Tulungan ang Iba na Mag-alay at Magpabautismo
1 Kay laking kagalakan ang masdan ang pagdami ng mga tao na nag-aaral ng Bibliya at nakikisama sa organisasyon ni Jehova! At may higit na kagalakan kapag ating tinulungan ang mga ito na malinang at mapanatili ang isang matalik na espirituwal na ugnayan sa Diyos na Jehova mismo.—Gawa 20:35.
2 Mabuti na marami sa mga baguhan ay sumulong hanggang sa naging sinang-ayunang mga kasama, at karamihan sa kanila’y regular na nakikibahagi sa gawaing pangangaral. Ngayon ay kailangang sumulong sila tungo sa pag-aalay at bautismo. Papaano natin sila matutulungan upang maabot ang tunguhing iyon?—Mat. 28:19.
KUNG PAANO TAYO MAKATUTULONG
3 Kailangang tulungan natin ang mga estudyante ng Bibliya na maglinang ng pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova upang sila’y mapakilos ng pananampalataya na ialay ang sarili sa kaniya. (1 Cron. 28:9a) Kaya, sa panahon ng pag-aaral sa Bibliya, turuan silang unawain ang mga katangian ni Jehova habang tinatalakay ninyo ang kaniyang mga gawa at pamantayan.
4 Itampok ninyo ang maibiging layunin ni Jehova para sa tao at sa lupa, at gayundin ang pagpapakabanal sa Kaniyang banal na pangalan. Tulungan ang estudyante na makitang maliwanag kung paano siya nasasangkot at kung paano siya makapagbibigay ng kasagutan sa isa na tumutuya kay Jehova. (Kaw. 27:11) Samantalahin ang bawa’t pagkakataon upang tulungan ang estudyante na sumulong sa espirituwal anupa’t kaniyang “tatanggihan ang kaniyang sarili at papasanin ang kaniyang pahirapang tulos,” na nagpapabautismo bilang alagad ni Jesu-Kristo.—Mat. 16:24.
5 Tulungan ang inyong mga estudyante na maunawaan na ang mga batas at simulain ni Jehova ay sa ating ikabubuti. Kailangan nilang matanto na kung sila’y maghihintay hanggang sa huling sandali bago manindigan sa tunay na pagsamba, maaaring maiwala nila ang gantimpala ng buhay. (Luk. 21:34, 35) Banggitin sa kanila ang inyong pagpapahalaga sa kaniyang organisasyon, sa kongregasyon, sa mga pulong, sa pagkakapatiran. (Awit 100:2) Gamitin ang Salita ng Diyos upang pakilusin silang makisama sa bayan ng Diyos sa mga pulong at sa mga asamblea.
HUWAG IPAGPALIBAN
6 Hindi ipinagpaliban ng bating na Etiope ang bautismo. Kaniyang siniyasat muna ang kaniyang sariling isip at puso at nagtanong kay Felipe kung may anumang humahadlang upang siya’y mabautismuhan. Palibhasa’y walang dahilan upang ito’y ipagpaliban, siya’y nagpabautismo kaagad. (Gawa 8:26-38) Yaon ang espiritung nais nating linangin sa mga estudyante ng Bibliya sa ngayon.—Ihambing ang Juan 14:23; 2 Corinto 5:14, 15.
7 Yaon lamang mga ‘tinandaan’ ukol sa kaligtasan ang makaliligtas tungo sa bagong sistema ni Jehova. (Ezek. 9:2-6) Yaong mga tumatanggap ng ‘pagtatandang’ ito ay magiging maligaya dahil sa kanilang naaalay na pakikipag-ugnayan kay Jehova, na sinagisagan ng bautismo sa tubig!