Tulungan ang mga Tinuturuan na Ibahagi ang mga “Salitang Magagaling”
1 Ang apostol Pablo ay nagpayo kay Timoteo: “Ingatan mo ang mga ulirang salitang magagaling na narinig mo sa akin sa pananampalataya at pag-ibig na nasa kay Kristo Jesus.”—2 Tim. 1:13.
2 Papaano ito nagawa ni Timoteo? Siya ay pinayuhan ni Pablo: “Datapuwa’t manatili ka sa mga bagay na iyong pinag-aralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan.” (2 Tim. 3:14) Ang kabataang si Timoteo ay pinalaki ni Pablo at ng iba pa sa daan ng katotohanan. Siya ay lumaki upang maging isang mabuting ministro, isa na maaasahan upang tumulong din sa iba na “ingatan ang mga ulirang salitang magagaling.” Sa palagay kaya ninyo ay susulong nang ganito si Timoteo kung hindi siya nakinig, natuto, at isinagawa ang katotohanan? Hindi! Kaya ano ang ating natututuhan dito hinggil sa ating pananagutan na ituro ang mga salitang magagaling sa iba?
3 Kailangan tayong gumawa ng lahat ng pagsisikap upang maipasok ang taginting ng katotohanan sa mga puso ng ating mga tinuturuan sa Bibliya. Kapag ginawa natin ito, kung gayon sila ay magkakaroon ng tamang motibo, ng pagnanais na paluguran si Jehova at tulungan ang iba. Upang maipasok ang taginting ng katotohanan sa puso ng iba, kailangan na tayo mismo ay maging matatag sa katotohanan. Gayon ba tayo? Ang ating paggawi ay isang katunayan ng ating matatag na saligan. (1 Tim. 4:12) Kung ang ating salita ay dalisay at nagbihis na tayo ng bagong pagkatao, ito’y magpapatunay na ang katotohanan ay nasa ating mga puso. (Efe. 4:29, 31, 32) Tayo kung gayon ay makapagrerekomenda ng paraang ito ng pamumuhay sa iba.
AKAYIN ANG INTERES SA ORGANISASYON
4 Mayroon ba kayong programa sa pagtulong sa inyong mga tinuturuan sa Bibliya? Inaakay ba ninyo ang mga interesado tungo sa organisasyon sa regular na paraan? Maraming paraan upang gawin ito. Maaaring sabihin ninyo sa kanila ang mga pulong sa Kingdom Hall at ipaliwanag ang layunin nito. Habang lumilipas ang panahon maaari ninyong idiin na kailangan nating ibahagi ang ating natututuhan sa iba. Pasiglahin ang mga tinuturuan sa Bibliya na kausapin ang kanilang mga kapitbahay, mga kamag-anak at mga kaibigan. Ihanda sila para sa panahong sila ay makikibahagi din sa ministeryo sa bahay-bahay. Ipakita sa kanila na ang pagkaalam ng katotohanan ay siya lamang pasimula. Kailangang marinig din ng iba ang mabuting balita.—Mat. 24:14; Mat. 28:19, 20.
5 Ang ilan sa inyong mga tinuturuan sa Bibliya ay maaaring kuwalipikadong makibahagi sa paglilingkod sa larangan sa buwang ito ng Abril. Kung gayon, ito ay isang napakainam na pagkakataon na anyayahan sila. Walang alinlangan na maraming mga bagong pag-aaral sa Bibliya ang mapasisimulan sa buwang ito, at ang mga ito ay nangangailangan ding pasulong na turuan ng mga “salitang magagaling.”
6 Sabihin pa, kung ano ang nasabi na hinggil sa pagtulong sa mga tinuturuan sa Bibliya ay may gayunding puwersa sa pagtulong sa ating mga anak. Nais nating patibayin sa kanila ang taus sa pusong pagpapahalaga kay Jehova, sa kaniyang Salita at sa kaniyang organisasyon upang kanila ring “ingatan ang mga ulirang salitang magagaling.
7 Yamang isang pantanging buwan ng gawain ang Abril, walang pag-aalinlangan kami na kayo ay magiging abala sa pakikibahagi sa gawaing pangangaral at pagtuturo kasama ng kongregasyon. Ang mga aklat at magasin na ating iniaalok ay nagtataglay ng mga salitang magagaling. lalok natin ang mga ito nang positibo, na nalalamang ang iba pang tapat-puso ay makikinig at sa dakong huli ay sasama sa atin sa gawaing pang-Kaharian.