Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w14 9/1 p. 3-6
  • Tuluyan Na Bang Sisirain ng Tao ang Lupa?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tuluyan Na Bang Sisirain ng Tao ang Lupa?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • WALA NA BANG PAG-ASA ANG LUPA?
  • PATONG-PATONG NA UTANG SA KALIKASAN
  • ANG LAYUNIN NG MAYLALANG
  • LUPA​—TAHANAN NATIN MAGPAKAILANMAN
  • Ipinangako ng Diyos na Mananatili ang Planeta Natin
    Gumising!—2023
  • Sino ang Magliligtas sa Lupa?
    Iba Pang Paksa
  • Magugunaw Ba ang Mundo?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Di-kumukupas na Regalo Mula sa Maylalang
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
w14 9/1 p. 3-6
Mga batang naglalaro sa napakaruming paligid

TAMPOK NA PAKSA

Tuluyan Na Bang Sisirain ng Tao ang Lupa?

“Isang salinlahi ang yumayaon, at isang salinlahi ang dumarating; ngunit ang lupa ay nananatili maging hanggang sa panahong walang takda.”​—HARING SOLOMON, IKA-11 SIGLO B.C.E.a

Para sa sinaunang manunulat ng Bibliya, napakaikli ng buhay ng tao kumpara sa pag-iral ng lupa. Sa loob ng napakaraming taon, sali’t salinlahi ang dumating at nagdaan, pero narito pa rin ang planetang Lupa, matatag at kaya pa ring suportahan ang buhay hanggang ngayon.

Ang mga taon mula noong Digmaang Pandaigdig II ay tinawag ng ilan na Great Acceleration dahil sa lawak at bilis ng pagbabagong naganap. Sa loob lang ng mga 70 taon, napakalaki na ng isinulong sa transportasyon, komunikasyon, at iba pang teknolohiya, na nagdala ng walang-katulad na mga pagbabago sa ekonomiya. Natikman ng marami ang maalwang buhay na akala nila noon ay imposibleng mangyari. Samantala, halos natriple ang populasyon ng lupa.

Gayunman, ang lahat ng ito ay may kabayaran. Masyado nang napinsala ng tao ang lupa at baka hindi na masuportahan ng mga siklo ng kalikasan ang buhay. Sinasabi ng ilang siyentipiko na sa nakalipas na ilang daang taon, napakalaki na ng naging epekto sa planeta ng mga ginagawa ng tao.

Inihula ng Bibliya na darating ang panahon na ‘ipapahamak ng tao ang lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Iniisip ng ilan kung ito na ang panahong iyon. Ano pa kayang pinsala ang gagawin ng tao sa lupa? May solusyon pa ba? Tuluyan na bang sisirain ng tao ang lupa?

WALA NA BANG PAG-ASA ANG LUPA?

Tuluyan na bang masisira ang lupa? Nahihirapan ang ilang siyentipiko na kalkulahin ang magiging epekto ng mga nangyayaring pagbabago. Dahil dito, nag-aalala sila na baka tuluyan na ngang masira ang planeta, at dumating ang bigla at di-inaasahang mga pagbabago sa klima na magiging kapaha-pahamak.

Isang polar bear sa ibabaw ng isang tipak ng yelo

Kuning halimbawa ang West Antarctic Ice Sheet. Naniniwala ang ilan na kung magpapatuloy ang global warming, o ang pag-init ng lupa, tuluyan nang matutunaw ang mga yelo sa karagatan. Karaniwan nang nasasangga ng suson ng yelo ang sinag ng araw. Pero habang numinipis at lumiliit ang mga yelo, mas nalalantad sa araw ang karagatan. Miyentras umiinit ang karagatan, lalong natutunaw ang mga yelo. Ang siklong ito ay magtutuloy-tuloy. At dahil dito, tataas ang level ng tubig sa dagat na maaaring maging kapaha-pahamak sa daan-daang milyong tao.

PATONG-PATONG NA UTANG SA KALIKASAN

Iba’t ibang estratehiya ang pinanukala para lutasin ang umano’y “planetary emergency” na kinakaharap natin ngayon. Isa sa mga ito ang tinatawag na sustainable development​—ang patuloy na pagpapaunlad sa kabuhayan at lipunan nang hindi sinasaid ang yaman ng lupa. Kaya ang kinokonsumong yaman ng lupa ay dapat na limitado lang sa kaya nitong i-produce. Ano ang resulta?

Nakalulungkot, kung paanong lubog sa utang ang ekonomiya ng mundo, patuloy ding nagkakapatong-patong ang utang natin sa kalikasan. Hindi maka-recover ang planeta dahil mabilis na inuubos ng tao ang likas na yaman nito. May magagawa ba? Tapatang sinabi ng isang eksperto sa ekolohiya: “Ang totoo, wala tayong anumang clue kung paano matagumpay na iingatan ang planeta.” Ito mismo ang sitwasyong inilalarawan ng Bibliya: “Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”​—Jeremias 10:23.

Gayunman, tinitiyak sa atin ng Bibliya na hindi hahayaan ng Diyos na mabangkarote ang kalikasan. Mababasa natin sa Awit 115:16: “Ang lupa ay ibinigay [ng Diyos] sa mga anak ng mga tao.” Oo, ang ating planeta ay isang “mabuting kaloob,” o regalo, mula sa ating Ama sa langit. (Santiago 1:17) Pansamantala lang ba ang regalong ito ng Diyos, na para bang may expiration date? Siyempre, hindi! Pinatutunayan iyan ng likas na disenyo ng ating planeta.

ANG LAYUNIN NG MAYLALANG

Detalyadong sinasabi ng aklat ng Bibliya na Genesis kung paano napakahusay na inihanda ng Diyos ang lupa. Inilarawan na ang lupa sa pasimula ay “walang anyo at tiwangwang at may kadiliman sa ibabaw.” Pero espesipikong binabanggit na ang planeta ay may “tubig,” na napakahalaga sa buhay. (Genesis 1:2) Pagkatapos ay sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag.” (Genesis 1:3) Tumagos sa atmospera ang sinag ng araw, at nagkaroon ng liwanag sa lupa sa kauna-unahang pagkakataon. Saka iniulat ang tungkol sa tuyong lupa at mga dagat. (Genesis 1:​9, 10) Sumunod, sumibol ang “damo, pananim na nagkakabinhi ayon sa uri nito at mga punungkahoy na nagluluwal ng bunga.” (Genesis 1:12) Kaya naihanda ang lahat ng kailangan para sa mga proseso at siklo na napakahalaga sa buhay, gaya ng photosynthesis. Ano ang layunin ng gayong napakadetalyadong paghahanda?

Inilarawan ng sinaunang propetang si Isaias ang Diyos bilang ang Isa “na Tagapag-anyo ng lupa at Maylikha nito, Siya na nagtatag nito nang matibay, na hindi niya nilalang na walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan.” (Isaias 45:18) Maliwanag, layunin ng Diyos na ang lupa ay maging tirahan ng tao magpakailanman.

Nakalulungkot, halos sirain na ng tao ang magandang regalo ng Diyos. Pero hindi nagbago ang layunin ng Maylalang. Isang lingkod ng Diyos noon ang nagsabi: “Ang Diyos ay hindi tao na magsisinungaling, ni anak man ng sangkatauhan na magsisisi. Siya ba ang nagsabi niyaon at hindi niya gagawin?” (Bilang 23:19) Ang totoo, malapit nang kumilos ang Diyos upang “ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.”​—Apocalipsis 11:18.

LUPA​—TAHANAN NATIN MAGPAKAILANMAN

Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang kilalang Sermon sa Bundok: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5) Sa sermon ding iyon, binanggit ni Jesus kung paano ililigtas ang lupa para huwag itong mapahamak. Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na magdasal: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” Oo, isasakatuparan ng Kaharian, o gobyerno ng Diyos, ang layunin Niya para sa lupa.​—Mateo 6:10.

Ganito ang sinabi ng Diyos tungkol sa malalaking pagbabagong gagawin ng Kaharian: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 21:5) Papalitan ba ng Diyos ang lupa ng isang bagong planeta? Hindi, wala namang mali sa pagkakagawa ng Diyos sa ating planeta. Sa halip, pananagutin ng Diyos ang mga may kagagawan sa krisis na nangyayari sa lupa. Aalisin niya “ang mga nagpapahamak sa lupa,” walang iba kundi ang sistema at pamamahala ng tao ngayon. Papalitan ito ng “isang bagong langit at isang bagong lupa.” Ibig sabihin, isang bagong gobyerno sa langit, ang Kaharian ng Diyos, ang mamamahala sa lipunan ng masunuring mga tao sa lupa.​—Apocalipsis 21:1.

Para maka-recover sa pagkabangkarote ng kalikasan na kagagawan ng tao, ang Diyos ay muling maglalaan ng pondo, wika nga. Ganito inilarawan ng salmista ang gagawin ng Diyos: “Ibinaling mo ang iyong pansin sa lupa, upang mabigyan mo ito ng kasaganaan; lubha mo itong pinayayaman.” Dahil sa magandang klima at, higit sa lahat, sa pagpapala ng Diyos, ang lupa ay magiging paraiso na magbubunga ng saganang pagkain.​—Awit 65:​9-13.

Isinulat ni Pyarelal, kalihim ni Mohandas Gandhi, ang yumaong espirituwal na lider ng India, ang mismong sinabi nito: “Kaya ng lupa na sapatan ang pangangailangan ng bawat tao, hindi ang kasakiman ng bawat tao.” Para malutas ang ugat ng mga problema, babaguhin ng Kaharian ng Diyos ang saloobin ng mga tao. Inihula ni propeta Isaias na sa pamamahala ng Kaharian, “hindi sila mananakit o maninira man” sa isa’t isa o sa lupa. (Isaias 11:9) Sa katunayan, milyon-milyon mula sa lahat ng kultura at antas ng pamumuhay ang natututo na tungkol sa mataas na mga pamantayan ng Diyos. Sila ay tinuturuan na ibigin ang Diyos at ang kapuwa, maging mapagpasalamat, alagaan ang kapaligiran, ingatan ang likas na yaman, at mamuhay ayon sa layunin ng Maylalang. Inihahanda sila para sa buhay sa isang paraisong lupa.​—Eclesiastes 12:13; Mateo 22:​37-39; Colosas 3:15.

Ang planetang Lupa

Hindi hahayaan ng Diyos na tuluyang masira ang napakagandang lupang ito

Ganito nagtapos ang ulat ng paglalang sa Genesis: “Nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.” (Genesis 1:31) Talagang hindi hahayaan ng Diyos na tuluyang masira ang napakagandang lupang ito. Nakatutuwang malaman na nasa kamay ng ating mapagmahal na Maylalang, ang Diyos na Jehova, ang kinabukasan ng ating planeta. Nangangako siya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Mapabilang ka sana sa mga “matuwid,” na magsasabing ang lupa ang kanilang tahanan magpakailanman.

a Mula sa Eclesiastes 1:4 sa Bibliya.

Pagsira ng Tao sa Ating Planeta

  • Atmospera. “May di-matututulang katibayan na umiinit ang ibabang atmospera, karagatan, at lupa . . . Ang ginagawa ng mga tao ang pangunahing dahilan ng pag-init ng globo mula noong dekada ’50.”​—American Meteorological Society, 2012.

  • Lupa. “Halos 50% ng kalupaan ay direktang binago ng tao, na lubhang nakaapekto sa iba’t ibang uri ng halaman at hayop, siklo ng mga nutriyente sa lupa, . . . at sa klima.”​—Global Change and the Earth System.

  • Karagatan. “Mga 85% ng karagatan ang napakadalas pangisdaan, halos wala nang mahuli, nasaid na o nakaka-recover pa lang sa labis-labis na pangingisda.”​—BBC, Setyembre 2012.

  • Pagkakasari-sari ng buhay. “Iniisip ng maraming siyentipiko na . . . ang [susunod na malawakang pagkalipol], marahil ang pinakamabilis sa kasaysayan ng Lupa, ay maisisisi sa tao.”​—Mula sa science.nationalgeographic.com.

Ang Biosphere

Ang tao, lupa, karagatan, at atmospera

Ano ang biosphere o ang tinatawag na “zone of life”? Ayon sa NASA, ito “ang bahagi ng Lupa at ng atmospera nito na sumusuporta sa buhay.”

Ang biosphere ay binubuo ng mga nabubuhay na bagay at ng kapaligiran​—atmospera, kalupaan, at karagatan​—kung saan nanggagaling ang enerhiya at mga nutriyente na mahalaga sa buhay. Halimbawa, ginagamit ng mga halaman ang enerhiyang nakukuha sa araw para ang carbon dioxide, tubig, at mga mineral ay gawing oksiheno at pagkain. Ang mga tao at hayop naman ay nangangailangan ng oksiheno at pagkain, at naglalabas ng carbon dioxide at iba pa. Tuloy-tuloy ang siklong ito. Kaya hindi mauubusan ng panustos sa buhay ang biosphere.

Angkop ang pagkakalarawan sa Diyos bilang “ang Isa na matibay na nagtatatag ng mabungang lupain sa pamamagitan ng kaniyang karunungan.” (Jeremias 10:12) Gaya ng sinabi ng isang iskolar ng Bibliya, “ang lupa ay kahanga-hanga at tamang-tama para mabuhay ang tao.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share