Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w14 5/1 p. 4-7
  • May Makapagsasabi ba ng Mangyayari sa Hinaharap?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • May Makapagsasabi ba ng Mangyayari sa Hinaharap?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • GAANO KATOTOO ANG MGA HULA NG DIYOS?
  • MGA HULA NG DIYOS KUMPARA SA MGA PREDIKSIYON NG TAO
  • ANG KINABUKASAN MO
  • Sino ang Makaaalam ng Mangyayari sa Hinaharap?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Cirong Dakila
    Gumising!—2013
  • Si Jehova​—“Isang Matuwid na Diyos at Isang Tagapagligtas”
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
w14 5/1 p. 4-7
Tinutulungan ng nanay ang kaniyang anak sa homework nito

TAMPOK NA PAKSA

May Makapagsasabi ba ng Mangyayari sa Hinaharap?

Lahat tayo ay nag-iisip tungkol sa kinabukasan natin at ng mga mahal natin sa buhay. Itinatanong natin: ‘May naghihintay bang mas magandang buhay para sa mga anak ko? Magugunaw ba ang mundo sa isang sakuna? May magagawa ba ako ngayon para maging mas maganda ang kinabukasan ko?’ Normal lang na magtanong dahil gusto natin ng katiyakan, kaayusan, at katatagan. Kung malalaman mo lang sana ang iyong kinabukasan, maihahanda mo ang iyong kalooban at mga pangangailangan.

Kaya ano ang kinabukasan mo? May makapagsasabi ba nito? Sinubukan itong gawin ng mga propesyonal. Ang ilan sa kanilang mga prediksiyon ay nagkatotoo, pero marami rin ang di-natupad. Gayunman, sinasabi na kayang hulaan ng Diyos nang tama ang mangyayari sa hinaharap. Ganito inilarawan ng Bibliya ang Diyos: “Ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon.” (Isaias 46:10) Nagkatotoo ba ang kaniyang mga hula?

GAANO KATOTOO ANG MGA HULA NG DIYOS?

Bakit dapat mong alamin kung nagkatotoo ang mga hula ng Diyos noon? Kung may isa na laging tama sa pagtaya ng lagay ng panahon araw-araw sa loob ng mahabang panahon, tiyak na hahanga ka sa kaniya. Malamang na maniniwala ka sa sasabihin niya tungkol sa magiging lagay ng panahon bukas. Sa katulad na paraan, kung malaman mong laging nagkakatotoo ang mga hula ng Diyos, tiyak na magiging interesado ka sa sasabihin niya tungkol sa kinabukasan mo.

Pader na itinayong muli sa Nineve, isang lunsod na dating tiwangwang

Isang pader na itinayong muli sa mga guho ng sinaunang Nineve

PAGKAWASAK NG ISANG DAKILANG LUNSOD:

Halimbawa, kamangha-mangha ngang mahulaan na ang isang lunsod na dakila at makapangyarihan sa loob ng maraming siglo ay babagsak na. Sa pamamagitan ng isa sa mga tagapagsalita niya, inihula ng Diyos ang pangyayaring iyon​—ang pagkatiwangwang ng Nineve. (Zefanias 2:13-15) Ano ang iniulat ng sekular na mga istoryador? Noong ikapitong siglo B.C.E., malamang na mga 15 taon matapos sabihin ng Diyos ang hula, ang Nineve ay nilusob at pinabagsak ng mga Babilonyo at mga Medo. Espesipiko ring inihula ng Diyos na ang Nineve ay magiging “tiwangwang na kaguhuan, isang pook na walang tubig na gaya ng ilang.” Nagkatotoo ba ito? Oo. Kahit mga 518 kilometro kuwadrado ang lawak ng lunsod at ng mga nakapalibot dito, inabandona ng mga mananakop ang lunsod, gaya ng inaasahan. Winasak nila ito. Sinong analista sa politika ang eksaktong makahuhula nito?

MAGSUSUNOG NG MGA BUTO NG TAO:

Sino ang lakas-loob na magsasabi​—300 taon ang kaagahan—​ng eksaktong pangalan at pagmumulan ng isa na susunog sa mga buto ng tao sa isang altar, pati na ng pangalan ng bayang kalalagyan ng altar? Kung magkatotoo ang kakaibang hulang tulad nito, tiyak na sisikat siya. Sinabi ng tagapagsalita ng Diyos: “Sa sambahayan ni David ay isisilang ang isang sanggol na lalaking ang pangalan ay Josias . . . , susunugin niya ang mga buto ng tao” sa isang altar sa bayan ng Bethel. (1 Hari 13:1, 2, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Pagkalipas ng mga 300 taon, isang hari na ang pangalan ay Josias​—isang pangalan na hindi karaniwan noong panahon ng Bibliya—​ang ipinanganak sa angkan ni David. Gaya ng inihula, kinuha ni Josias ang “mga buto mula sa mga dakong libingan at sinunog ang mga iyon sa ibabaw ng altar” na nasa Bethel. (2 Hari 23:14-16) Paano maihuhula ng sinuman ang isang pangyayari nang ganito kadetalyado kung hindi siya ginabayan ng isa na nakahihigit sa tao?

Mga sundalo ni Ciro na pumapasok sa nakabukas na pintuang-daan ng Babilonya, gaya ng inihula ni propeta Isaias

Kamangha-manghang natupad nang eksakto ang mga hula ng mga propeta ng Bibliya tungkol sa pagbagsak ng Babilonya

MAGWAWAKAS ANG ISANG IMPERYO:

Hahanga ka talaga kung maihuhula ng isa ang pangalan ng isang tao​—matagal pa bago siya ipanganak—​na magpapabagsak sa isang kapangyarihang pandaigdig, pati na ang pambihirang estratehiyang gagamitin nito. Inihula ng Diyos na isang taong ang pangalan ay Ciro ang mangunguna sa pananakop ng isang bansa. Palalayain din ni Ciro ang mga bihag na Judio at susuportahan ang muling pagtatayo ng kanilang banal na templo. Inihula pa ng Diyos na kasama sa estratehiya sa pakikipaglaban ni Ciro ang pagtuyo sa ilog, at na maiiwang bukás ang mga pintuang-daan, na magpapadali sa pananakop. (Isaias 44:27–45:2) Natupad ba nang eksakto ang maraming detalye sa hula ng Diyos? Ayon sa mga istoryador, talagang nangyari ito. Gumamit ang hukbo ni Ciro ng isang pambihirang gawa ng inhinyeriya​—ang paglilihis ng isa sa mga daluyan ng tubig ng Babilonya, kaya natuyo ang ilog. Hindi lang iyan, nakapasok din ang hukbo sa mga pintuang-daan na naiwang bukás. Pagkatapos, pinalaya ni Ciro ang mga Judio at sinabing maitatayo nilang muli ang kanilang templo sa Jerusalem. Pambihira iyon, dahil si Ciro ay hindi mananamba ng Diyos ng mga Judio. (Ezra 1:1-3) Sino maliban sa Diyos ang makapanghuhula sa mga detalye ng pangyayaring ito sa kasaysayan?

Nabanggit natin ang tatlong halimbawa na nagpapakita kung paano laging nagkakatotoo ang mga hula ng Diyos. Hindi ito nagkataon lang. Binanggit ng Judiong lider na si Josue ang isang bagay na alam na alam ng mga tagapakinig niya: “Nalalaman ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.” (Josue 23:1, 2, 14) Hindi maikakaila ng bayan ni Josue na laging nagkakatotoo ang mga pangako at hula ng Diyos. Pero paano ito nagagawa ng Diyos? Malaki ang pagkakaiba ng paraan ng Diyos at ng paraan ng tao. Mahalagang malaman mo ito, dahil may mga kahanga-hangang hula ang Diyos tungkol sa hinaharap na tiyak na makaaapekto sa iyo.

MGA HULA NG DIYOS KUMPARA SA MGA PREDIKSIYON NG TAO

Ang mga prediksiyon ng tao ay kadalasang nakadepende sa mga bagay tulad ng pagsasaliksik sa siyensiya, pagsusuri sa mga makukuhang impormasyon at kalakaran, o kahit sa kunwaring makahimalang kaalaman. Pagkatapos magbigay ng prediksiyon, ang mga tao ay karaniwan nang maghihintay na lang sa kung ano ang mangyayari.​—Kawikaan 27:1.

Di-gaya ng mga tao, alam ng Diyos ang lahat ng bagay. Alam na alam niya ang kayarian at tendensiya ng mga tao. Kapag ginusto niya, kaya ng Diyos na makita nang patiuna kung paano eksaktong kikilos ang mga indibiduwal at mga bansa. Bukod diyan, maaari din niyang kontrolin at baguhin ang mga bagay-bagay para matiyak ang resulta. Sinabi niya: “Ang aking salita na lumalabas sa aking bibig [ay] hindi . . . babalik sa akin nang walang resulta, . . . at ito ay tiyak na magtatagumpay.” (Isaias 55:11) Kaya masasabing ang ilan sa mga hula ng Diyos ay paghahayag ng mga gagawin niya sa hinaharap. Ginagarantiyahan niya na laging magkakatotoo ang kaniyang mga hula.

ANG KINABUKASAN MO

May maaasahan bang hula tungkol sa kinabukasan mo at ng iyong mga mahal sa buhay? Kung patiuna mong malalaman na may paparating na bagyo, makapaghahanda ka para maligtas. Makapaghahanda ka rin kung alam mo ang hula ng Bibliya. Sinabi ng Diyos na malapit nang dumating ang malalaking pagbabago sa daigdig. (Tingnan ang kahong “Kung Ano ang Sinasabi ng Diyos Tungkol sa Hinaharap.”) Ang hinaharap na ito ay iba sa sinasabi ng diumano’y mga ekspertong manghuhula.

Parang ganito iyon: Ang mundong ito ay may kuwento. Puwede nating malaman ang dulo ng kuwento sa pamamagitan ng mga hula sa Bibliya. Sinasabi ng Diyos na siya “ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, . . . ang Isa na nagsasabi, ‘Ang aking pasiya ay mananatili, at ang lahat ng aking kinalulugdan ay gagawin ko.’” (Isaias 46:10) Ikaw at ang pamilya mo ay maaaring magkaroon ng magandang kinabukasan. Tanungin ang mga Saksi ni Jehova tungkol sa sinasabi ng Bibliya na mangyayari sa hinaharap. Pero hindi mga psychic ang mga Saksi. Hindi sila nakaririnig ng mga tinig mula sa mga espiritu, at wala rin silang kapangyarihang manghula. Sila ay mga estudyante ng Bibliya na makapagpapakita sa iyo ng mabubuting bagay na isinasaayos ng Diyos para sa kinabukasan mo.

May maganda tayong matututuhan sa personalidad ng Diyos kung susuriin natin ang mga hula sa Bibliya. Sinasabi sa atin ng Diyos ang kaniyang kalooban, na nagpapakitang hindi siya walang pakialam o walang malasakit sa mga tao. Ang totoo, nagmamalasakit siya sa ating kinabukasan. Gusto niyang maranasan natin ang isang magandang kinabukasan.

Kung Ano ang Sinasabi ng Diyos Tungkol sa Hinaharap

Mga kamay mula sa langit na gumagabay sa masunuring mga tao sa daang patungo sa mas magandang kinabukasan sa lupa
  • Kabaligtaran sa sinasabi ng mga nanghuhula na magugunaw ang mundo, tinitiyak sa atin ng Diyos na hindi kailanman mawawasak ang ating planetang Lupa.​—Awit 104:5; Eclesiastes 1:4.

  • Sinisira ng mga tao ang lupa, pero kikilos ang Diyos para patigilin sila.​—Awit 92:7; Apocalipsis 11:18.

  • Alam ng Diyos na ang karamihan sa mga relihiyon ay naninirang-puri sa kaniya at hindi nagpapahalaga sa Bibliya. Pupuksain niya ang mga organisasyong iyon.​—Apocalipsis 18:4-9.

  • Ang makalangit na gobyerno ng Diyos​—hindi ang sinumang tao o likas na mga sakuna​—ang lilipol sa lahat ng masama at masuwaying tao. “Ang kinabukasan ng mga taong balakyot ay talagang mapuputol.”​—Awit 37:10, 38; Daniel 2:44.

  • Iingatang buháy ng Diyos ang mga may pagsang-ayon niya, at mabubuhay sila sa isang magandang lupa. “Masdan mo ang walang kapintasan at tingnan mo ang matuwid, sapagkat ang kinabukasan ng taong iyon ay magiging mapayapa.”​—Awit 37:11, 37; Apocalipsis 21:3, 4.

  • Sa Bibliya, ipinaliliwanag ng Diyos kung paano mo makukuha ang pagsang-ayon niya at kung paano ka ‘magtatagumpay sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap.’​—Lucas 21:36; Juan 17:3.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share