Ebla—Muling Natuklasan ang Isang Naglahong Sinaunang Lunsod
Noong tag-araw ng 1962, sinurbey ni Paolo Matthiae, isang kabataan at Italyanong arkeologo, ang mga kapatagan ng hilagang-kanlurang Sirya nang hindi nakatitiyak kung may matutuklasan siya. Itinuturing noon na iilang lugar lamang sa sentral na bahagi ng Sirya ang may mahuhukay na may kaugnayan sa arkeolohiya. Subalit sa mga paghuhukay na nagsimula pagkaraan pa ng dalawang taon sa Tell Mardikh, mga 60 kilometro sa timog ng Aleppo, matatagpuan pala ang itinuturing ng marami na ‘pinakamahalagang tuklas ng arkeolohiya sa ika-20 siglo.’
PINATUTUNAYAN ng sinaunang mga inskripsiyon ang pag-iral ng lunsod na tinawag na Ebla. Gayunman, walang nakaaalam kung saan sa maraming gulod na nakakalat sa Gitnang Silangan matatagpuan ang lunsod na ito. May isang teksto na nag-uulat tungkol sa tagumpay ni Sargon, hari ng Akkad, sa “Mari, Yarmuti, at Ebla.” Sa isa pang inskripsiyon, binanggit ni Haring Gudea ng Sumeria ang mahahalagang tabla na natanggap niya mula sa “kabundukan ng Ibla [Ebla].” Lumilitaw din ang pangalang Ebla sa Karnak, Ehipto, sa isang talaan ng sinaunang mga lunsod na sinakop ni Paraon Thutmose III. Mauunawaan mo tuloy kung bakit sinikap ng mga arkeologo na hanapin ang Ebla.
Subalit nagkaroon ng magandang resulta ang patuloy na paghuhukay. Noong 1968, natuklasan ang isang bahagi ng estatuwa ni Ibbit-Lim, isang hari ng Ebla. Mayroon itong inskripsiyon ng isang panata sa wikang Akkadiano na nagsisiwalat na inialay ito sa diyosang si Ishtar na “naging bantog sa Ebla.” Oo, isiniwalat ng mga natuklasan ng mga arkeologo ang “isang bagong wika, bagong kasaysayan, at bagong kultura.”
Natiyak na ang Tell Mardikh ang siya mismong Ebla noong 1974/75 nang matuklasan ang mga tapyas na cuneiform na paulit-ulit na bumanggit sa sinaunang pangalang iyan. Ipinakita rin ng mga paghuhukay na ang lunsod ay umiral sa dakong iyon nang di-kukulangin sa dalawang beses. Winasak ito pagkalipas ng unang yugto ng maimpluwensiyang pag-iral nito. Nang maglaon, muling itinayo ang Ebla, pero muli itong winasak at naglaho sa loob ng maraming siglo.
Isang Lunsod, Maraming Kasaysayan
Karamihan sa sinaunang mga lunsod ay itinatayo sa mabanlik na kapatagan, tulad ng nasa pagitan ng mga ilog ng Tigris at Eufrates, dahil maraming puwedeng itanim doon. Nasa Mesopotamia ang mga unang lunsod na binanggit sa Bibliya. (Genesis 10:10) Lumilitaw na ang kahulugan ng Ebla ay “Puting Bato,” na tumutukoy sa batong-apog na pundasyon ng lunsod. Maliwanag na pinili ang lugar na ito dahil sa suson ng batong-apog na tumitiyak sa likas na suplay ng tubig, na mahalaga sa isang rehiyong malayo sa malalaking ilog.
Dahil bihira ang ulan sa lugar ng Ebla, mga binutil, punong ubas, at olibo lamang ang naitatanim doon. Angkop din ang lugar sa pag-aalaga ng mga hayop, lalo na ng tupa. Angkop din ang magandang lokasyon ng Ebla—sa pagitan ng Kapatagan ng Mesopotamia at ng Baybayin ng Mediteraneo—sa kalakalan ng tabla, di-gaanong mamahaling batong abaloryo, at mga metal. Pinamamahalaan ng lunsod ang rehiyon na tinatahanan ng mga 200,000 katao, na ang halos ikasampung bahagi ay naninirahan sa kabisera.
Ang mga kaguhuan ng isang malaking palasyo ay ebidensiya ng maringal na yugtong ito ng sibilisasyong Eblaita. Ang isa ay makapapasok sa palasyo sa pamamagitan ng isang pintuang-daan na 12 hanggang 15 metro ang taas. Pinalawak pa ang palasyo sa paglipas ng panahon dahil sa lumalaking pangangailangan ng isang pamahalaang lumalakas ang kapangyarihan. Nagtatrabaho ang mga opisyal sa ilalim ng organisadong herarkiya—ang hari at ang kaniyang reyna ay inaalalayan ng mga “panginoon” at mga “gobernador.”
Natagpuan ang mahigit 17,000 tapyas at pira-pirasong luwad. Sa simula, malamang na may mahigit 4,000 buong tapyas na maingat na nakasalansan sa mga istanteng yari sa kahoy. Pinatutunayan ng mga dokumentong ito ang lawak ng pagnenegosyo sa Ebla. Halimbawa, ang lunsod ay nakipagnegosyo sa Ehipto, gaya ng ipinakikita ng maharlikang mga sagisag ng dalawang paraon. Pangunahin nang nakasulat ang mga tapyas sa Sumerianong cuneiform. Pero ang ilan ay sa wikang Eblaita, isang napakasinaunang wikang Semitiko na mababasa dahil sa mga dokumentong ito. Nagulat ang mga Orientalista sa pagkatuklas nila ng gayong matandang wikang Semitiko. Kapansin-pansin na ang ilang tapyas ay may talaang gumagamit ng wikang Sumeriano at Eblaita. Tinawag ang mga ito sa aklat na Ebla—Alle origini della civiltà urbana (Ebla—Sa Pasimula ng Sibilisasyon sa Lunsod) bilang “ang pinakamatatandang diksyunaryo na alam natin.”
Maliwanag na isang militar na kapangyarihan ang Ebla, dahil inilalarawan sa mga ukit na nahukay ang mga mandirigmang Eblaita sa akto ng pagpatay sa kanilang mga kaaway o pagdadala ng pugot na mga ulo. Subalit naglaho ang karingalan ng Ebla nang makabangga nito ang bumabangong kapangyarihan ng Asirya at Babilonya. Mahirap taluntunin nang eksakto ang mga pangyayaring iyon, pero lumilitaw na ang unang sumalakay sa Ebla ay si Sargon I (hindi ang Sargon na binabanggit sa Isaias 20:1) at pagkatapos ay ang kaniyang apong si Naram-Sin. Ipinakikita ng mga ebidensiyang nahukay ng mga arkeologo na marahas ang mga labanan at mabangis ang mga paglusob.
Subalit gaya ng nabanggit, muling bumangon ang lunsod pagkaraan ng ilang panahon at nabawi pa nito ang kaniyang mahalagang katayuan sa rehiyon. Itinayo ang bagong lunsod ayon sa isang tiyak na plano, na lalong nagpalitaw sa karingalan nito. Matatagpuan sa mababang lunsod ang isang sagradong dako na inialay sa diyosang si Ishtar, na itinuturing din na diyosa ng pag-aanak ng mga Babilonyo. Baka narinig mo na ang tungkol sa bantog na Pintuang-daan ni Ishtar na natuklasan sa mga kaguhuan ng Babilonya. Isang napakalaking gusali sa Ebla ang waring ginagamit noon bilang kulungan ng mga leong itinuturing na sagrado ng diyosang si Ishtar. Ipakikilala nito sa atin ang relihiyon ng Ebla.
Relihiyon sa Ebla
Tulad sa ibang lugar sa sinaunang Silangan, maraming sinasambang diyos sa Ebla. Ang ilan sa mga ito ay sina Baal, Hadad (pangalang lumilitaw na bahagi ng mga pangalan ng ilang haring Siryano), at Dagan. (1 Hari 11:23; 15:18; 2 Hari 17:16) Silang lahat ay sinasamba ng mga Eblaita. Pinararangalan pa nga nila ang mga diyos ng ibang mga bayan. Ipinahihiwatig ng mga nahukay ng mga arkeologo, lalo na noong ikalawang milenyo B.C.E., na sinasamba rin nila ang maharlikang mga ninuno na itinuturing na mga diyos.
Hindi naman lubusang nagtiwala ang mga Eblaita sa kanilang mga diyos. Ang bagong Ebla ay napalilibutan ng napakalaking doblihang pader, na maaaring hangaan ng sinumang kaaway. Halos tatlong kilometro ang panlabas na pader ng lunsod. Kitang-kita pa rin ang mga ito hanggang sa ngayon.
Gayunpaman, nawasak din ang muling-itinayong Ebla. Malamang na ang mga Hiteo noong mga 1600 B.C.E. ang huling tumalo sa dating malakas na kapangyarihang ito. Ayon sa isang sinaunang tula, ang Ebla ay “binasag na gaya ng isang porselanang plorera.” Agad itong naglaho sa kasaysayan. Binabanggit ng isang dokumentong isinulat ng mga krusadong pumasok sa Jerusalem noong 1098 ang lugar na dating kinaroroonan ng Ebla, anupat tinukoy ito bilang isang malayong himpilan sa bansa, na pinanganlang Mardikh. Halos nalimutan na ang Ebla ngunit muli itong natuklasan pagkalipas ng maraming siglo.
[Kahon sa pahina 14]
EBLA AT ANG BIBLIYA
Napukaw ang pagkamausisa ng mga iskolar sa Bibliya sa isang artikulong inilathala noong 1976 sa magasing Biblical Archeologist. Sinabi ng tagabasa ng mga tapyas mula sa Ebla ang posibilidad na, bukod sa iba pang bagay, binabanggit sa mga tapyas ang mga pangalan ng mga tao at lugar na binanggit sa Bibliya pagkaraan ng ilang siglo. Marahil sa pag-iisip ng higit pa sa aktuwal na binanggit sa artikulo, ang ilan ay sumulat na ang Ebla ay naglabas ng patotoo ng arkeolohiya hinggil sa pagiging mapagkakatiwalaan ng ulat sa Genesis.a Sinabi ng Jesuitang si Mitchell Dahood na “nililinaw ng mga tapyas na luwad [mula sa Ebla] ang malalabong bahagi ng Bibliya.” Halimbawa, naniniwala siya na makatutulong ang mga ito sa paglutas ng “problema tungkol sa kung gaano katagal nang ginagamit ang pangalan ng Diyos ng Israel.”
Sa ngayon, ang mga tekstong ito ay lalong sinusuri nang walang pagkiling. Dahil parehong Semitiko ang wikang Hebreo at Eblaita, posibleng may pagkakahawig o kapareho ng nasa Bibliya ang ilang pangalan ng mga lunsod o mga tao. Pero hindi ito patotoo na tumutukoy ang mga ito sa parehong lokasyon o mga tao. Hindi pa alam kung hanggang saan makaaapekto sa mga pag-aaral sa Bibliya ang mga natuklasan sa Ebla. Kung tungkol naman sa pangalan ng Diyos, itinanggi ng sumulat ng artikulo sa Biblical Archeologist na sinabi niyang binanggit ang “Yahweh” sa mga teksto mula sa Ebla. Para sa ilan, ipinahihiwatig ng simbolong cuneiform na isinaling ja ang isa lamang sa maraming bathala na sinasamba ng mga Eblaita, samantalang isa lamang simbolo sa balarila ang pagpapakahulugan dito ng iba pang dalubhasa. Alinman dito, hindi pa rin ito tumutukoy sa tanging tunay na Diyos, si Jehova.—Deuteronomio 4:35; Isaias 45:5.
[Talababa]
a Para sa impormasyon kung paano sinusuhayan ng arkeolohiya ang ulat sa Bibliya, tingnan ang kabanata 4 ng aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Mapa/Larawan sa pahina 12]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MALAKING DAGAT
CANAAN
SIRYA
Aleppo
Ebla (Tell Mardikh)
Ilog Eufrates
[Credit Line]
Arkeologo: Missione Archeologica Italiana a Ebla - Università degli Studi di Roma ‘La Sapienza’
[Larawan sa pahina 12, 13]
Gintong kuwintas noong mga 1750 B.C.E.
[Larawan sa pahina 13]
Kaguhuan ng malaking palasyo
[Larawan sa pahina 13]
Paglalarawan ng pintor sa mga tapyas na luwad na iningatan sa artsibo
[Larawan sa pahina 13]
Tapyas na “cuneiform”
[Larawan sa pahina 13]
Pamalo ng maharlikang mga Ehipsiyo, 1750-1700 B.C.E.
[Larawan sa pahina 13]
Mandirigmang Eblaita at mga ulo ng kaaway
[Larawan sa pahina 14]
Stelang inialay sa diyosang si Ishtar
[Credit Line]
Missione Archeologica Italiana a Ebla-Università degli Studi di Roma ‘La Sapienza’
[Picture Credit Line sa pahina 13]
Lahat ng larawan (maliban sa kaguhuan ng palasyo): Missione Archeologica Italiana a Ebla - Università degli Studi di Roma ‘La Sapienza’