Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • wp16 Blg. 4 p. 14-15
  • Ang Pinakakapaki-pakinabang na Paghahambing na Magagawa Mo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pinakakapaki-pakinabang na Paghahambing na Magagawa Mo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • KUNG PAANO IHAHAMBING ANG ATING PANINIWALA SA SINASABI NG BIBLIYA
  • Ano ba ang Kaharian ng Diyos?
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Sino si Jesu-Kristo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Ano ang Kaharian ng Diyos?
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • Sino ang Pupunta sa Langit, at Bakit?
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
wp16 Blg. 4 p. 14-15

Ang Pinakakapaki-pakinabang na Paghahambing na Magagawa Mo

ITINUTURING mo bang Kristiyano ka? Kung oo, isa ka sa mahigit dalawang bilyong tao sa lupa—halos 1 sa bawat 3—na nagsasabing tagasunod sila ni Kristo. Sa ngayon, may libo-libong denominasyon na tinatawag na Kristiyano, pero magkakaiba ang kanilang mga doktrina at pananaw. Kaya baka ibang-iba ang mga paniniwala mo sa iba pang nagsasabing Kristiyano sila. Mahalaga ba kung ano ang paniniwala mo? Oo, lalo na kung gusto mong isagawa ang Kristiyanismo na itinuturo sa Bibliya.

Nakilala ang unang mga tagasunod ni Jesu-Kristo bilang “mga Kristiyano.” (Gawa 11:26) Hindi nila kailangan ng iba pang pangalan dahil iisang pananampalatayang Kristiyano lang ang umiiral noon. May-pagkakaisang sinusunod ng mga Kristiyano ang mga turo at tagubilin ng Tagapagtatag ng Kristiyanismo, si Jesu-Kristo. Kumusta naman ang relihiyon mo? Naniniwala ka bang itinuturo nito ang itinuro ni Kristo at ang pinaniwalaan ng unang mga tagasunod ni Kristo? Paano mo matitiyak? Isa lang ang paraan—gamitin ang Bibliya bilang sukatan.

Pag-isipan ito: Si Jesu-Kristo ay may matinding paggalang sa Kasulatan bilang ang Salita ng Diyos. Hindi niya sinasang-ayunan ang mga taong winawalang-saysay ang mga turo ng Bibliya dahil sa mga tradisyon ng tao. (Marcos 7:9-13) Kaya masasabi nating sa Bibliya ibinabatay ng tunay na mga tagasunod ni Jesus ang kanilang paniniwala. Makabubuting itanong ng bawat Kristiyano sa kaniyang sarili, ‘Ayon ba sa Bibliya ang itinuturo ng aking relihiyon?’ Para masagot iyan, bakit hindi mo paghambingin ang mga turo ng relihiyon mo at ang sinasabi ng Bibliya?

Sinabi ni Jesus na ang pagsamba natin sa Diyos ay dapat na nakabatay sa katotohanan—ang katotohanang nasa Bibliya. (Juan 4:24; 17:17) Sinabi rin ni apostol Pablo na ang ating kaligtasan ay nakadepende sa pagsapit natin sa “tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Kaya mahalaga na nakabatay sa tumpak na katotohanan sa Bibliya ang ating mga paniniwala. Nakataya rito ang ating kaligtasan!

KUNG PAANO IHAHAMBING ANG ATING PANINIWALA SA SINASABI NG BIBLIYA

Inaanyayahan ka naming basahin ang sumusunod na anim na tanong at pansinin ang sagot ng Bibliya sa mga ito. Tingnan ang mga teksto sa Bibliya, at pag-isipan ang mga sagot. Pagkatapos, tanungin ang sarili, ‘Kumusta ang mga turo ng relihiyon ko kung ihahambing sa sinasabi ng Bibliya?’

Makatutulong sa iyo ang tanong-sagot na ito para makagawa ka ng pinakakapaki-pakinabang na paghahambing. Handa ka bang paghambingin ang ibang turo ng relihiyon mo at ang sinasabi ng Bibliya? Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang suriin ang malinaw na katotohanan sa Bibliya. Bakit hindi humiling ng libreng pag-aaral ng Bibliya sa isa sa mga Saksi? O puwede kang magpunta sa aming website na jw.org.

1 TANONG: Sino ang Diyos?

SAGOT: Si Jehova, ang Ama ni Jesus, ang walang-hanggang Diyos at ang makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang ng lahat ng bagay.

ANG SABI NG BIBLIYA:

“Pinasasalamatan naming lagi ang Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo kapag nananalangin kami para sa inyo.”—Colosas 1:3.

“Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay.”—Apocalipsis 4:11.

Tingnan din ang Roma 10:13; 1 Timoteo 1:17.

2 TANONG: Sino si Jesu-Kristo?

SAGOT: Si Jesus ang panganay na Anak ng Diyos. Nilalang si Jesus, kaya may pasimula siya. Si Jesus ay nagpapasakop sa Diyos at sumusunod sa kalooban Niya.

ANG SABI NG BIBLIYA:

“Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.”—Juan 14:28.

“[Si Jesus] ang larawan ng di-nakikitang Diyos, ang panganay sa lahat ng nilalang.”—Colosas 1:15.

Tingnan din ang Mateo 26:39; 1 Corinto 15:28.

3 TANONG: Ano ang banal na espiritu?

SAGOT: Ang banal na espiritu ay puwersang ginagamit ng Diyos para maisakatuparan ang kaniyang kalooban. Hindi ito isang persona. Ang mga tao ay maaaring mapuspos ng banal na espiritu at bigyang-kapangyarihan nito.

ANG SABI NG BIBLIYA:

“Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, ang sanggol sa kaniyang bahay-bata ay lumukso; at si Elisabet ay napuspos ng banal na espiritu.”—Lucas 1:41.

“Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu.”—Gawa 1:8.

Tingnan din ang Genesis 1:2; Gawa 2:1-4; 10:38.

4 TANONG: Ano ang Kaharian ng Diyos?

SAGOT: Ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyerno sa langit. Si Jesus ang Hari ng Kaharian ng Diyos. Hindi na magtatagal, pangyayarihin ng Kahariang ito na matupad ang kalooban ng Diyos sa lupa.

ANG SABI NG BIBLIYA:

“Hinipan ng ikapitong anghel ang kaniyang trumpeta. At nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit, na nagsasabi: ‘Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at mamamahala siya bilang hari magpakailan-kailanman.’”—Apocalipsis 11:15.

Tingnan din ang Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.

5 TANONG: Lahat ba ng mabubuting tao ay pupunta sa langit?

SAGOT: Hindi. Isang limitadong grupo ng tapat na mga tao, na tinatawag na “munting kawan,” ang pinili ng Diyos para pumunta sa langit. Mamamahala silang kasama ni Jesus bilang mga hari sa sangkatauhan.

ANG SABI NG BIBLIYA:

“Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat sinang-ayunan ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.”—Lucas 12:32.

“Sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala sila bilang mga hari na kasama niya.”—Apocalipsis 20:6.

Tingnan din ang Apocalipsis 14:1, 3.

6 TANONG: Ano ang kalooban ng Diyos para sa lupa at sa mga tao?

SAGOT: Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang lupa ay magiging isang paraiso at magtatamasa ang tapat na mga tao ng perpektong kalusugan, permanenteng kapayapaan, at buhay na walang hanggan.

ANG SABI NG BIBLIYA:

“Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:10, 11.

“Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4.

Tingnan din ang Awit 37:29; 2 Pedro 3:13.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share