Makabuluhan ba ang Iyong Buhay?
SI Kenny ay nagtatrabaho sa isang malaki at matatag na kompanya, may magarang kotse, at nakatira sa pinakamataas na palapag ng isang gusali sa lugar ng mayayaman sa isang malaking lunsod. Isa siyang magaling na sky diver at gustung-gusto niya ang pakiramdam habang bumubulusok siya sa ere na libu-libong piye ang taas mula sa lupa. Masaya ba siya? Ayon sa The Wall Street Journal, sinabi niya: “Heto ako ngayon, 45 anyos na, pero walang direksiyon sa buhay . . . Walang kabuluhan ang aking buhay.”
Puspusan ang pag-eensayo ni Elyn upang maging mahusay na ice skater. Sa wakas, naabot niya ang tugatog ng tagumpay. Nakamit ni Elyn ang pangarap niyang maging sikat. “Pero bakit hindi pa rin ako masaya?” ang hinagpis niya. “Napakalungkot ng buhay ko. Darating ang panahon na tatanda ako at, kahit na marami akong pera, hindi pa rin magiging makabuluhan ang buhay kung ito lamang ang dahilan ko para mabuhay.”
Umiikot ang buhay ni Hideo sa sining, at kilala siya sa bihasang paggamit ng mga kulay. Para sa kaniya, ang sining ay hindi negosyo kaya hindi niya ipinagbibili ang kaniyang mga obra. Bago siya mamatay sa edad na 98, ipinagkaloob niya sa isang museo ang karamihan sa kaniyang mga obra. Ginugol niya ang kaniyang buong buhay bilang alagad ng sining. Ngunit hindi siya masaya dahil iniisip niyang hindi niya kailanman magagawang perpekto ang kaniyang sining.
Ang pagkakawanggawa naman ang pinagtutuunan ng pansin ng ilang tao. Ang isang halimbawa nito ay ang isang lalaking may malaking pangalan sa industriya ng pelikula sa Hollywood. Bilang bise presidente ng isa sa pinakamalaking kompanya ng pelikula sa Estados Unidos, nakakasalamuha niya ang mga sikat na artista at nakatira siya sa isang eksklusibong lugar para sa mayayaman. Nang magbakasyon siya sa Cambodia, isang batang babae ang lumapit sa kaniya para mamalimos habang kumakain siya sa isang restawran sa Phnom Penh. Binigyan niya ito ng isang dolyar at isang softdrink. Tuwang-tuwa ang bata. Gayunman, nang sumunod na gabi, naroroon na naman ang bata para mamalimos. Natanto ng lalaking ito na higit pang tulong ang kailangan niyang ibigay.
Makalipas ang isang taon, nagpasiya ang lalaking ito na iwan ang industriya ng pelikula upang matulungan niya ang mga dukha sa Cambodia. Nagtayo siya ng isang eskuwelahan na naglalaan ng tuluyan, pagkain, at edukasyon. Ngunit patuloy pa ring nagtatalo ang kaniyang damdamin—bagaman nasisiyahan siya sa ginagawa niya, naroon pa rin ang pagkasiphayo dahil sa parami nang paraming problema na kailangan niyang harapin.
Sa pakiwari ng apat na indibiduwal na ito, alam nila kung ano ang gusto nilang makamit sa buhay. Subalit nang maabot na nila ang kanilang pangarap, hindi pa rin sila naging maligaya. Ikaw, ano ang gusto mong makamit sa buhay? Ano ang mga priyoridad mo? Sigurado ka bang hindi mo pagsisisihan ang ginagawa mo ngayon sa iyong buhay?