Sasama Na ba Kayo sa Ranggo ng mga Payunir?
1 Sa ganito ring panahon nang nakaraang taon, libu-libo sa ating mga kapatid na lalake at babae ang may pananalanging isinaalang-alang ang paglilingkod bilang regular payunir. Nakatulong sa marami ang maingat na pagpaplano upang makapagsimula sa pagpapayunir na nagbunga ng halos 2,000 pagsulong sa unang walong buwan ng 1986 taon ng paglilingkod. Nag-iisip ba kayong pumasok sa ranggo ng mga payunir sa 1987 taon ng paglilingkod?
PAG-ALAM SA INYONG MGA KALAGAYAN
2 Upang maisakatuparan, ang inyong pagnanais na magpayunir ay dapat na nalalakipan ng maingat na pagpaplano at lubusang pagtitiwala kay Jehova. (Roma 12:1; Luk. 14:28) Sa pamamagitan ng pag-alam sa inyong mga kalagayan, makikita ninyo ang mga pagbabago na kailangang gawin upang makapagpayunir. Maaari bang gumawa ng pagbabago sa inyong trabaho upang makapagpayunir? Maaari ba ninyong gawing simple ang inyong pamumuhay upang magkaroon ng karagdagang panahon at lakas para sa gawain ni Jehova? (Luk. 11:34) Sa pamamagitan ng paggawa bilang isang koponan, naitaguyod ng ilang pamilya ang isa o higit pang miyembro ng pamilya sa pagpapayunir.
PAGPAPASULONG SA INYONG PANANAMPALATAYA AT SIGASIG
3 Ang pagpasok at pananatili sa pagpapayunir ay nangangailangan ng matibay na pananampalataya. Kung nais ninyong lumaki ang inyong pananampalataya, planuhing gumugol ng karagdagang panahon sa gawaing pangangaral at maranasan ang tulong ni Jehova. (2 Tes. 1:3) Para sa karamihan, ang pag-aauxiliary payunir ay naging tuntungang bato tungo sa pagiging regular payunir. Marahil ito ay magkakatotoo rin sa inyo.
4 Habang lumalaki ang inyong pananampalataya, magiging gayon din ang inyong sigasig. Isaayos na gumawa kasama niyaong mga nasa gawaing payunir. Walang alinlangan na ang kanilang halimbawa ng sigasig at ang kagalakang kanilang ipinamamalas ay magpapatibay sa inyo na magpatuloy sa inyong plano na magpayunir. Makatutulong din sila sa inyo na magkaroon ng isang praktikal na eskedyul para sa paglilingkurang payunir.
MGA KABATAAN—MAY KATALINUHANG MAGPLANO PARA SA KINABUKASAN!
5 Kayong mga kabataan na nakatapos na sa high school ay walang pagsalang maingat na nagsasaalang-alang ng tungkol sa inyong kinabukasan. Samantalang ginagawa ninyo ito, tiyaking ‘alalahanin ang inyong Maylikha’ at makinig sa kaniyang napapanahong payo. (Ecles. 12:1) Ang pagpasok sa pagpapayunir sa bagong taon ng paglilingkod ay maaaring magsanggalang sa inyo sa mga gawain na makasisira sa inyong tunguhin sa buhay.—Kaw. 10:22.
6 Posible man sa atin na magpayunir ngayon o hindi, mailalapit natin ang bagay na ito kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin, na nagpapakita na mayroon tayong espiritu ng pagpapayunir. Pagkatapos, kapag ating nilakipan ang ating pagnanais ng maingat na pagpaplano at taimtim na panalangin ukol sa pagpapala ni Jehova, maaari nating mabago ang ating mga kalagayan at maging isang payunir. (Kaw. 16:3; Mal. 3:10) Nawa’y isakatuparan nating lahat ang bagay na ito.