Si Jesus ba ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat?
Karaniwang sagot:
▪ “Oo, si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”
▪ “Si Jesus ang Diyos na nagkatawang-tao.”
Ano ang sinabi ni Jesus?
▪ “Kung iniibig ninyo ako, magsasaya kayo na ako ay paroroon sa Ama, sapagkat ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.” (Juan 14:28) Inamin ni Jesus na hindi siya kapantay ng kaniyang Ama.
▪ “Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.” (Juan 20:17) Hindi tinukoy ni Jesus ang kaniyang sarili bilang Diyos, sa halip tinukoy niya ang Diyos bilang ibang Persona.
▪ “Hindi ako nagsalita udyok ng aking sarili, kundi ang Ama na nagsugo sa akin ang mismong nagbigay sa akin ng utos kung ano ang sasabihin at kung ano ang sasalitain.” (Juan 12:49) Ang mga turo ni Jesus ay hindi nagmula sa kaniyang sarili; nagmula ang mga ito sa Ama.
SINABI ni Jesus na siya ang Anak ng Diyos, hindi Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Kung Diyos si Jesus, kanino siya nananalangin noong narito siya sa lupa? (Mateo 14:23; 26:26-29) Tiyak na hindi lamang nagkukunwari si Jesus na nakikipag-usap sa iba!
Nang hilingin kay Jesus ng dalawa sa kaniyang mga alagad na bigyan sila ng pantanging posisyon sa kaniyang Kaharian, sumagot siya: “Ang pag-upong ito sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi sa akin ang pagbibigay, kundi nauukol ito sa kanila na mga pinaghandaan niyaon ng aking Ama.” (Mateo 20:23) Nagsisinungaling ba si Jesus nang sabihin niyang wala siyang awtoridad na ipagkaloob ang kanilang hinihiling? Hinding-hindi! Sa halip, mapagpakumbaba niyang inamin na tanging Diyos ang may awtoridad na gumawa ng gayong pasiya. Ipinaliwanag pa nga ni Jesus na may ilang bagay na hindi niya alam ni ng mga anghel, kundi ang kaniyang Ama lamang ang nakaaalam.—Marcos 13:32.
Si Jesus ba ay nakabababa sa Diyos noong naririto lamang siya sa lupa bilang tao? Hindi. Kahit na noong mamatay si Jesus at buhaying muli, inilalarawan siya sa Bibliya na nakabababa sa Diyos. Ipinaaalaala sa atin ni apostol Pablo na “ang Diyos ay nakatataas kay Kristo.” (1 Corinto 11:3, Today’s English Version) Sinasabi ng Bibliya na sa hinaharap, “kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa kalahat-lahatan.”—1 Corinto 15:28, Magandang Balita Biblia.
Maliwanag na si Jesus ay hindi Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Kaya nga tinukoy niya ang kaniyang Ama bilang “aking Diyos.”—Apocalipsis 3:2, 12; 2 Corinto 1:3, 4.a
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon sa paksang ito, tingnan ang pahina 201-204 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Blurb sa pahina 7]
Sinabi ni Jesus na may ilang bagay na hindi niya alam ni ng mga anghel, kundi ang kaniyang Ama lamang ang nakaaalam