Pagsasagawa ng Kinakailangang mga Bagay Upang Paluguran ang Diyos
1 Ang pagbibigay ng kaluguran sa Diyos ay may pinakapangunahing kahalagahan sa atin, yamang “Si Jehova ay nakakasumpong ng kaluguran sa mga natatakot sa kaniya.” (Awit 147:11) Upang maisagawa ito, may kinakailangang mga bagay na dapat gawin. Lakip dito ang ‘pag-iwas sa dugo,’ ayon sa banal na utos sa Gawa 15:28, 29. Kung natatandaan ninyo, ito ay tinalakay kamakailan sa ating pandistritong kombensiyon.
2 Ang pagpasok sa ospital ay maaaring maglagay ng matinding pagsubok sa ating pananampalataya at katapatan. Dapat na maghandang patiuna upang mabawasan ang suliranin. Halimbawa, mahalaga na lagi ninyong dala ang isang hustong medical card na may wastong impormasyon at pirmado. Ang isa pang hakbangin ay ang tiyaking nalalamang patiuna ng inyong doktor, hangga’t maaari, ang tungkol sa inyong hindi nababagong paninindigan sa dugo.
MAKIPAG-USAP SA INYONG DOKTOR
3 Ang ulat ay nagpapakita na ang ilan ay hindi nakikipag-usap sa kanilang doktor nang patiuna bago pa maganap ang isang di inaasahang pangyayari. Bagaman kanilang nasabi na sa kanilang doktor na sila’y mga Saksi ni Jehova, hindi nila naipaliwanag na mabuti ang kanilang paninindigan tungkol sa paggamit ng dugo, at hindi tuloy nila nalaman kung kaniyang igagalang ang kanilang kagustuhan. Kung hindi ninyo nagagawa ito sa inyong doktor, inirerekomenda naming gawin ninyo kaagad ito sa panahong maluwag kayo.
4 Sa kombensiyong “Magtiwala kay Jehova,” may mga ibinigay na praktikal na mungkahi hinggil sa mga bagay na dapat ninyong sabihin sa inyong doktor, at kung papaanong ito’y dapat na isagawa. Idiniin ang pangangailangan na magpakita ng galang sa posisyon ng doktor, hindi lilikha ng pagkagalit o magpapakita na parang mas marunong pa kaysa kaniya. Kung ihahambing sa ating doktor, tayo ay maaaring eksperto sa Salita ng Diyos, subali’t dapat nating bigyan siya ng nararapat na dangal bilang eksperto sa mga bagay may kinalaman sa panggagamot. (1 Ped. 2:17) Pakisuyong huwag talakayin ang tungkol sa nutrisyon at iba pang klase ng panggagamot sa doktor kapag nakikipag-usap tungkol sa inyong paninindigan sa dugo. Ang inyong indibiduwal na pangmalas sa gayong mga bagay ay maaaring maging sanhi upang hindi nila makita ang bagay na ang inyong paninindigan tungkol sa dugo ay dahilan lamang sa maka-Kasulatang saligan.
ANO ANG SASABIHIN
5 Sa inyong muling pagdalaw sa inyong doktor, sabihin sa kaniya na kayo ay may maikli subali’t importanteng bagay na sasabihin sa kaniya bago ninyo ipaliwanag na ang layunin ng inyong pagdalaw ay tungkol sa inyong pagpapagamot. Pagkatapos ay saklawin ang sumusunod na walong punto na binalangkas sa kombensiyong “Magtiwala kay Jehova”: (1) Pinahahalagahan ninyo ang kaniyang pagiging dalubhasa at ang inyong mabuting kaugnayan sa kaniya bilang inyong manggagamot. (2) Mayroon kayong pangunahing paninindigan na karapatdapat niyang mabatid. (3) Salig sa makarelihiyosong kadahilanan kayo ay hindi makatatanggap ng pagsasalin ng dugo, kahit na sa gipit na kalagayan. (4) Nalalaman ninyo na ito’y maaaring magdulot ng kahirapan, subali’t hindi ninyo mababago ang paninindigang ito. Inaasahan ninyo na makapagbibigay siya ng pinakamabuting lunas taglay ang limitasyong ito, kagaya ng ginagawa ng marami pang manggagamot. (5) Ito ay totoo rin sa iba pang mga doktor na maaari niyang hilinging mangalaga sa inyo. (6) Pananagutan ninyo ang anumang karagdagang panganib at pipirma sa release forms, at hinihiling ninyo na ang inyong paninindigang ito ay isulat sa rekord ng ospital. (7) Bigyan ninyo siya ng kopya ng artikulo na muling inimprenta mula sa isang medical journal sa Awake! Hunyo 22, 1982, mga pahina 25-7. (Ito ay ipadadala sa bawa’t kongregasyon kagaya ng naipaliwanag sa aming sulat na may petsang Enero 1, 1988.) (8) Pinahahalagahan ninyo ang pagkakataong maipaliwanag ang paninindigang ito, na napakahalaga para sa inyo ngayon at sa hinaharap. Ang walong puntong ito ay dapat na iharap sa maikli, sa isang hindi nakikipagtalo, taimtim at mapagpahalagang paraan.
6 Ang karanasan ay nagpapakita na ang ganitong patiunang pagsisikap na maipabatid na maliwanag sa mga doktor ang inyong paninindigan ay nakatutulong nang malaki kapag sumapit ang di inaasahang pangyayari. Ang ating pagsunod sa mga utos ni Jehova ay makalulugod sa Kaniya at magdudulot ng Kaniyang patuloy na pagpapala.