Ang Salita ng Diyos ay Makapangyarihan
1 Bakit may ganiyan kalaking impluwensiya ang Bibliya sa buhay ng angaw-angaw na mga tao? Ang isang dahilan ay sapagka’t naglalaman ito ng patnubay mula sa Maylalang ng tao. (Awit 19:7-11; 119:105) Inaamin ng mga manunulat ng Bibliya na ang mga Kasulatan ay hindi nagmula sa sarili nilang pagsisikap, kundi sila’y inugitan ng banal na espiritu.—2 Sam. 23:2; 2 Ped. 1:20, 21.
2 Kapag ating pinag-aralan at ikinapit ang mga salitang nasulat sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu, ang mga ito’y nagkakaroon ng kapangyarihan sa ating buhay. Ito’y pinatutunayan ng malaking mga pagbabago na ginawa ng maraming tao sa kanilang buhay upang maging kaayon ng Salita ng Diyos.
KAPANGYARIHAN SA ATING BUHAY
3 May kapangyarihan ba ang Salita ng Diyos sa inyong buhay? Dapat tayong maging “lubhang abala sa salita” at sabik na tulungan ang iba na matuto ng higit tungkol dito. (Gawa 18:5) Sumulat si Pablo: “Nang inyong tanggapin ang salita ng Diyos, . . . ay inyong tinanggap, hindi bilang salita ng tao, kundi, ayon sa katotohanan, bilang salita ng Diyos, na gumagawa naman sa inyo na nagsisisampalataya.” (1 Tes. 2:13) Upang magkaroon ng kapangyarihan ang Salita ng Diyos sa ating buhay kailangang malaman natin ang itinuturo nito at ikapit natin iyon. (Heb. 4:12) Kung gayon tayo ay pakikilusin tulad ni Pablo na gugulin ang ating panahon at lakas sa pagtulong sa iba na higit na matutuhan ang Bibliya.
BAGONG PAKSANG MAPAG-UUSAPAN
4 Ang ating bagong Paksang Mapag-uusapan, “Bakit Pag-aaralan ang Bibliya?” ay tumatawag ng pansin sa kahalagahan ng Bibliya sa buhay ng mga tao. May dalawang dahilang ibinigay kung bakit dapat nating pag-aralan ito: (1) Ito’y Salita ng Diyos, at (2) ito’y naglalaan ng kaalamang umaakay sa buhay na walang hanggan. Pinasisigla namin ang lahat na insayuhin ang bagong Paksang ito at gamitin sa larangan sa Oktubre.
5 Kapag nag-aalok ng Oktubre 8 na Gumising!, maaari nating ipakita na may paliwanag ang Salita ng Diyos kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kasamaan at kung bakit may masasamang bagay na nangyayari sa mabubuting tao. Saka, kaayon ng Juan 17:3, maaari tayong bumaling sa ikatlong artikulo sa serye at ipakita na nilalayon ni Jehova na wakasan ang lahat ng pagdurusa at nangangako ng buhay na walang hanggan sa mga kumukuha ng kaalaman tungkol sa kaniya. Natitiyak namin na ang bagong Paksang ito ay madali ninyong maibabagay sa anomang paksang inyong itatampok sa buwang ito sa pag-aalok ng suskripsiyon sa Gumising!
MAGSIMULA NG MGA PAG-AARAL SA BIBLIYA
6 Hindi lamang ang pamamahagi ng mga babasahin ang mahalaga. Gusto nating tulungan ang mga interesado na pag-aralan ang Bibliya nang palagian. Taglay ito sa isipan, subukang pasimulan ang pag-aaral sa unang pagdalaw, na ginagamit ang magasing inyong iniaalok o kaya ang brochure na “Narito!” Ipadama sa maybahay na nababahala kayo sa kanilang espirituwal na kapakanan at nais mong tulungan silang matuto ng higit tungkol sa Salita ng Diyos.
7 Tangi lamang sa pagkatuto ng katotohanan ng Salita ng Diyos mapakikilos ang mga taong taimtim na sumunod sa patnubay nito, na siyang umaakay sa buhay na walang hanggan. (Kaw. 2:1, 20, 21) Kung gagawin natin ang ating bahagi, ang impluwensiya ng Salita ng Diyos ay lalago sa ating teritoryo samantalang ang mga baguhan ay nagiging masunurin sa pananampalataya.—Gawa 6:7.