Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Kapag nililigalig ng mga demonyo ang isang tao, ano ang maaari niyang gawin upang mapalaya mula rito?
Ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang mga taong sinasalakay ng mga demonyo ay maaaring makalaya mula sa gayong panliligalig. Napakahalaga ng panalangin sa gayong paglaya. (Marcos 9:25-29) Pero baka hindi lamang ito ang kailangang gawin ng isang taong nililigalig ng mga demonyo. Ipinakikita ng nangyari sa mga Kristiyano noong unang siglo kung ano pa ang kailangang gawin.
Bago sila naging mga tagasunod ni Kristo, ang ilang indibiduwal sa sinaunang Efeso ay nasangkot sa demonismo. Gayunman, matapos nilang ipasiyang maglingkod sa Diyos, “tinipon ng . . . mga nagsasagawa ng sining ng mahika ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat.” (Gawa 19:19) Sa pagsunog sa kanilang mga aklat ng panghuhula, ang bagong mga mananampalatayang iyon sa Efeso ay nagbigay ng halimbawa para sa sinumang nais makalaya sa pagsalakay ng mga demonyo sa ngayon. Kailangang alisin ng mga taong ito ang lahat ng bagay na may kinalaman sa espiritismo. Kabilang dito ang mga aklat, magasin, pelikula, elektronikong impormasyon mula sa Internet at iba pa, rekording ng musika na may espiritistikong mga pahiwatig, pati na mga agimat o iba pang bagay na isinusuot bilang “proteksiyon” o may kaugnayan sa espiritistikong mga gawain.—Deuteronomio 7:25, 26; 1 Corinto 10:21.
Pagkalipas ng ilang taon matapos sunugin ng mga Kristiyanong iyon sa Efeso ang kanilang mga aklat sa mahika, sumulat si apostol Pablo: “Tayo ay may pakikipagbuno . . . laban sa balakyot na mga puwersang espiritu.” (Efeso 6:12) Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano: “Isuot ninyo ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana [tusong mga gawa, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References] ng Diyablo.” (Efeso 6:11) Kapit pa rin ngayon ang payong iyan. Dapat patibayin ng mga Kristiyano ang kanilang espirituwal na pananggalang upang maingatan nila ang kanilang sarili laban sa mga balakyot na espiritu. “Higit sa lahat,” ang idiniin ni Pablo, “kunin ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya, na siyang ipanunugpo ninyo sa lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot.” (Efeso 6:16) Pinalalakas ng isang tao ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya. (Roma 10:17; Colosas 2:6, 7) Kaya naman, tumutulong ang regular na pag-aaral ng Bibliya upang mapatibay ang ating pananampalataya na magsisilbing proteksiyon laban sa impluwensiya ng mga balakyot na espiritu.—Awit 91:4; 1 Juan 5:5.
May mahalaga pang hakbang na dapat gawin ang mga Kristiyanong iyon sa Efeso. Sinabi sa kanila ni Pablo: “Sa bawat uri ng panalangin at pagsusumamo ay [magpatuloy] kayo sa pananalangin sa bawat pagkakataon sa pamamagitan ng espiritu.” (Efeso 6:18) Oo, ang marubdob na pananalangin upang humingi ng proteksiyon kay Jehova ay napakahalaga nga para sa mga nagnanais makalaya mula sa mga pagsalakay ng mga demonyo sa ngayon. (Kawikaan 18:10; Mateo 6:13; 1 Juan 5:18, 19) Angkop na sinasabi ng Bibliya: “Kaya nga, magpasakop kayo sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”—Santiago 4:7.
Bagaman ang mismong sinasalakay ng mga demonyo ang dapat manalangin nang marubdob para humingi ng tulong, maaari ring ipanalangin ng iba pang tunay na Kristiyano ang isa na masidhing nagnanais maglingkod kay Jehova at taimtim na nagsisikap labanan ang balakyot na mga puwersa. Maaari nilang hilingin sa Diyos na magkaroon sana ng espirituwal na lakas ang isang taong nililigalig ng mga demonyo upang malabanan ang mga pagsalakay ng mga ito. Yamang sinasabi ng Salita ng Diyos na “ang pagsusumamo ng taong matuwid, kapag ito ay gumagana, ay may malakas na puwersa,” tiyak na makatutulong ang mga panalangin ng mga lingkod ng Diyos sa mga nililigalig ng mga demonyo subalit buong-kayang nagsisikap na ‘salansangin ang Diyablo.’—Santiago 5:16.
[Larawan sa pahina 31]
Sinunog ng mga mananampalataya sa Efeso ang kanilang mga aklat sa mahika