Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w19 Hunyo p. 8-13
  • Ibagsak ang mga Pangangatuwirang Salungat sa Kaalaman ng Diyos!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ibagsak ang mga Pangangatuwirang Salungat sa Kaalaman ng Diyos!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “PAGBABAGO NG INYONG PAG-IISIP”
  • “BAGUHIN ANG TAKBO NG INYONG ISIP”
  • KUNG PAANO MABABAGO ANG TAKBO NG ATING ISIP
  • MAGKAROON NG MATATAG NA PANANAMPALATAYA
  • Nagbagong-Anyo Ka Na Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Patuloy Bang Binabago ng Bibliya ang Iyong Buhay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Roma 12:2—“Hayaan Ninyong Baguhin ng Diyos ang Inyong Pag-iisip”
    Paliwanag sa mga Teksto sa Bibliya
  • Ipaaninag ang Pangkaisipang Saloobin ni Kristo!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
w19 Hunyo p. 8-13

ARALING ARTIKULO 24

Ibagsak ang mga Pangangatuwirang Salungat sa Kaalaman ng Diyos!

“Ibinabagsak namin ang maling mga pangangatuwiran at bawat bagay na humahadlang sa mga tao na magkaroon ng kaalaman sa Diyos.”​—2 COR. 10:5.

AWIT 124 Ipakita ang Katapatan

NILALAMANa

1. Anong babala ang sinabi ni apostol Pablo sa mga pinahirang Kristiyano?

“HUWAG,” ang babala ni apostol Pablo. “Huwag na kayong magpahubog sa sistemang ito.” (Roma 12:2) Sinabi iyan ni Pablo sa mga Kristiyano noong unang siglo. Bakit ganoon na lang katindi ang babala niya sa mga taong nakaalay sa Diyos at pinahiran ng banal na espiritu?​—Roma 1:7.

2-3. Ano ang ginagawa ni Satanas para iwan natin si Jehova, pero paano maaalis sa ating isip ang mga bagay na “matibay ang pagkakatatag”?

2 Nag-aalala si Pablo dahil may ilang Kristiyano noon na naiimpluwensiyahan ng maling pangangatuwiran at pilosopiya ng sanlibutan ni Satanas. (Efe. 4:17-19) Puwede ring mangyari iyan sa atin ngayon. Gustong-gusto ni Satanas, ang diyos ng sistemang ito, na iwan natin si Jehova, kaya gumagamit siya ng iba’t ibang taktika. Halimbawa, kung matayog ang pangarap natin at gusto nating maging sikat, gagamitin niya iyon laban sa atin. Puwede pa nga niyang gamitin ang ating kultura, edukasyon, o mga karanasan para maging gaya ng sa kaniya ang pag-iisip natin.

3 Posible pa kayang maalis sa ating isip ang mga bagay na “matibay ang pagkakatatag”? (2 Cor. 10:4) Sinabi ni Pablo: “Ibinabagsak namin ang maling mga pangangatuwiran at bawat bagay na humahadlang sa mga tao na magkaroon ng kaalaman sa Diyos, at binibihag namin ang bawat kaisipan para maging masunurin ito sa Kristo.” (2 Cor. 10:5) Oo, sa tulong ni Jehova, maaalis natin ang mga maling kaisipan. Kung paanong maaalis ng gamot ang mga epekto ng lason, maaalis din ng Salita ng Diyos ang nakalalasong impluwensiya ng sanlibutan ni Satanas.

“PAGBABAGO NG INYONG PAG-IISIP”

4. Anong mga pagbabago ang kinailangang gawin ng marami sa atin nang tanggapin natin ang katotohanan?

4 Alalahanin ang mga pagbabagong kinailangan mong gawin nang tanggapin mo ang katotohanan mula sa Bibliya at magpasiyang maglingkod kay Jehova. Marami sa atin ang kinailangang huminto sa masasamang gawain. (1 Cor. 6:9-11) Mabuti na lang at tinulungan tayo ni Jehova na maihinto ang mga gawaing iyon!

5. Anong dalawang bagay ang kailangan nating gawin ayon sa Roma 12:2?

5 Pero hindi tayo dapat maging kampante. Kahit naitigil na natin ang malulubhang kasalanang ginagawa natin bago mabautismuhan, kailangan pa rin nating iwasan ang anumang bagay na makakatukso sa atin na balikan ang mga gawaing iyon. Paano? Sinabi ni Pablo: “Huwag na kayong magpahubog sa sistemang ito, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.” (Roma 12:2) Kaya dalawang bagay ang kailangang gawin. Una, “huwag na [tayong] magpahubog,” o magpaimpluwensiya, sa sistemang ito. Ikalawa, “magbagong-anyo” tayo sa pamamagitan ng pagbabago ng ating pag-iisip.

Nagbago Na o Nagkukunwari Lang?

Lalaking marumi at hindi nag-aahit, hawak ang malaking litrato niya na bagong ahit at nakakurbata

Ang salitang Griego na isinaling “magbagong-anyo” sa Roma 12:2 ay tumutukoy sa lubusang pagbabago, gaya ng pagbabago ng isang higad tungo sa isang paruparo. Ito ay nangangahulugang pagbabago ng ating pagkatao​—ng ating puso at isip. Sa kabaligtaran, ang salitang Griego na isinaling “nagkukunwari” sa 2 Corinto 11:13-15 ay tumutukoy naman sa panlabas na pagbabago, o pakitang-tao lang.

6. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus sa Mateo 12:43-45?

6 Ang pagbabagong-anyo na nasa isip ni Pablo ay hindi lang basta sa panlabas. Pagbabago ito ng ating buong pagkatao. (Tingnan ang kahong “Nagbago Na o Nagkukunwari Lang?”) Kailangan nating baguhin ang ating pag-iisip​—ang ating ugali, damdamin, at mga gusto. Kaya kailangan nating pag-isipan, ‘Ang mga ginagawa ko bang pagbabago para maging Kristiyano ay pakitang-tao lang, o taos sa puso?’ Malaki ang pagkakaiba nito. Sa Mateo 12:43-45, ipinakita ni Jesus kung ano ang kailangang gawin. (Basahin.) May matututuhan tayong mahalagang aral sa sinabi niya: Hindi sapat na basta maalis lang ang mga maling kaisipan; kailangang palitan iyon ng kaisipan ng Diyos.

“BAGUHIN ANG TAKBO NG INYONG ISIP”

7. Paano natin mababago ang ating pagkatao?

7 Puwede kaya nating mabago ang pagkatao natin? Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Dapat na patuloy ninyong baguhin ang takbo ng inyong isip at isuot ang bagong personalidad na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos at batay sa kung ano ang matuwid at tapat.” (Efe. 4:23, 24) Oo, puwede nating mabago ang ating pagkatao, pero hindi ito madali. Para magawa ito, hindi lang natin basta pipigilin ang mga maling pagnanasa o ihihinto ang masasamang gawain. Kailangan nating “baguhin ang takbo ng [ating] isip.” At kasama diyan ang pagbabago ng ating mga gusto, ugali, at motibo. Kailangan dito ang patuloy na pagsisikap.

8-9. Paano ipinapakita ng karanasan ng isang brother na kailangang mabago ang ating pagkatao?

8 Tingnan ang halimbawa ng isang brother na dating marahas. Nang itigil niya ang pagiging lasenggo at basagulero, naging kuwalipikado siya sa bautismo, at napakagandang patotoo nito sa kanilang lugar. Pero isang gabi, hindi pa natatagalan pagkatapos ng bautismo niya, nasubok siya. Isang lalaking lasing ang pumunta sa bahay niya at hinamon siya ng away. Noong una, nakapagpigil pa ang brother. Pero nang lapastanganin ng lalaki ang pangalan ni Jehova, napunô na siya. Binugbog niya ang lalaki. Ano ang problema? Kahit nakatulong sa kaniya ang pag-aaral ng Bibliya na mapigil ang tendensiyang maging marahas, hindi pa rin niya nababago ang takbo ng isip niya. Sa ibang salita, hindi pa talaga nababago ang pagkatao niya.

9 Pero hindi siya sumuko. (Kaw. 24:16) Sa tulong ng mga elder, unti-unti siyang sumulong hanggang sa maging elder. Isang gabi, sa labas ng Kingdom Hall, naulit ang sitwasyong sumubok sa kaniya noon. Bubugbugin na sana ng isang lalaking lasing ang isang elder. Ano ang ginawa ng brother? Mahinahon siyang nakipag-usap sa lasing at pinakalma ito, at dahil susuray-suray ang lalaki, tinulungan pa nga niya itong makauwi. Bakit iba na ang reaksiyon niya ngayon? Binago kasi ng brother ang takbo ng isip niya. Nagbago na ang pagkatao niya​—mapagpayapa na siya at mapagpakumbaba. Isang napakalaking kapurihan kay Jehova!

10. Ano ang kailangan nating gawin para mabago ang ating pagkatao?

10 Hindi ganoon kabilis gawin ang mga pagbabagong ito, at hindi rin ito ganoon kadali. Baka kailangan natin itong ‘pagsikapang mabuti’ sa loob ng maraming taon. (2 Ped. 1:5) Hindi ito mangyayari dahil lang sa matagal na tayo “sa katotohanan.” Kailangan nating gawin ang buong makakaya natin para mabago ang ating pagkatao. May mga hakbang na makakatulong sa atin. Suriin natin ang ilan dito.

KUNG PAANO MABABAGO ANG TAKBO NG ATING ISIP

Binago ng sister ang takbo ng isip niya sa pamamagitan ng pananalangin, pagbubulay-bulay habang nakatingin sa salamin, at pagpili ng mabubuting kasama

11. Paano tayo matutulungan ng panalangin na mabago ang takbo ng ating isip?

11 Ang unang dapat gawin ay manalangin. Tularan natin ang panalangin ng salmista: “Dalisayin mo ang puso ko, O Diyos, at bigyan mo ako ng bagong saloobin na magpapatatag sa akin.” (Awit 51:10) Dapat na aminado tayong kailangang mabago ang takbo ng ating isip, at humingi tayo ng tulong kay Jehova. Paano tayo nakakasiguro na tutulungan tayo ni Jehova? Mapapatibay tayo ng pangako ni Jehova sa mga Israelitang matitigas ang ulo noong panahon ni Ezekiel: “Bibigyan ko sila ng pusong hindi hati at ng bagong espiritu . . . at bibigyan ko sila ng pusong laman, [pusong mabilis tumugon sa patnubay ng Diyos].” (Ezek. 11:19; tlb.) Kung handang tulungan ni Jehova ang mga Israelita noon, handa rin niya tayong tulungan ngayon.

12-13. (a) Ayon sa Awit 119:59, ano ang kailangan nating bulay-bulayin? (b) Anong mga tanong ang dapat nating pag-isipan?

12 Ang pangalawang dapat gawin ay magbulay-bulay. Sa pagbabasa natin ng Bibliya araw-araw, bulay-bulayin natin, o pag-isipang mabuti, kung anong mga kaisipan at damdamin ang kailangan nating baguhin. (Basahin ang Awit 119:59; Heb. 4:12; Sant. 1:25) Dapat nating makita kung may tendensiya tayong maakit sa kaisipan ng sanlibutan. Aminin natin ang ating mga kahinaan at sikaping maalis ang mga iyon.

13 Halimbawa, pag-isipan ito: ‘Nakakadama ba ako ng inggit?’ (1 Ped. 2:1) ‘Naiisip ko bang nakahihigit ako sa iba dahil sa aking karanasan, edukasyon, o estado sa buhay?’ (Kaw. 16:5) ‘Minamaliit ko ba ang iba dahil wala sila ng mga bagay na mayroon ako o dahil iba ang lahi nila?’ (Sant. 2:2-4) ‘Naaakit ba ako sa mga iniaalok ng sanlibutan ni Satanas?’ (1 Juan 2:15-17) ‘Natutuwa ba ako sa mga imoral o mararahas na libangan?’ (Awit 97:10; 101:3; Amos 5:15) Makakatulong ang mga tanong na iyan para makita mo kung ano ang kailangan mong baguhin sa iyong sarili. Kapag naalis natin sa ating puso ang mga pangangatuwirang “matibay ang pagkakatatag,” mapapasaya natin ang ating Ama sa langit.​—Awit 19:14.

14. Bakit napakahalagang pumili ng mabubuting kasama?

14 Ang pangatlong mahalagang gawin ay pumili ng mabubuting kasama. Napapansin man natin o hindi, malaki ang nagiging impluwensiya sa atin ng mga nakakasama natin. (Kaw. 13:20) Sa trabaho o paaralan, karaniwan nang napapalibutan tayo ng mga taong hindi makakatulong sa atin na magkaroon ng kaisipan ng Diyos. Pero sa ating mga Kristiyanong pagpupulong, makakakita tayo ng mabubuting kasama. Doon, mauudyukan tayong “magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti.”​—Heb. 10:24, 25, tlb.

MAGKAROON NG MATATAG NA PANANAMPALATAYA

15-16. Paano sinisikap ni Satanas na baguhin ang ating pag-iisip?

15 Gayunman, tandaan na determinado si Satanas na baguhin ang pag-iisip natin. Kaya gumagamit siya ng lahat ng uri ng pangangatuwiran para kontrahin ang sinasabi ng Salita ng Diyos.

16 Itinatanong pa rin ni Satanas ang gaya ng itinanong niya kay Eva sa hardin ng Eden: “Talaga bang sinabi ng Diyos na . . . ?” (Gen. 3:1) Sa sanlibutang kontrolado ni Satanas, madalas nating marinig ang mga tusong tanong na gaya nito: ‘Talaga bang ayaw ng Diyos na ikasal ang magkasekso? Talaga bang ayaw ng Diyos na ipagdiwang mo ang Pasko at kaarawan? Talaga bang inaasahan ng Diyos na hindi ka magpapasalin ng dugo? Talaga bang inaasahan ng isang mapagmahal na Diyos na lalayuan mo ang natiwalag mong mahal sa buhay?’

17. Ano ang dapat nating gawin kapag may nagtanong ng mga tusong tanong tungkol sa paniniwala natin, at ano ang puwedeng maging resulta nito ayon sa Colosas 2:6, 7?

17 Kailangang kumbinsido tayo sa pinaniniwalaan natin. Kung hindi natin masagot ang ganitong mga tanong, malamang na magduda tayo kung totoo ba ang ating mga paniniwala. Puwede nitong pilipitin ang pag-iisip natin at sirain ang ating pananampalataya. Ano ang kailangan nating gawin? Sinasabi ng Salita ng Diyos na kailangan nating baguhin ang ating pag-iisip para mapatunayan sa ating sarili “kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Kung regular tayong mag-aaral, mapapatunayan natin sa ating sarili ang mga katotohanang natututuhan natin sa Bibliya. Lubusan tayong makukumbinsing tama ang mga pamantayan ni Jehova. At gaya ng isang punong malalim ang pagkakaugat, magiging “malalim ang pagkakaugat ng pananampalataya” natin, na magpapatatag sa atin.​—Basahin ang Colosas 2:6, 7.

18. Ano-ano ang makakatulong para maprotektahan tayo mula sa nakalalasong epekto ng sanlibutan ni Satanas?

18 Walang sinumang makapagpapatatag sa pananampalataya mo kundi ikaw lang. Kaya patuloy mong baguhin ang takbo ng iyong isip. Laging manalangin; hingin ang tulong ng espiritu ni Jehova. Magbulay-bulay; palaging suriin ang iyong kaisipan at motibo. Humanap ng mabubuting kasama, na tutulong sa iyo na baguhin ang iyong pag-iisip. Sa gayon, mapoprotektahan ka mula sa nakalalasong epekto ng sanlibutan ni Satanas at maibabagsak mo ang “maling mga pangangatuwiran at bawat bagay na humahadlang sa mga tao na magkaroon ng kaalaman sa Diyos.”​—2 Cor. 10:5.

PAANO MO SASAGUTIN?

  • Anong dalawang bagay ang kailangan nating gawin ayon sa Roma 12:2?

  • Anong tatlong bagay ang kailangan nating gawin para mabago ang takbo ng ating isip?

  • Paano natin masusunod ang payo sa Colosas 2:6, 7?

AWIT 50 Ang Aking Panalangin ng Pag-aalay

a Ang pag-iisip natin ay apektado ng ating kultura, edukasyon, at mga karanasan; puwede itong makabuti sa atin o makasamâ. Baka nahihirapan tayong alisin ang ilang masasamang ugali natin. Tutulungan tayo ng artikulong ito kung ano ang puwede nating gawin para maalis ang mga iyon.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share