Pagbibigay Pansin sa mga Kasama Nating May Edad Na
1 Ang isang Kristiyanong pananagutan na maaaring pakibahaginan nating lahat ay ang pagpapakita ng konsiderasyon sa ating mga kapatid na lalaki at babae na may edad na. Sa paglipas ng mga taon, ang mga ito’y napapaharap sa pisikal na mga problema at hindi sila makagagawa ng tulad ng dati nilang ginagawa sa paglilingkod kay Jehova.—Ecles. 12:1-6.
2 Ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang may pangunahing pananagutan sa pangangalaga sa mga may edad na ay ang kanilang mga kasambahay. (1 Tim. 5:8) Nguni’t tayo, bilang mga indibiduwal at bilang isang kongregasyon, ay nararapat ding “magpakita ng konsiderasyon sa isang matanda.”—Lev. 19:32.
KUNG ANO ANG MAGAGAWA NATIN
3 Yamang kinikilala natin ang pagsisikap na kailangang gawin ng mga may edad upang makadalo, binabati ba natin sila at kinakausap? Dinadalaw ba natin sila sa kanilang mga tahanan? O kinakausap ba natin sa telepono kung mayroon? Kailangan ba silang sunduin at ihatid o may mamimili para sa kanila? Kapuripuri na may ilan sa mga kongregasyon na gumagawa ng mga bagay na ito, nguni’t mayroon pa bang iba sa atin na nasa katayuang magpakita ng ganitong maibiging pagmamalasakit? (Ihambing ang Lukas 10:36, 37.) Ang pagpapakita ng konsiderasyon sa mga may edad ay isang pribilehiyong maaaring pakibahaginan ng lahat.
4 Ang mga matanda ay maaaring magpatalastas sa kongregasyon kapag may bumangong pantanging pangangailangan. Nguni’t bilang mga indibiduwal maaari nating tulungan ang mga may edad sa mga bagay na hindi nila kayang gawin. Kailangan bang may babasa sa kanila o sasama sa kanila sa paglilingkod? Dinadalaw ba natin ang mga hindi makalabas ng bahay o yaong nasa ospital?—Kaw. 3:27.
5 Gaya ng inihula sa Bibliya, maraming tao sa ngayon ang walang ‘katutubong pag-ibig.’ (2 Tim. 3:2, 3) Nguni’t bilang mga Kristiyano, iniiwasan natin ang espiritung ito ng sanlibutan. Ayaw nating maging totoong abala upang tamasahin ang pakikisalamuha sa mga may edad na mabubuting halimbawa ng katapatan kay Jehova.
SALOOBIN NG MGA MAY EDAD NA
6 Kailanma’y hindi dapat madama ng mga may edad na sila’y nagiging pasanin sa kongregasyon o na sila’y hindi na pinahahalagahan. Sa kabilang dako, nakatutuwang makita ang isang mapagpasalamat na espiritu sa bahagi ng mga may edad na. Kapuripuri sila kapag hindi nagiging mapintasin o mapaghanap. Ang isang positibong pangmalas ay tumutulong sa kanila upang iwasan ang isang mapagreklamong espiritu, sa pagkaalam na tutulungan sila ni Jehova upang pagtiisan ang mga pagsubok na dumarating kapag ang isa’y matanda na. Bilang isang kongregasyon at bilang mga indibiduwal, nais nating patuloy na magpakita ng maibiging pagmamalasakit sa tapat na mga kasama nating may edad na.—Ihambing ang Hebreo 10:32-34.