Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w15 12/1 p. 4-5
  • Isang Aklat na Puwedeng Maunawaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Aklat na Puwedeng Maunawaan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ISINULAT PARA MAUNAWAAN
  • MABABASA NG LAHAT
  • Ang Bibliya Ba’y Talagang Nagmula sa Diyos?
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Bibliya—Ano Ito?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Bakit Ka Dapat Maging Interesado sa Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Tamang mga Turo na Nakalulugod sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
w15 12/1 p. 4-5
Pagbabasa ng Bibliya na nakalimbag at na nasa cellphone

TAMPOK NA PAKSA | PUWEDE MONG MAUNAWAAN ANG BIBLIYA

Isang Aklat na Puwedeng Maunawaan

Ang Bibliya ay isang napakatandang aklat. Gaano katanda? Sinimulang isulat ang Bibliya sa Gitnang Silangan mga 3,500 taon na ang nakalilipas. Bilang paghahambing, iyon din ang panahon noong namamahala ang makapangyarihang dinastiyang Shang ng China, ang pinakamatandang dinastiyang Tsino na nairekord sa kasaysayan, at mga 1,000 taon bago nagsimula ang Budismo sa India.—Tingnan ang kahong “Ilang Impormasyon Tungkol sa Bibliya.”

Ang Bibliya ay nagbibigay ng kasiya-siyang sagot sa pinakamahahalagang tanong sa buhay

Para maging nakatutulong na giya ang isang aklat, dapat na nauunawaan ito ng mga tao at nakikita nila ang kahalagahan nito sa buhay nila. Ganiyan ang Bibliya. Nagbibigay ito ng kasiya-siyang sagot sa pinakamahahalagang tanong sa buhay.

Halimbawa, naitanong mo na ba, ‘Bakit tayo naririto?’ Libo-libong taon nang palaisipan iyan sa tao, kahit hanggang ngayon. Gayunman, ang sagot ay nasa unang dalawang kabanata ng Genesis, ang unang aklat ng Bibliya. Ibabalik ka ng ulat na ito sa “pasimula”—bilyon-bilyong taon na ang nakalipas—nang umiral ang ating uniberso, pati na ang mga galaksi, bituin, at ang lupa. (Genesis 1:1) Pagkatapos, inilalarawan nito nang sunod-sunod kung paano inayos ang lupa para matirhan, kung paano umiral ang iba’t ibang anyo ng buhay, at kung paano lumitaw ang tao sa eksena—pati na ang layunin ng lahat ng ito.

ISINULAT PARA MAUNAWAAN

Ang Bibliya ay naglalaan ng praktikal na payo para tulungan tayong lutasin ang mga problema sa araw-araw. Madali itong maunawaan, sa dalawang kadahilanan.

Una, ang mensahe ng Bibliya ay malinaw, tuwiran, at kaakit-akit. Sa halip na gumamit ng mga salitang mahirap unawain o mahiwaga, gumamit ang Bibliya ng mga salitang espesipiko o nagsasangkot sa ating mga pandamdam. Para sa mahihirap na ideya, gumamit ito ng mga salitang karaniwan nating naririnig sa araw-araw.

Halimbawa, gumamit si Jesus ng simpleng mga ilustrasyon na batay sa araw-araw na karanasan ng tao para ituro ang mga aral na aantig sa kanilang puso. Marami sa mga iyon ang mababasa sa tinatawag na Sermon sa Bundok, na nakaulat sa kabanata 5 hanggang 7 ng aklat ng Bibliya na Mateo. Ang layunin ng “praktikal na pahayag” na ito, gaya ng sinabi ng isang komentarista, ay “hindi para punuin ang ating isip ng mga ideya, kundi para patnubayan ang ating pagkilos.” Mababasa mo ito sa loob ng mga 15 hanggang 20 minuto, at mamamangha ka sa simple ngunit mapuwersang pananalita ni Jesus.

Ikalawa, madaling maunawaan ang Bibliya dahil sa nilalaman nito. Hindi ito aklat ng mitolohiya o pabula. Karamihan ng ulat sa Bibliya, gaya ng pagkakalarawan ng The World Book Encyclopedia, ay “tungkol sa dakila at sa ordinaryong mga tao” at sa kanilang “pakikipagpunyagi, pag-asa, kabiguan, at tagumpay.” Madali nating maunawaan ang mga ulat na ito tungkol sa mga tunay na tao at pangyayari at maintindihan ang mahahalagang leksiyon nito.—Roma 15:4.

MABABASA NG LAHAT

Para maunawaan ang isang aklat, dapat na mabasa mo ito sa wikang alam mo. Sa ngayon, malamang na mababasa mo ang Bibliya sa wikang naiintindihan mo, saan ka man nakatira o anuman ang lahi mo. Isaalang-alang kung ano ang kahanga-hangang ginawa para maging posible iyan.

Pagsasalin. Ang Bibliya ay unang isinulat sa wikang Hebreo, Aramaiko, at Griego. Dahil diyan, kaunti lang ang makababasa nito. Para mabasa ang Bibliya sa ibang wika, puspusang nagsikap ang taimtim na mga tagapagsalin. Dahil sa kanila, ang buong Bibliya o ang bahagi nito ay naisalin na ngayon sa mga 2,700 wika. Mababasa na ngayon ng mahigit 90 porsiyento ng mga tao sa buong mundo ang Bibliya, o ang ilang bahagi nito, sa kanilang sariling wika.

Paglalathala. Ang orihinal na kopya ng Bibliya ay isinulat sa nasisirang materyales, gaya ng balat at papiro. Para mabasa rin ito ng iba, maingat na kinopya ang mga iyon nang paulit-ulit sa pamamagitan ng sulat-kamay. Mahal ang gayong mga kopya, at iilan lang ang makabibili nito. Pero nang maimbento ni Gutenberg ang palimbagan mahigit 550 taon na ang nakararaan, bumilis ang pamamahagi ng Bibliya. Ayon sa isang pagtaya, nakapamahagi na ng mahigit limang bilyong kopya ng Bibliya, buo man o ang ilang bahagi nito.

Walang ibang aklat tungkol sa relihiyon ang maikukumpara sa Bibliya pagdating sa mga aspektong ito. Oo, ang Bibliya ay isang aklat na puwedeng maunawaan. Gayunman, maaaring maging hamon ang pag-aaral nito. Pero may makukuha kang tulong. Saan? At paano ka makikinabang? Alamin sa susunod na artikulo.

Ilang Impormasyon Tungkol sa Bibliya

  • Ang Bibliya ay binubuo ng 66 na banal na aklat.

  • Ang Bibliya ay naglalaman ng kasaysayan, kautusan, hula, tula, kawikaan, awit, at mga liham.

  • Sinimulan itong isulat noong 1513 B.C.E. at natapos noong 98 C.E., mahigit 1,600 taon ang haba.

  • Mga 40 lalaki ang sumulat ng Bibliya, habang ginagabayan ng banal na espiritu ng Diyos.

Saan Nagmula ang Buhay?

Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pinagmulan ng buhay, tingnan ang brosyur na Saan Nagmula ang Buhay? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova. Available din sa www.jw.org/tl.

Ang Bibliya—Ano ang Mensahe Nito?

Para matuto pa nang higit tungkol sa Bibliya, tingnan ang brosyur na Ang Bibliya—Ano ang Mensahe Nito? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova. Available din sa www.jw.org/tl.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share