Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w13 8/1 p. 3-7
  • Pornograpya—Di-nakapipinsala o Nakalalason?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pornograpya—Di-nakapipinsala o Nakalalason?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paano nakaaapekto ang pornograpya sa mga indibiduwal?
  • Paano nakaaapekto ang pornograpya sa mga pamilya?
  • Ano ang pangmalas ng Diyos tungkol sa pornograpya?
  • Paano Ko Maiiwasan ang Pornograpya?
    Gumising!—2007
  • Ang Pinsalang Idinudulot ng Pornograpya
    Gumising!—2003
  • Bakit Dapat Iwasan ang Pornograpya?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Bakit Dapat Iwasan ang Pornograpya?
    Tanong ng mga Kabataan
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
w13 8/1 p. 3-7

TAMPOK NA PAKSA

Pornograpya​—Di-nakapipinsala o Nakalalason?

Laganap ngayon sa daigdig ang pornograpya.a Makikita ito sa mga advertisement, kausuhan, pelikula, musika, at mga magasin, pati na sa telebisyon, mga video game, cellphone o iba pang gadyet, Web site, at mga photo-sharing service sa Internet. Ang pornograpya ay karaniwan nang tinatanggap sa modernong lipunan. Ngayon higit kailanman, mas maraming tao sa mas maraming lugar ang gumugugol ng higit na panahon sa pornograpya.​—Tingnan ang kahon na “Ang Totoo Tungkol sa Pornograpya.”

Ang anyo ng pornograpya ay nagbabago rin. Isinulat ni Propesor Gail Dines: “Naging mas malaswa ang mga larawan ngayon anupat ang pornograpyang itinuturing noon na grabe ay karaniwan na lang sa ngayon.”

Ano ang tingin mo sa kalakarang ito? Ang pornograpya ba ay di-nakapipinsalang libangan o nakamamatay na lason? Sinabi ni Jesus: “Bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga, ngunit bawat bulok na punungkahoy ay nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga.” (Mateo 7:17) Ano ang bunga ng pornograpya? Para malaman ang sagot, pag-usapan muna natin ang ilang karaniwang tanong tungkol sa pornograpya.

Paano nakaaapekto ang pornograpya sa mga indibiduwal?

ANG SINASABI NG MGA EKSPERTO: Ang pornograpya ay lubhang nakasusugapa na gaya ng crack cocaine, ayon sa ilang mananaliksik at terapist.

Si Brian,b na nahumaling sa pornograpya sa Internet, ay nagsabi: “Walang makapigil sa akin. Para akong wala sa sarili. Nanginginig ako at sumasakit ang ulo ko. Sinikap kong huminto, pero pagkalipas ng mga taon, sugapa pa rin ako.”

Karaniwan nang itinatago ng mga nahuhumaling sa pornograpya ang kanilang bisyo. Malihim sila at mapanlinlang. Hindi kataka-taka, marami sa kanila ang nakadarama ng kahihiyan, pagkabalisa, depresyon, at galit. Pakiramdam nila’y nag-iisa sila. Ang ilan pa nga sa kanila ay nag-iisip magpakamatay. “Puro sarili ko na lang ang iniisip ko at naging desperado ako,” ang sabi ni Serge, na nagda-download ng pornograpya sa kaniyang cellphone halos araw-araw. “Parang wala akong halaga, nakokonsensiya ako, at pakiramdam ko, nag-iisa ako at walang magawa. Hindi ako makahingi ng tulong dahil sa sobrang hiya at takot.”

Kahit ang pagsulyap lang sa pornograpya ay maaaring magbunga ng masamang resulta. Si Dr. Judith Reisman, isang kilaláng mananaliksik tungkol sa pornograpya, ay nagsabi sa harap ng isang komite ng Senado sa Estados Unidos: “Ang mga pornograpikong larawan ay tumatatak at bumabago sa utak. Pinagmumulan ito ng bigla, di-makontrol, pero nagtatagal na alaala [na] mahirap o imposibleng burahin.” Si Susan, 19 anyos, na nahantad sa pornograpikong mga Web site, ay nagsabi: “Nakaukit sa aking isip ang mga larawan. Bigla na lang pumapasok ang mga ito sa isip ko. Parang hindi ko na kailanman mabubura ang mga iyon.”

MAHALAGANG TANDAAN: Inaalipin at pinipinsala ng pornograpya ang mga biktima nito.​—2 Pedro 2:19.

Paano nakaaapekto ang pornograpya sa mga pamilya?

ANG SINASABI NG MGA EKSPERTO: “Sinisira ng pornograpya ang relasyon ng mga mag-asawa at pamilya.”​—The Porn Trap, nina Wendy at Larry Maltz.

Nakapipinsala ang pornograpya sa relasyon ng mga mag-asawa at pamilya dahil

  • Pinahihina nito ang tiwala, ugnayan, at pag-ibig ng mag-asawa sa isa’t isa.​—Kawikaan 2:12-17.

  • Itinataguyod nito ang kasakiman, kawalang-malasakit, at kawalang-kasiyahan sa asawa.​—Efeso 5:28, 29.

  • Pinupukaw nito ang malalaswang seksuwal na pantasya at pagnanasa.​—2 Pedro 2:14.

  • Tinutukso nito ang mga nanonood na ipilit sa kanilang asawa ang malalaswang seksuwal na gawain.​—Efeso 5:3, 4.

  • Itinataguyod nito ang pagtataksil.​—Mateo 5:28.

Pinapayuhan ng Bibliya ang mga mag-asawa na huwag “makitungo nang may kataksilan” sa isa’t isa. (Malakias 2:16) Ang pagtataksil ay maaaring sumira sa pag-aasawa at humantong sa paghihiwalay at diborsiyo. Ang gayong paghihiwalay ay nakapipinsala naman sa mga anak.

Maaari ding mas tuwirang mapinsala ng pornograpya ang mga bata. Si Brian, na nabanggit kanina, ay nagsabi: “Noong mga sampung taon ako, di-sinasadyang nakita ko ang pornograpikong mga magasin ni Tatay habang naglalaro ng taguan. Mula noon, palihim kong tinitingnan ang mga ito nang hindi talaga naiintindihan kung bakit ko gustong gawin iyon. Diyan nagsimula ang masamang bisyo ko na tumagal nang maraming taon.” Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang pornograpya ay nakaiimpluwensiya sa mga kabataan. Maaari silang magkaroon ng seksuwal na mga kaugnayan nang mas maaga, maging liberal at marahas pagdating sa sekso, at magkaproblema sa emosyon at pag-iisip.

MAHALAGANG TANDAAN: Nilalason ng pornograpya ang magagandang ugnayan at nagdudulot ito ng sama ng loob at kirot.​—Kawikaan 6:27.

Ano ang pangmalas ng Diyos tungkol sa pornograpya?

ANG SINASABI NG SALITA NG DIYOS: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan . . . may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.”​—Colosas 3:5.

Sa madaling salita, kinapopootan ng Diyos na Jehovac ang pornograpya. Hindi naman dahil sa napakahigpit niya pagdating sa sekso. Sa katunayan, nilalang niya ang ating seksuwal na kakayahan at nilayong gamitin ito ng mag-asawa para palugdan ang isa’t isa, maging malapít, at magkasamang masiyahan sa pagkakaroon ng mga anak.​—Santiago 1:17.

Kung gayon, paano natin matitiyak na kinapopootan ni Jehova ang pornograpya? Isaalang-alang ang ilan lamang sa mga dahilan.

  • Alam niyang makasisira ng buhay ang pornograpya.​—Efeso 4:17-19.

  • Mahal niya tayo at gusto niyang ingatan tayo mula sa pinsala.​—Isaias 48:17, 18.

  • Gustong ingatan ni Jehova ang ugnayan ng mga mag-asawa at pamilya.​—Mateo 19:4-6.

  • Gusto niyang maging malinis tayo sa moral at igalang natin ang karapatan ng iba.​—1 Tesalonica 4:3-6.

  • Gusto niyang igalang natin ang ating kakayahang mag-anak at gamitin ito sa marangal na paraan.​—Hebreo 13:4.

  • Alam ni Jehova na masasalamin sa pornograpya ang pilipit, makasarili, at satanikong pangmalas sa sekso.​—Genesis 6:2; Judas 6, 7.

MAHALAGANG TANDAAN: Sinisira ng pornograpya ang pakikipagkaibigan ng isa sa Diyos.​—Roma 1:24.

Gayunman, si Jehova ay may matinding awa sa mga gustong makalaya sa pornograpya. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan. Sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:8, 14) Inaanyayahan niya ang mga mapagpakumbaba na bumaling sa kaniya upang “makapagtamo . . . ng awa at makasumpong ng di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon.”​—Hebreo 4:16; tingnan ang kahon na “Kung Paano Makalalaya sa Pornograpya.”

Marami ang tumanggap ng tulong ng Diyos. Talaga bang nakatulong ito sa kanila? Pansinin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ilan na nadaig ang kanilang bisyo: “Hinugasan na kayong malinis, . . . pinabanal na kayo, . . . ipinahayag na kayong matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.” (1 Corinto 6:11) Tulad ni apostol Pablo, masasabi nila: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”​—Filipos 4:13.

Ganito ang sinabi ni Susan na nakalaya sa kaniyang adiksiyon sa pornograpya: “Si Jehova lang ang makatutulong sa iyo na makalaya sa pornograpya. Kung hihingin mo ang kaniyang tulong at patnubay, maaari kang magkaroon ng malinis na katayuan sa harap niya. Hindi ka niya bibiguin.”

Kung Paano Makalalaya sa Pornograpya

Mayroon ka bang kilala na nakikipagpunyaging makalaya sa pornograpya? Isaalang-alang ang ilang hakbang na nakatulong sa marami na makalaya rito.

1. Manalangin sa Diyos.

“Ang pinakamahalagang hakbang para mapagtagumpayan ang silo ng pornograpya ay ang paghingi ng tulong kay Jehova sa panalangin.”​—Franz.

Maaaring bigyan ni Jehova ng banal na espiritu ang isa, na magpapalakas sa kaniya na ‘kapuwa loobin ito at kumilos.’ (Filipos 2:13) Kung magpapaakay siya rito, tutulungan siya nito na daigin ang maling “mga pita at mga pagnanasa.”​—Galacia 5:16, 24.

2. Humingi ng tulong sa iba.

“Ang adiksiyon sa pornograpya ay inililihim at ikinahihiya anupat hindi ka makahingi ng tulong sa iba. Inaakala mong malalabanan mo ito nang mag-isa. Pero hindi iyan totoo. Malalabanan mo lang ito kung may tutulong sa iyo. Kaya nilunok ko ang aking pride at ipinagtapat ito sa aking misis. Humingi rin ako ng tulong sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan. Ito ang pinakamahirap na bagay na ginawa ko, pero nakuha ko naman ang tulong na kailangan ko.”​—Yoshi.

Kailangan ng lakas ng loob at determinasyon para maipagtapat ito sa iba. Pero ito ay isang napakahalagang hakbang para madaig ang adiksiyon at maibalik ang kaugnayan sa mga mahal sa buhay. Sinabi ni Susan, na nabanggit kanina: “Para akong nabunutan ng tinik. Napakahirap ng mga panahong iyon, pero pagkatapos, nakadama ako ng kapayapaan at nagkaroon ako ng malinis na budhi.”​—Santiago 5:16.

3. Alamin at iwasan ang mga posibleng pumukaw ng pagnanasa.

Anong mga sitwasyon, kaisipan, o damdamin ang pumupukaw ng maling mga pagnanasa? Paggamit ng Internet? Panonood ng mga palabas sa TV kapag gabing-gabi na? Pagbabasa ng mga magasin? Pagpunta sa tabing-dagat? Kapag ang isa ay gutóm, galít, nag-iisa, o pagód? “Alamin ang iyong mga kahinaan, at iwasan ito na parang salot,” ang sabi ni Sven. Sinabi ni Jesus: “Ngayon, kung ang kanang mata mong iyan ay nagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon mula sa iyo.”​—Mateo 5:29.

“Kapag natutukso akong tumingin nang may pagnanasa sa isang babae, agad akong nananalangin kay Jehova at pilit kong inaalis ang tingin ko rito,” ang sabi ni Franz. Sinabi ng tapat na patriyarkang si Job: “Ako ay gumawa ng taimtim na pangako na hindi kailanman titingin nang may pagnanasa sa isang babae.”​—Job 31:1, Today’s English Version.

4. Patibayin ang kaugnayan sa Diyos.

“Ipokus ang iyong isip sa kaayaayang mga bagay, at maging abala sa espirituwal na mga gawain,” ang sabi pa ni Franz.

Sinasabi ng Bibliya: “Anumang bagay na totoo, anumang bagay na seryosong pag-isipan, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito . . . , at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.”​—Filipos 4:8, 9.

a Ang terminong “pornograpya” ay tumutukoy sa malalaswang materyal na dinisenyo upang pukawin ang damdamin ng mga nakakakita, nagbabasa, o nakikinig nito. Kasama rito ang mga larawan pati na ang anumang materyal na mababasa o mapapakinggan.

b Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

c Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.

ANG TOTOO TUNGKOL SA PORNOGRAPYA

BAWAT SEGUNDO: Halos 30,000 tao ang tumitingin sa pornograpikong mga Web site.

BAWAT MINUTO: Ang mga gumagamit ng Internet ay nagpapadala ng mahigit 1.7 MILYON na pornograpikong e-mail.

BAWAT ORAS: Halos DALAWANG video ng detalyadong paglalarawan sa pornograpya ang inilalabas sa Estados Unidos.

BAWAT ARAW: Sa Estados Unidos pa lang, may average na DALAWANG MILYON na pornograpikong pelikula ang nirerentahan.

BAWAT BUWAN: Halos 9 sa bawat 10 kabataang lalaki at 3 sa bawat 10 kabataang babae sa Estados Unidos ang nanonood ng pornograpya.

BAWAT TAON: Kumikita ng tinatayang $100 BILYON (U.S.) ang industriya ng pornograpya sa buong daigdig.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share