Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang Positibong Saloobin
1 Bilang mga tagapagdala ng mabuting balita ng Kaharian, tayo ay nangangailangan ng positibong saloobin sa ating ministeryo. Bakit? Sapagka’t nais ng sanlibutan na gawing mahirap para sa atin ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Pinatibay-loob tayo ni Pablo na “magkaisa ng pag-iisip sa isa’t isa ayon kay Kristo Jesus.” (Roma 15:5) Siya ay palaging nagtaglay ng positibong saloobin kahit na pinag-uusig. Siya ay nagsalita taglay ang pagtitiwala batay sa Salita ng Diyos. (Mat. 7:28, 29) Ginamit niya ang bawa’t pagkakataon upang ibahagi ang pag-asa ng Kaharian sa iba. Pinatibay niya sa espirituwal yaong mga nakapalibot sa kaniya. Maipamamalas ba natin ang gayon ding positibong saloobin ngayon?
2 Sa pana-panahon tayo ay maaaring magkaroon ng negatibong damdamin hinggil sa ating teritoryo dahilan sa waring hindi ito mabunga. Ang hindi pangangaral ay pagpapakita ng kawalan ng pagkabahala. Bagaman nalalaman ni Jesus na iilan lamang ang makikinig, siya ay “nahabag” pa rin doon sa kaniyang pinangaralan. Tinagubilinan niya ang kaniyang mga alagad na hilingin sa Ama na magpadala ng marami pang “manggagawa sa kaniyang aanihin.” (Mat. 9:36-38) Si Jesus ay laging umaasa sa mabuti, determinadong tumulong sa mga nakapalibot sa kaniya.
3 Sa tahanan na ang kapuwa asawang lalaki at babae ay nagtatrabaho maghapon, kadalasan ay walang naiiwan sa tahanan sa panahon ng ating pagdalaw. Ang positibong saloobin ay magpapakilos sa atin na baguhin ang ating eskedyul ukol sa mabubuting resulta. Naisaalang-alang na ba ninyo ang pag-eeskedyul ng panahon para sa pangangaral sa gabi? Nasumpungan ng marami na sa pagdalaw kaagad pagkatapos ng hapunan, ang mga maybahay ay kadalasang maaliwalas ang kaisipan at ang mabubuting resulta ay natatamo.
PAGIGING POSITIBO KASAMA NG IBA
4 Malaking kagalakan ang natatamo sa paggawang kasama ng iba sa ministeryo. Ito ay totoo kapag ang ating usapan ay nagpapakita ng positibong saloobin. Ang pagpapahayag ng negatibong damdamin ay kadalasang nakasisira ng loob. Halimbawa, sa sinaunang Israel, sampung espiya ang nagbigay ng “masamang ulat” na naging dahilan kung bakit ang puso ng buong bansa ay natunaw sa takot. (Bil. 13:32-14:3) Sa kabaligtaran, si Salomon ay sumulat: “Ang mabubuting balita ay nagpapataba ng mga buto.” (Kaw. 15:30) Ang paglalahad ng mga karanasan na nagtatampok ng mabubuting bagay ay nagpapatibay sa iba upang magpatuloy sa masigasig na paglilingkod.
5 May mga pagkakataon ba na minamaliit natin ang interes ng isang tao, kahit na nagkaroon tayo ng mainam na pag-uusap sa Kasulatan? Ang ilan ay aayaw na bumalik muli dahilan sa pag-iisip na hindi talagang interesado. Huwag kalilimutan na “ang salita ng Diyos ay buhay at mabisa.” (Heb. 4:12) Di mabilang na karanasan ang nagpapatunay na ang taimtim na mga indibiduwal ay maaaring maakit ng ilang payak na pangungusap o isa lamang artikulo sa magasin. Kaya tayo’y maging determinado na subaybayan ang lahat ng interesadong masusumpungan.
6 Lubusang isinakatuparan ni Jesus ang kaniyang ministeryo sa kabila ng kawalang interes at maging ng pag-uusig. Ang kamanghamanghang resulta na kaniyang natamo ay dapat na magpasigla sa atin na magpatuloy tagiay ang positibong saloobin, na nalalamang sa tulong ni Jehova lubusan rin nating maisasakatuparan ang ating ministeryo.—2 Tim. 4:5.