Pinahahalagahan ba Ninyo ang Kanilang Halaga?
1 Isinisentro ng maraming tao ngayon ang kanilang buhay sa materyal na ariarian—bahay, ginto, pilak, mahahalagang bato, abp. Gayumpaman, ang higit na mahalaga para sa mga Kristiyano kaysa lahat ng ito ay ang espirituwal na kayamanan na nasusumpungan sa Bibliya. Walang dami ng salapi ang makatutumbas sa kaalaman hinggil sa layunin ng Diyos at sa pag-asa na magkaroon ng buhay na walang hanggan! Pinahahalagahan ba ninyo ang halaga ng kaalamang ito?—1 Juan 2:15-17.
2 Pinaglaanan ni Jehova ang kaniyang bayan ng saganang espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng mga publikasyon. Ang kaalaman sa Diyos, ang kahulugan ng mga hula, ang karunungan ng pagkakapit sa mga simulain sa Bibliya sa pang-araw-araw na pamumuhay, at ang kahalagahan ng mga pangyayari sa daigdig ay ilan lamang sa maraming kayamanan na tinataglay ng mga ito. Tunay na ang bawa’t publikasyon ay napatunayang isang imbakan ng espirituwal na katotohanan. Pinahahalagahan ba natin ang kanilang halaga?
PAGPAPASULONG SA ATING KAYAMANAN
3 Kung bago kayo sa katotohanan, bilang karagdagan sa pag-aaral ninyo sa Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo at Nagkakaisa sa Pagsamba ng Tanging Tunay na Diyos, bakit hindi subuking basahin ang ilan sa matatandang publikasyon tulad ng mga aklat na Choosing at Holy Spirit? Ang impormasyon sa mga aklat na ito ay nagpatibay sa pambuong daigdig na pagkakaisa ng bayan ni Jehova at nakaabuloy sa ating espirituwal na paglaki. (1 Cor. 1:10) Kung hindi pa ninyo nagagawa ito, bakit hindi kumuha ng gayong matatandang publikasyon para sa inyong teokratikong aklatan?
IBAHAGI ANG KAYAMANAN SA IBA
4 Sa Enero at Pebrero ating iaalok ang isa sa mga matatandang aklat sa abuloy na ₱7.00 o kung limbag sa newsprint ay ₱2.50 lamang. Ang Ating Ministeryo sa Kaharian sa Disyembre, 1986 ay nagbibigay ng mungkahi kung anong mga aklat ang gagamitin. Ang mga aklat na ito lalo na ang aklat na Katotohanan, ay napatunayang napakahalaga sa pagtulong sa marami na tumugon sa mabuting balita. Ang taimtim na pagsisikap ay kailangang gawin upang higit na marami sa mga ito ang maisakamay ng mga tao.
5 May mga pagkakataon na natatagpuan natin ang mga tao na nag-aalinlangan na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghaharap ng aklat na Salita ng Diyos, marahil ay matutulungan natin na mapagtagumpayan ang kanilang mga pag-aalinlangan. Kung ang isang tao ay nakaranas na mamatayan sa pamilya, siya ay maaaring maaliw ng kaisipang nasa Ganito na Lamang ba ang Buhay? Marahil ay nababahala ang maybahay sa kasalukuyang kalagayan sa daigdig. Kung gayon, maaaring ang aklat na Choosing ay magbibigay ng interes, o ang mas matandang edisyon ng Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan.
6 Anomang aklat ang ating gamitin, tatamasahin natin ang mga pagpapala ni Jehova kung ihaharap natin ang mga ito taglay ang kataimtiman at pagtitiwala. Kaya ganap nating pahalagahan ang halaga ng ating mga matatandang publikasyon, na ipinakikita ito sa pamamagitan ng pamamahagi ng espirituwal na kayamanang taglay nito sa iba sa Enero at Pebrero.