Turuan ang mga Estudiyante na Gumamit ng Bibliya
1 “Nang inyong tanggapin sa amin ang salita na ipinangaral, samakatuwid baga’y ang salita ng Diyos, ay inyong tinanggap na hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi ayon sa katotohanan, na salita ng Diyos.” (1 Tes. 2:13) Bilang tunay na mga Kristiyano, tayo ay nagnanais na hayaang magsalita ang Bibliya. Kaya, kapag nangangasiwa ng pag-aaral sa Bibliya, tulungan ang inyong estudiyante na pahalagahang siya’y natututo ng kaisipan ni Jehova, hindi ng kaisipan ng tao. Sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga estudiyante na lubusang gumamit ng Bibliya, mapatitibay ninyo sa kanila ang pagtitiwala sa Kasulatan, isang matibay na saligan ng pananampalataya, at ang kakayahan na maipagtanggol ang kanilang paniniwala mula sa Bibliya.—2 Tim. 3:16; 1 Ped. 3:15.
GAMITIN ANG BIBLIYA
2 Mula pa sa pasimula, ipakita sa estudiyante ang pahina ng Bibliya na nagtatala sa lahat ng mga aklat ng Bibliya at ipakita sa kaniya kung papaano hahanapin ang bawa’t isa. Maraming mga kasulatan ang sinisipi sa mga publikasyon ng Samahan, at ang iba ay binabanggit subali’t hindi sinisipi. Sa pasimula, makabubuting tingnan at basahing lahat ang mga ito mula sa Bibliya, anupa’t naidiriin na ito ay isang pag-aaral sa Bibliya. Ito ay makakagugol ng ilang panahon, subali’t ito’y makatutulong sa estudiyante na maging pamilyar sa kaniyang Bibliya. Ito ay magpapalaki rin sa kaniyang pagtitiwala na ang mga sinasabi sa mga publikasyon ay salig sa Bibliya.
3 Kapag ang mga estudiyante ay nagtatanong, tulungan siya upang makita ang kasagutan sa Bibliya sa pamamagitan ng paghanap sa mga angkop na kasulatan. Sa ganitong paraan ay malalaman niyang tumatanggap siya ng kasagutan ng Diyos sa kaniyang mga katanungan. (Juan 17:17) Tulungan ang estudiyante na mangatuwiran sa mga kasulatan at mapahalagahang lubusan ang kasagutan ng Bibliya. Sa katapusan ng pag-aaral, nanaisin ninyong repasuhin ang dalawa o tatlong susing teksto sa pamamagitan ng paghanap dito ng estudiyante at pagpapaliwanag ng mga ito sa kaniyang sariling salita. Ito ay makatutulong sa kaniya na maipagtanggol ang kaniyang pananampalataya mula sa Bibliya.—Gawa 17:1-3.
4 Pasiglahin ang estudiyante na hanapin at mangatuwiran sa mga binabanggit na kasulatan samantalang siya’y naghahanda ng leksiyon sa kaniyang personal na pag-aaral, sa Pag-aaral ng Bantayan, at sa iba pang mga pulong. Anupa’t siya’y magiging handang gamiting mabuti ang kaniyang Bibliya sa mga pulong at sa pagbibigay ng mga komentong salig sa Kasulatan sa materyal na pinag-aaralan. Gayundin, ipakita sa kaniya kung papaano maghahanap ng mga kasulatan sa maraming iba’t ibang paksa sa pamamagitan ng indise ng New World Translation. Kapag ang mga kasulatan ay personal na binabasa at sinusuri, ang mga itinuturong katotohanan ay malalim na maikikintal.
5 Ang pagtuturo sa mga estudiyante kung papaano gagamit ng Bibliya ay may nagtatagal na mga kapakinabangan. Mababatid ng estudiyante na ang turong kaniyang tinatanggap ay nagmumula sa Diyos. Oo, “ang salita ng Diyos ay buháy” at makapangyarihan. (Heb. 4:12) Nanaisin nating tulungan ang iba pa na maging bihasa sa “paggamit na matuwid ng salita ng katotohanan.”—2 Tim. 2:15.