Pangmadlang Paghahayag ng Ating Pag-asa
1 Si Jesus ang ating huwaran sa paghahayag ng ating pag-asa sa Kaharian. Sinabi niya: “Ako’y hayag na nagsalita sa sanlibutan. Ako’y laging nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo, na siyang pinagkakatipunan ng lahat ng mga Hudiyo; at wala akong sinalita sa lihim.” (Juan 18:20) Paano natin siya matutularan?
2 Kagaya ni Jesus, nais nating samantalahin ang lahat ng pagkakataon na magsalita sa mga tao tungkol sa ating pag-asa sa hinaharap. Hinimok tayo ni Pablo: “Na ating ingatang matibay ang paghahayag ng ating pag-asa upang huwag mag-alinlangan.” (Heb. 10:23) Ginagawa natin ito sapagka’t nais nating magtamo ng kaligtasan ang mga tao.—Roma 10:13, 14.
EPEKTO NG AKLAT NA MABUHAY MAGPAKAILANMAN
3 Ang aklat na Mabuhay Magpakailanman ay isa sa pinakamainam na aklat na kailanma’y tinaglay natin upang matulungan ang mga tao na maunawaan ang Bibliya. Ito ay naglalaan ng tulong upang mabisang maipahayag ang ating pag-asa, at tayo’y dapat na mapasiglang gamitin ito sa Hulyo. Mayroon na ngayong nailathalang 30 milyong kopya sa 71 mga wika. Gaano kayang karami ang mailalagay natin sa Hulyo? Makatutulong sa atin na gumawa ng listahan ng taglay nating mga pagkakataon upang mailagay ang mainam na publikasyong ito.
4 Walang pagsalang ang gawaing pagbabahay-bahay ang siyang pangunahing paraan ng pag-aalok natin ng aklat na Mabuhay Magpakailanman. Ang tagumpay natin sa paglalagay nito ay sa pamamagitan ng ating mabisang paggamit ng kasalukuyang Paksang Mapag-uusapan na “Sino ang Diyos?”, na iniuugnay ito sa mga punto sa Kabanata 4 ng aklat. Ang ilan ay maaaring magkaroon ng pampamilyang pagsasanay upang mapasulong ang pag-aalok ng aklat.
5 Anong iba pang mga pagkakataon ang maaari nating gamitin sa paglalagay ng aklat? Ang isang nagmamaneho ng trak ay nag-aalok ng aklat sa mga taong kaniyang nasusumpungan sa kaniyang paglalakbay. Ang kaniyang presentasyon ay simple. Ipinakikita niya sa mga tao ang aklat at ipinaliliwanag kung gaano kalaki ang kaniyang natutuhan mula doon at kung paano nabago nito ang kaniyang buhay. Sa loob ng tatlong buwan lamang, siya ay nakapaglagay ng 200 aklat na Mabuhay Magpakailanman sa ganitong paraan. Ang isang kapatid na nagtatrabaho sa paliparan ay nakapaglagay ng 120 aklat sa pamamagitan lamang ng paglalagay sa kaniyang mesa ng isang nakabukas na kopya sa mga ilustrasyon sa pahina 12 at 13. Ang mga nakakita niyaon ay humiling ng kopya ng aklat.
MGA PAG-AARAL SA BIBLIYA SA AKLAT NA MABUHAY MAGPAKAILANMAN
6 Ang isang mamamahayag na nakapagsimula ng tatlong pag-aaral sa Bibliya sa aklat na Mabuhay Magpakailanman ay sumulat sa Samahan: “Para sa akin ay hindi sapat na sabihing ‘Salamat’ sa pagpapangyaring maging madali ang gumawa ng mga pag-aaral sa Bibliya at pagkubre sa lahat ng mahahalagang bahagi na kailangan ng estudiyante sa pagkakaroon ng isang namamalagi at taus-pusong pagpapahalaga para kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.” Mula nang lumitaw ang aklat na Mabuhay Magpakailanman noong 1982, sumulong ang ating mga pag-aaral sa Bibliya mula sa 26,056 tungo sa 64,641, na 148% pagsulong!
7 Kaya laging gamitin ang aklat na Mabuhay Magpakailanman upang tulungan ang iba na makibahagi kasama natin sa pangmadlang pagpuri sa ating Diyos. Pagpapalain ni Jehova ang ating mga pagsisikap.