Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang mga Mabisang Pambungad
1 Nasumpungan na ba ninyo na ang pambungad ninyong mga salita sa pintuan ang kadalasang siyang pinakamahirap na bahagi ng paghaharap ng mabuting balita? Gayumpaman anong laki ng ating pagnanais na makapakinig ang mga tao sa nagliligtas-buhay na pabalita ng Bibliya! (Juan 17:3; 1 Tim. 4:16) Upang maisakatuparan ito, kailangang magkaroon tayo ng mga pambungad na aakit ng interes sa ating Paksang Mapag-uusapan.
2 Gaya ng ipinatalastas sa isyu ng Pebrero ng Ating Ministeryo sa Kaharian, nirerepaso ng mga tagapangasiwa ng sirkito ang mga punto mula sa ating bagong aklat na Reasoning From the Scriptures sa mga pagtitipon bago maglingkod sa panahon ng dalaw nila sa kongregasyon. Kung Miyerkules at Huwebes kanilang tinatalakay ang mga pambungad na magiging angkop sa lokal na teritoryo. Sa mga pahina 9-15 ng aklat na Reasoning ay mayroong mga 40 iba’t ibang pambungad na maaaring gamitin sa paghaharap ng mga paksang mapag-uusapan. Ginagamit ba ninyo ang mahalagang impormasyong ito?
3 Makikita ninyong madaling gamitin ang ikatlong pambungad sa pahina 10 sa ilalim ng “BIBLE/GOD.” Maaari lamang ninyong sabihin: “Ako ay nagagalak na masumpungan kayo sa tahanan. Ibinabahagi ko sa aking kapuwa ang isang nakapagpapasiglang bagay mula sa Bibliya. Naisip na ba ninyo kung anong pag-asa mayroon kayo sa hinaharap?” Pagkatapos marinig ang sagot ng maybahay, angkop lamang na magpatuloy sa pagtalakay sa Apocalipsis 1:1 at Apocalipsis 21:3, 4. Kung makita ninyong mas mabuting huwag munang banggitin ang Bibliya sa pasimula ng inyong presentasyon, nanaisin ninyong gamitin ang unang mungkahi sa ilalim ng “FUTURE/SECURITY” sa pahina 11, na iniaangkop ito sa dalawang mga kasulatan mula sa Apocalipsis. Ang pagrerepaso sa iba pang mungkahing pambungad ay magbibigay sa inyo ng karagdagang ideya na magiging mabisa sa inyong teritoryo.
4 Ang iba pang pambungad na maaaring ninyong masumpungang mabisa ay ang yaong unang binanggit sa ilalim ng “WAR/PEACE” sa pahina 14 ng aklat na Reasoning. Maaari ninyong sabihin: “Halos lahat sa panahong ito ay nababahala sa banta ng nukleyar na digmaan. Sa palagay kaya ninyo’y makakasumpong pa tayo ng tunay na kapayapaan sa lupa?” Pagkatapos ay makapagpapatuloy kayo sa pagpapakita kung papaanong ang kasalukuyang mga digmaan ay inihula sa Apocalipsis 6:4 at na ipinangako ng Diyos na aalisin ang lahat ng sanhi ng digmaan sa Apocalipsis 21:3, 4.
5 Sa pamamagitan ng mabuting paggamit ng bahaging ito sa ating aklat na Reasoning, hindi naman mahirap makita ang mahahalagang mga pambungad na pangungusap na yaon. Ito ay aakay sa higit pang pag-uusap na doo’y maitatampok natin ang tema ng Kaharian. Ipakita nawa nating lahat ang tunay na pagkabahala sa kinabukasan ng iba sa pamamagitan ng paggamit ng nakatatawag-pansing mga pambungad.