Si Jehova—‘Ang Tagapaglaan ng Pagtakas’ Noong Panahon ng Bibliya
“O Diyos, kumilos ka nang mabilis para sa akin. Ikaw ang aking katulong at ang Tagapaglaan ko ng pagtakas.”—AWIT 70:5.
1, 2. (a) Sa anong mga pagkakataon nananalangin ang mga mananamba ng Diyos para humingi ng tulong? (b) Anong tanong ang bumabangon, at saan natin makikita ang sagot?
HABANG nasa bakasyon, nalaman ng isang mag-asawa na nawawala ang kanilang 23-anyos na anak na babae. Hinihinalang may gumawa ng masama sa kaniya. Agad-agad silang nag-impake at umuwi. Nanalangin sila kay Jehova para humingi ng tulong. Nalaman ng isang 20-anyos na Saksi na may sakit siya at dahil dito ay mapaparalisa ang kaniyang buong katawan. Nanalangin siya agad kay Jehova. Isang ina na nahihirapang makahanap ng trabaho ang walang pambili ng pagkain para sa kaniya at sa kaniyang 12-anyos na anak na babae. Nanalangin siya nang taimtim kay Jehova. Oo, likas lamang na humingi ng tulong sa Diyos ang kaniyang mga mananamba kapag napapaharap sa matitinding pagsubok o problema. Nasubukan mo na rin bang humingi ng tulong kay Jehova sa panahon ng matinding pangangailangan?
2 Isang mahalagang tanong ang bumabangon: Maaasahan ba talaga nating sasagutin ni Jehova ang ating paghingi ng tulong sa panalangin? Makikita sa Awit 70 ang nakapagpapatibay-pananampalatayang sagot. Ang nakaaantig-damdaming awit na ito ay isinulat ni David, isang tapat na mananamba ni Jehova na napaharap sa mahihirap na pagsubok at hamon sa kaniyang buong buhay. Naudyukan ang kinasihang salmistang ito na sabihin kay Jehova: “O Diyos, . . . ikaw ang aking katulong at ang Tagapaglaan ko ng pagtakas.” (Awit 70:5) Makatutulong sa atin ang pagsusuri sa Awit 70 na makita kung bakit tayo makapananalangin din kay Jehova sa panahon ng problema at lubusang makapagtitiwala na siya ang ating magiging ‘Tagapaglaan ng pagtakas.’
‘Ikaw ang Tagapaglaan ng Pagtakas’
3. (a) Anong apurahang paghingi ng tulong ang mababasa sa Awit 70? (b) Anong pagtitiwala ang ipinahayag ni David sa ika-70 Awit?
3 Nagsisimula at nagtatapos ang Awit 70 sa isang apurahang paghingi ng tulong sa Diyos. (Basahin ang Awit 70:1-5.) Nakiusap si David kay Jehova na “magmadali” at ‘kumilos nang mabilis’ para iligtas siya. Mababasa natin sa mga talata 2 hanggang 4 ang limang pakiusap ni David sa Diyos, anupat gumamit siya ng salitang “nawa” na nagpapahiwatig ng kahilingan. Ang unang tatlo ay tungkol sa mga gustong pumatay sa kaniya. Nakiusap si David kay Jehova na lupigin ang mga kaaway na ito at ipahiya sila dahil sa kanilang kasamaan. Ang sumunod na dalawang pakiusap sa talata 4 ay may kaugnayan sa bayan ng Diyos. Nanalangin si David na mapakilos nawa ang mga humahanap kay Jehova na magsaya at magbunyi sa kaniya. Sa pagtatapos ng kaniyang awit, sinabi ni David kay Jehova: “Ikaw ang aking katulong at ang Tagapaglaan ko ng pagtakas.” Pansinin na sa huling talatang ito, hindi na isang pakiusap ang sinasambit ni David. Sa halip, tuwiran niyang ipinahahayag ang kaniyang pagtitiwala kay Jehova. Kumbinsido si David na tutulungan siya ng Diyos.
4, 5. Ano ang matututuhan natin tungkol kay David mula sa Awit 70, at sa ano tayo makapagtitiwala sa Diyos?
4 Ano ang ipinahihiwatig ng Awit 70 tungkol kay David? Nang mapaharap si David sa kaniyang mga kaaway na gustong pumatay sa kaniya, hindi niya inilagay ang batas sa kaniyang mga kamay. Sa halip, nagtiwala siya na si Jehova ang haharap sa mga mananalansang sa Kaniya mismong panahon at paraan. (1 Sam. 26:10) Kumbinsidong-kumbinsido si David na tutulungan at ililigtas ni Jehova ang mga humahanap sa Kaniya. (Heb. 11:6) Naniniwala si David na ang gayong mga tunay na mananamba ay may dahilan para magsaya at dakilain si Jehova sa pagsasabi sa iba ng tungkol sa kaniyang kadakilaan.—Awit 5:11; 35:27.
5 Tulad ni David, maaari tayong lubusang magtiwala na si Jehova ang ating Katulong at ‘Tagapaglaan ng pagtakas.’ Kaya naman kapag napapaharap tayo sa mabibigat na pagsubok o kapag kailangang-kailangan natin ng tulong, angkop lamang na ipanalangin natin na sana’y tulungan tayo agad ni Jehova. (Awit 71:12) Paano naman kaya tinutugon ni Jehova ang ating panalangin para humingi ng tulong? Bago natin talakayin kung paano tayo maaaring tulungan ni Jehova, suriin muna natin ang tatlong paraan kung paano siya naglaan ng pagtakas kay David sa mga panahong kailangang-kailangan nito ng tulong.
Iniligtas Mula sa mga Mananalansang
6. Ano ang nakatulong kay David na malaman na naglalaan ng pagtakas si Jehova sa mga matuwid?
6 Mula sa kinasihang ulat ng Bibliya na mababasa noon, alam ni David na makaaasa ang mga matuwid na tutulungan sila ni Jehova. Nang magpasapit ng Delubyo si Jehova sa di-makadiyos na sanlibutan, iningatan niyang buháy si Noe at ang pamilya nito na may takot sa Diyos. (Gen. 7:23) Nang magpaulan si Jehova ng apoy at asupre sa mga balakyot na naninirahan sa Sodoma at Gomorra, tinulungan niyang makatakas ang tapat na si Lot at ang dalawa nitong anak na babae. (Gen. 19:12-26) Nang puksain ni Jehova ang palalong si Paraon at ang mga hukbo nito sa Dagat na Pula, ipinagsanggalang Niya ang kaniyang bayan at tinulungan silang makatakas sa pagkapuksa. (Ex. 14:19-28) Hindi nga nakapagtataka na pinuri ni David si Jehova sa isa pang awit bilang “isang Diyos ng mga gawa ng pagliligtas.”—Awit 68:20.
7-9. (a) Bakit nagtiwala si David sa kapangyarihan ng Diyos na magligtas? (b) Sino ang kinikilala ni David na nagligtas sa kaniya?
7 Mayroon ding personal na dahilan si David para lubusang magtiwala sa kapangyarihan ni Jehova na magligtas. Naranasan mismo ni David ang “walang hanggang mga bisig” ni Jehova na nagliligtas sa mga naglilingkod sa Kaniya. (Deut. 33:27, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Sa maraming pagkakataon, iniligtas ni Jehova si David mula sa kamay ng kaniyang mga ‘galít na kaaway.’ (Awit 18:17-19, 48) Isaalang-alang ang isang halimbawa.
8 Nang purihin si David ng mga babae ng Israel dahil sa kaniyang kahusayan sa pakikidigma, inggit na inggit si Haring Saul, anupat sinibat niya si David sa dalawang pagkakataon. (1 Sam. 18:6-9) Nakailag si David sa parehong pagkakataon. Ito kaya ay dahil sa husay at bilis ni David bilang magiting na mandirigma? Hindi. Ipinaliliwanag ng ulat ng Bibliya na “si Jehova ay sumasakaniya.” (Basahin ang 1 Samuel 18:11-14.) Di-nagtagal, nang mabigo ang pakana ni Saul na mapatay ng mga Filisteo si David, “nakita at nakilala ni Saul na si Jehova ay sumasa kay David.”—1 Sam. 18:17-28.
9 Sino ang kinikilala ni David na nagligtas sa kaniya? Sinasabi sa superskripsiyon ng Awit 18 na si David ay “nagsalita kay Jehova ng mga salita ng awit na ito nang araw na iligtas siya ni Jehova . . . mula sa kamay ni Saul.” Ipinahayag ni David ang kaniyang damdamin sa isang awit, na sinasabi: “Si Jehova ang aking malaking bato at aking moog at ang Tagapaglaan ko ng pagtakas. Ang aking Diyos ang aking bato. Manganganlong ako sa kaniya.” (Awit 18:2) Hindi ba nakapagpapatibay ng pananampalataya na malaman na kayang iligtas ni Jehova ang kaniyang bayan?—Awit 35:10.
Inalalayan sa Panahon ng Pagkakasakit
10, 11. Kailan malamang na nagkasakit si David gaya ng binabanggit sa Awit 41?
10 Minsa’y nagkaroon ng malubhang sakit si Haring David gaya ng binabanggit sa Awit 41. Naratay si David sa higaan anupat inakala ng ilan sa kaniyang mga kaaway na hindi na siya “muling babangon pa.” (Talata 7, 8) Kailan nagkasakit nang malubha si David? Ang mga kalagayang binanggit sa awit na ito ay maaaring tumukoy sa maigting na panahon sa buhay ni David nang tangkaing agawin ng kaniyang anak na si Absalom ang trono.—2 Sam. 15:6, 13, 14.
11 Halimbawa, tinukoy ni David ang isang pinagkakatiwalaang kaibigan, isa na kumakain ng tinapay kasama niya, na nagtaksil sa kaniya. (Talata 9) Ipinaaalaala nito sa atin ang isang pangyayari sa buhay ni David. Nang magrebelde si Absalom, nagtaksil si Ahitopel—ang pinagkakatiwalaang tagapayo ni David. Nakipagsabuwatan siya kay Absalom laban sa hari. (2 Sam. 15:31; 16:15) Guni-gunihin ang nanghihinang hari na nakaratay sa kaniyang higaan anupat wala nang lakas para bumangon. Sa panahon ding ito, napalilibutan siya ng mga nagsasabuwatan at nagnanais na mamatay siya upang maisakatuparan ang kanilang masasamang plano.—Talata 5.
12, 13. (a) Anong pagtitiwala ang ipinahayag ni David? (b) Paano maaaring pinatibay ng Diyos si David?
12 Patuloy na nagtiwala si David sa ‘Tagapaglaan ng pagtakas.’ May kinalaman sa isang matuwid na mananambang may sakit, sinabi ni David: “Sa araw ng kapahamakan ay paglalaanan siya ni Jehova ng pagtakas. Aalalayan siya ni Jehova sa kama ng karamdaman; ang buong higaan niya ay papalitan mo nga sa panahon ng kaniyang pagkakasakit.” (Awit 41:1, 3) Muli, makikita natin sa mga salita ni David ang pagtitiwala niya kay Jehova. Nakatitiyak siya na maglalaan si Jehova sa kaniya ng pagtakas. Paano?
13 Hindi umasa si David na makahimala siyang pagagalingin ni Jehova. Sa halip, lubusang nagtiwala si David na “aalalayan siya” ni Jehova—samakatuwid nga ay palalakasin ang kaniyang loob habang nakaratay siya dahil sa sakit. Kailangang-kailangan ni David ang gayong tulong. Bukod pa sa nakapanghihinang sakit, napalilibutan din siya ng mga kaaway na nagsasabi ng masasamang bagay tungkol sa kaniya. (Talata 5, 6) Malamang na pinatibay ni Jehova si David anupat tinulungan siyang mag-isip ng positibong mga bagay. Kapansin-pansin na sinabi ni David: “Dahil sa aking katapatan ay itinaguyod mo ako.” (Talata 12) Posibleng napalakas si David dahil itinuring siya ni Jehova na isang tapat na lalaki sa kabila ng kaniyang mahinang kalagayan at masasamang bagay na sinasabi ng kaniyang mga kaaway. Nang maglaon, gumaling si David. Hindi ba’t nakapagpapalakas-loob na malaman na inaalalayan ni Jehova ang mga maysakit?—2 Cor. 1:3.
Pinaglaanan ng mga Pangangailangan
14, 15. Kailan naranasan ni David at ng kaniyang mga tauhan na magkulang sa mga pangangailangan, at anong tulong ang kanilang tinanggap?
14 Nang maging hari sa Israel, nasiyahan si David sa pinakamasasarap na pagkain at inumin, at nakapag-aanyaya pa nga ng iba para kumaing kasama niya. (2 Sam. 9:10) Pero naranasan din niyang magutom at mauhaw. Nang magrebelde ang kaniyang anak na si Absalom at tangkaing agawin ang trono, si David kasama na ang ilang tapat na mga tagasuporta niya ay umalis sa Jerusalem. Pumunta sila sa lupain ng Gilead na nasa silangan ng Ilog Jordan. (2 Sam. 17:22, 24) Dahil napilitang mamuhay bilang mga takas, si David at ang kaniyang mga tauhan ay kulang na kulang sa pagkain at inumin, gayundin sa pahinga. Pero saan naman sila makakakuha ng mga pangangailangan yamang nasa ilang sila?
15 Nang bandang huli, nakarating si David at ang kaniyang mga tauhan sa lunsod ng Mahanaim. Doon, may nakilala silang tatlong matapang na lalaki—sina Sobi, Makir, at Barzilai. Handa nilang isapanganib ang kanilang buhay upang tulungan ang haring hinirang ng Diyos. Alam nila na kung si Absalom ay tuluyang maging hari, tiyak na parurusahan niya ang sinumang tumulong kay David. Yamang alam ng tatlong tapat na sakop na ito ang kalagayan ni David at ng kaniyang mga tauhan, nagdala sila ng mga kinakailangang suplay, gaya ng mga higaan, trigo, sebada, binusang butil, habas, lentehas, pulot-pukyutan, mantikilya, at tupa. (Basahin ang 2 Samuel 17:27-29.) Ang namumukod-tanging katapatan at pagkamapagpatuloy ng tatlong lalaking ito ay nakaantig sa puso ni David. Hinding-hindi nga malilimutan ni David ang kanilang ginawa para sa kaniya!
16. Sino talaga ang naglaan kay David at sa kaniyang mga tauhan ng kanilang mga pangangailangan?
16 Gayunman, sino ba talaga ang naglaan kay David at sa kaniyang mga tauhan ng kanilang mga pangangailangan? Kumbinsido si David na nagmamalasakit si Jehova sa kaniyang bayan. Talagang kayang-kaya ni Jehova na pakilusin ang kaniyang mga lingkod para tulungan ang kanilang kapuwa mananamba na nangangailangan. Kapag binubulay-bulay ang nangyari sa lupain ng Gilead, tiyak na naiisip ni David na ang kabaitang ipinakita ng tatlong lalaking iyon ay kapahayagan ng maibiging pagmamalasakit ni Jehova. Nang malapit nang mamatay si David, isinulat niya: “Isang kabataan ako noon, ako ay tumanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid [kasama na siya] na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.” (Awit 37:25) Nakaaaliw ngang malaman na hindi maigsi ang kamay ni Jehova!—Kaw. 10:3.
‘Alam ni Jehova Kung Paano Magligtas ng mga Tao’
17. Ano ang paulit-ulit na ipinakikita ni Jehova?
17 Isa lamang si David sa maraming mananamba na pinaglaanan ni Jehova ng pagtakas noong panahon ng Bibliya. Mula pa noong panahon ni David, paulit-ulit na ipinakikita ng Diyos ang pagiging totoo ng mga salita ni apostol Pedro: “Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.” (2 Ped. 2:9) Isaalang-alang ang dalawa pang halimbawa.
18. Paano naglaan ng kaligtasan si Jehova noong panahon ni Hezekias?
18 Nang sakupin ng makapangyarihang hukbo ng Asirya ang Juda at pagbantaan ang Jerusalem noong 732 B.C.E., nanalangin si Haring Hezekias: “O Jehova na aming Diyos, iligtas mo kami . . . upang malaman ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw, O Jehova, ang tanging Diyos.” (Isa. 37:20) Ang pangunahing ikinababahala ni Hezekias ay ang pangalan at reputasyon ng Diyos. Sinagot ni Jehova ang taimtim na panalanging iyon. Sa isang gabi lamang, pinatay ng isang anghel ang 185,000 Asiryano anupat iniligtas ang tapat na mga lingkod ni Jehova.—Isa. 37:32, 36.
19. Nakaligtas ang unang-siglong mga Kristiyano mula sa kapahamakan dahil sa pakikinig sa anong babala?
19 Ilang araw bago mamatay si Jesus, nagbigay siya ng isang makahulang babala para sa kapakinabangan ng kaniyang mga alagad sa Judea. (Basahin ang Lucas 21:20-22.) Pagkalipas ng ilang dekada, noong 66 C.E., nilusob ng hukbong Romano ang Jerusalem dahil sa paghihimagsik ng mga Judio. Nagtagumpay ang hukbong nasa pangunguna ni Cestio Gallo na sirain ang pader ng templo, pero bigla na lamang silang umatras. Yamang natanto ng mga Kristiyano na pagkakataon ito para makatakas mula sa pagkalipol na inihula ni Jesus, tumakas sila patungo sa mga bundok. Bumalik ang hukbong Romano noong 70 C.E. Sa panahong iyon, hindi na sila umurong at lubusan nang winasak ang Jerusalem. Ang mga Kristiyano na nakinig sa babala ni Jesus ay nakatakas mula sa kahila-hilakbot na kapahamakang iyon.—Luc. 19:41-44.
20. Bakit tayo makapagtitiwala kay Jehova bilang ating ‘Tagapaglaan ng pagtakas’?
20 Nakapagpapatibay ng pananampalataya ang pagbubulay-bulay sa katibayan na tinutulungan ni Jehova ang kaniyang bayan. Ang kaniyang ginawa noong nakaraan ay saligan ng ating pagtitiwala. Anumang hamon ang mapaharap sa atin ngayon o sa hinaharap, tayo rin ay makapaglalagak ng ating buong tiwala kay Jehova bilang ating ‘Tagapaglaan ng pagtakas.’ Subalit paano tayo maaaring paglaanan ni Jehova ng pagtakas? At kumusta naman ang mga indibiduwal na binanggit sa simula ng artikulong ito? Ano na ang nangyari sa kanila? Tingnan natin sa susunod na artikulo.
Naaalaala Mo Ba?
• Ayon sa Awit 70, bakit tayo makapagtitiwala sa Diyos?
• Paano inalalayan si David sa panahon ng kaniyang pagkakasakit?
• Anong mga halimbawa ang nagpapakita na kayang iligtas ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa mga mananalansang?
[Larawan sa pahina 6]
Sinagot ni Jehova ang panalangin ni Hezekias