kasanayan sa pakikipag-usap ngayong kasal na sila. Subalit isipin na lamang ang mga ipinagkakasundo sa pag-aasawa ng mga kamag-anak sa mga lipunang may ganitong kaayusan. Maraming ikinasal sa gayong kultura ang naging matagumpay naman sa pakikipag-usap sa kanilang kabiyak.

Isang mag-asawa sa bansa sa Silangan ang ikinasal sa gayong paraan. Isang lingkod ang inutusang maglakbay nang malayo upang ihanap ng mapapangasawa ang lalaki. Gayunpaman, ang mag-asawang ito, na nabuhay halos 4,000 taon na ang nakararaan, ay naging matagumpay sa pakikipag-usap sa isa’t isa. Ang lalaki, si Isaac, ay pumunta sa parang upang salubungin ang lingkod at ang kaniyang mapapangasawa. “Isinaysay” ng lingkod “kay Isaac ang lahat ng bagay na ginawa niya.” Ganito pa ang sinabi ng Bibliya tungkol sa pag-aasawang ito: “Pagkatapos ay dinala siya [si Rebeka] ni Isaac sa tolda ni Sara na kaniyang ina [ang hakbang na ito ang nagsilbing opisyal na kasalan]. Sa gayon ay kinuha niya si Rebeka at ito ay naging kaniyang asawa; at inibig niya ito.”​—Genesis 24:62-67.

Pansinin na nakinig muna si Isaac sa ulat ng lingkod at “pagkatapos” ay kinuha niya si Rebeka bilang kaniyang asawa. Ang lingkod ay isang mapagkakatiwalaang alipin na tapat sa Diyos na Jehova, ang Diyos na sinasamba ni Isaac. May mabuting dahilan si Isaac para pagkatiwalaan ang taong ito. Mula noon, “inibig” ni Isaac si Rebeka, na kaniyang pinakasalan.

Nalinang ba nina Isaac at Rebeka ang mahusay na kasanayan sa pakikipag-usap? Nang mapangasawa ng kanilang anak na si Esau ang dalawang anak na babae ni Het, bumangon ang malaking problema sa kanilang pamilya. “Laging sinasabi” ni Rebeka kay Isaac: “Namumuhi na ako sa buhay kong ito dahil sa mga anak ni Het. Kung si Jacob [ang kanilang bunsong anak] ay kukuha rin ng asawa mula sa mga anak ni Het . . . , ano pa ang kabuluhan ng buhay sa akin?” (Genesis 26:34; 27:46) Maliwanag na sinabi niya kung ano talaga ang nadarama niya.

Sinabihan ni Isaac si Jacob, ang kakambal ni Esau, na huwag kukuha ng mapapangasawa mula sa mga anak na babae ng Canaan. (Genesis 28:1, 2) Nasabi ni Rebeka ang gusto niyang sabihin. Naging matagumpay ang pag-uusap ng mag-asawang ito tungkol sa napakasensitibong problema ng pamilya, anupat nagbibigay ng mabuting halimbawa para sa atin sa ngayon. Pero paano kung hindi magkasundo ang mag-asawa? Ano ang maaaring gawin?

Kapag May Di-pagkakasundo

Kapag kayong mag-asawa ay may malubhang di-pagkakasundo, huwag kang magsawalang-kibo na lamang. Malinaw ang ipinahihiwatig nito: Hindi ka masaya, at ayaw mo ring sumaya ang iyong asawa. Baka hindi pa nga gaanong maunawaan ng iyong asawa kung ano talaga ang gusto at nadarama mo.

Marahil ay kailangan ninyong mag-asawa na mag-usap nang masinsinan. Kung maselan ang problema, malamang na mahirap manatiling kalmado. Minsan ay napaharap sa mahirap na situwasyon ang mga magulang ni Isaac, sina Abraham at Sara. Dahil baog si Sara, sinunod niya ang kaugalian noon at ibinigay kay Abraham ang kaniyang alilang babae, si Hagar, para magkaanak. Nagkaanak nga si Hagar kay Abraham ng isang lalaki, si Ismael. Pero sa bandang huli, nagdalang-tao rin si Sara, at nagkaanak siya kay Abraham ng isang lalaki, si Isaac. Nang aawatin na sa suso si Isaac, napansin ni Sara na laging tinutukso ni Ismael ang kaniyang anak. Palibhasa’y nakikini-kinita ang panganib na idudulot nito sa kaniyang anak, hinimok ni Sara si Abraham na palayasin ang alilang babaing ito at si Ismael. Oo, tapatang sinabi ni Sara kung ano ang kaniyang nadarama. Pero lubhang minasama ni Abraham ang kaniyang sinabi.

Paano naayos ang di-pagkakasundo? Sinasabi ng ulat ng Bibliya: “Sinabi ng Diyos kay Abraham: ‘Huwag mong masamain ang anumang bagay na laging sinasabi ni Sara sa iyo tungkol sa bata at tungkol sa iyong aliping babae. Pakinggan mo ang kaniyang tinig, sapagkat ang tatawaging iyong binhi ay magiging sa pamamagitan nga ni Isaac.’ ” Pinakinggan ni Abraham ang utos ng Diyos na Jehova at sinunod ito.​—Genesis 16:1-4; 21:1-14.

‘Pero,’ baka ikatuwiran mo, ‘kung ang Diyos siguro ang kakausap sa amin mula sa langit, madali kaming magkakasundo!’ Inaakay tayo nito sa isa pang salik para malutas ang mga di-pagkakasundo ng mga mag-asawa. Maaaring pakinggan ng mga mag-asawa ang Diyos. Paano? Sa pamamagitan ng magkasamang pagbabasa ng Salita ng Diyos at pagtanggap sa sinasabi nito bilang patnubay ng Diyos.​—1 Tesalonica 2:13.

Sinabi ng isang may-gulang na Kristiyanong asawang babae: “Madalas, kapag may asawang babae na humihingi sa akin ng payo tungkol sa pag-aasawa, tinatanong ko siya kung sila bang mag-asawa ay magkasamang nagbabasa ng Bibliya. Karamihan sa mga nagkakaproblemang mag-asawa ay hindi gumagawa nito.” (Tito 2:3-5) Tayong lahat ay makikinabang sa kaniyang obserbasyon. Regular na basahin ang Salita ng Diyos kasama ng iyong asawa. Sa gayong paraan, ‘maririnig’ mo ang sinasabi ng Diyos kung paano ka gagawi sa araw-araw. (Isaias 30:21) Gayunman, isang paalaala: Huwag mong gamitin ang Bibliya na waring pamalo para patamaan ang iyong asawa, anupat laging binabanggit ang mga tekstong sa palagay mo ay hindi niya naikakapit. Sa halip, sikapin ninyong mag-asawa na pag-isipan kung paano ninyo parehong maikakapit ang inyong nababasa.

Kung sinisikap ninyong lutasin ang isang mahirap na problema, bakit hindi hanapin sa Watch Tower Publications Indexa ang tungkol sa partikular na problema ninyo? Marahil ay inaalagaan ninyo ang inyong matatanda nang magulang, at nagdudulot ito ng tensiyon sa inyong pagsasama. Sa halip na pagtalunan ang dapat gawin o hindi dapat gawin ng iyong asawa, bakit hindi kayo maupo at magkasamang tingnan ang Index? Una, hanapin ninyo ang pangunahing uluhan na “Parents.” Hanapin ninyo ang mga reperensiya sa ilalim ng mga subtitulo, gaya ng “caring for aged parents.” Magkasama ninyong basahin ang mga artikulo sa mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova na may kaugnayan sa inyong suliranin. Baka magulat kayong mag-asawa na marami pala kayong matututuhan sa mga impormasyong salig sa Bibliya, na nakatulong na sa maraming tapat na Kristiyano.

Kapag magkasama ninyong sinusuri at binabasa ang mga artikulo, magiging malawak ang pangmalas ninyo sa inyong problema. May makikita kayong mga teksto sa Kasulatan na nagsasabi kung ano ang pangmalas ng Diyos tungkol dito. Hanapin ninyo ito sa Bibliya, at magkasama ninyong basahin ang mga ito. Oo, maririnig ninyo kung ano ang sinasabi ng Diyos hinggil sa problemang kinakaharap ninyo!

Panatilihing Bukas ang Linya ng Komunikasyon

Nasubukan mo na bang magbukas ng pinto na napakatagal nang nakasara? Mabubuksan naman ito subalit unti-unti at lalangitngit ang kinakalawang na mga bisagra. Pero paano kung madalas buksan ang pinto at nalalangisang mabuti ang bisagra nito? Madali itong mabubuksan. Gayung-gayon ang komunikasyon. Kung palagi kayong nag-uusap at nilalangisan ninyo ng Kristiyanong pag-ibig ang mga bisagra ng pinto ng komunikasyon, wika nga, mas madali mong masasabi ang iyong iniisip o nadarama kahit na may malubha kayong di-pagkakasundo.

Talagang mahirap ito sa simula. Pero kahit na gayon, pagsikapan mong gawin ito. Sa bandang huli, magiging mas maganda ang relasyon ninyong mag-asawa at magdudulot ito ng habambuhay na pagkakaunawaan.

[Talababa]

a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 7]

Kapag hindi kayo magkasundo, hahanapin ba ninyo ang patnubay ng Diyos?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share