Alam Mo Ba?
Ano ang trabaho ng isang katiwala noong panahon ng Bibliya?
NOONG panahon ng Bibliya, pinapangasiwaan ng isang katiwala ang sambahayan o pag-aari ng iba. Ang mga salitang Hebreo at Griego na isinaling “katiwala” ay tumutukoy kung minsan sa isang tagapangasiwa o sa isa na namamahala sa sambahayan.
Noong si Jose, anak ng patriyarkang si Jacob, ay isang alipin sa Ehipto, naging katiwala siya sa sambahayan ng kaniyang panginoon. Sa katunayan, “ipinagkatiwala . . . kay Jose ang lahat ng pag-aari” ng panginoon niyang Ehipsiyo. (Gen. 39:2-6) Nang maglaon, nang si Jose ay naging makapangyarihang tagapamahala sa Ehipto, nag-atas din siya ng katiwala sa sambahayan niya.—Gen. 44:4.
Noong panahon ni Jesus, ang mga may-ari ng lupa ay madalas na naninirahan sa mga lunsod na malayo sa bukid nila. Kaya nag-aatas sila ng mga katiwala para pangasiwaan ang mga nagsasaka sa bukid nila araw-araw.
Sino ang kuwalipikadong maging katiwala? Sinabi ng unang-siglong manunulat sa Roma na si Columella na ang isang aliping naatasan bilang tagapangasiwa, o katiwala, ay kailangang “subók na at makaranasan.” Dapat na “mapagtrabaho niya ang mga manggagawa nang hindi sila tinatrato nang may kalupitan.” Sinabi pa niya: “At higit sa lahat, hindi niya dapat isipin na alam niya ang isang bagay na hindi naman niya talaga alam, at dapat na lagi siyang handang matuto.”
Ginamit ng Salita ng Diyos ang halimbawa ng isang katiwala para ilarawan ang ilang gawain sa kongregasyong Kristiyano. Halimbawa, pinasigla ni apostol Pedro ang mga Kristiyano na gamitin ang mga kakayahang ibinigay sa kanila ng Diyos para “sa paglilingkod sa isa’t isa bilang mabubuting katiwala ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.”—1 Ped. 4:10.
Ginamit din ni Jesus ang halimbawa ng isang katiwala sa ilustrasyong mababasa sa Lucas 16:1-8. Bukod diyan, sa hula tungkol sa tanda ng kaniyang presensiya bilang Hari, tiniyak ni Jesus sa mga tagasunod niya na mag-aatas siya ng “tapat at matalinong alipin,” o “tapat na katiwala.” Ang pangunahing atas ng katiwalang iyon ay maglaan ng regular na suplay ng espirituwal na pagkain sa mga tagasunod ni Kristo sa panahon ng wakas. (Mat. 24:45-47; Luc. 12:42) Nagpapasalamat tayo sa nakakapagpatibay na mga publikasyong inihahanda ng tapat na katiwala na makukuha sa buong mundo.