Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang Kagalakan
1 Nakasumpong si Jesu-Kristo ng kagalakan sa kaniyang ministeryo. (Juan 4:34) Gayundin, si Pablo ay nagtamo ng kagalakan sa kaniyang gawain. Ano ang lihim ng pagkakaroon nila ng kagalakan sa ministeryo sa kabila ng maraming kahirapan at mga pag-uusig? Ang kanilang paglilingkod kay Jehova ay buong-kaluluwa. Lubusan nilang isinagawa ang kanilang bigay-Diyos na atas, at ang resulta ay kagalakan dahilan sa kanilang pagpapagal. (Juan 13:17; Apoc. 14:13) Papaano ninyo mapasusulong ang inyong kagalakan sa ministeryo samantalang kayo ay naglilingkod kay Jehova?
ISIPIN ANG HINGGIL SA PAGTULONG SA TAO
2 Sina Jesu-Kristo at Pablo ay mga mahuhusay na guro. Inaasinta nila upang abutin ang mga puso ng mga nakikinig. Marami ang hindi tumugon, subali’t yaong mga tumugon ay naging sanhi ng kagalakan. (Fil. 4:1; ihambing ang Lukas 15:7.) Oo, ang pagtulong sa mga tao na matuto hinggil kay Jehova at makita silang naninindigan sa katotohanan ay magpapagalak sa atin.
3 Maaari din ninyong maranasan ang kagalakang ito sa pamamagitan ng may kadalubhasaang pamamahagi sa iba ng inyong nalalaman. Ang organisasyon ni Jehova ay naglaan ng napakainam na mga kasangkapan upang tulungan tayo sa ating pagtuturo sa iba. Kapag kayo ay naghahanda para sa ministeryo, isipin kung papaanong magagamit ninyo ang mga mungkahi sa Ating Ministeryo sa Kaharian at sa aklat na Nangangatuwiran upang tulungan yaong mga nakatira sa inyong lugar. Pagsikapang tulungan ang mga tao na dumaan sa landas patungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagiging handa na pasimulan ang mabuting pakikipag-usap sa kanila. Ang gayon ay maaaring umakay tungo sa mabungang mga pag-aaral sa Bibliya at lalong malaking kagalakan sa ating paglilingkuran.—Sant. 1:25.
ISANG POSITIBONG SALOOBIN
4 Naglilingkuran man kayo bilang isang mamamahayag o payunir, ingatan sa kaisipan ang layunin ng ministeryo. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Ang pangangaral ng mabuting balita ukol sa pagpapatotoo ay isang atas mula sa Diyos. Ito ay isang pribilehiyo, at dapat nating pahalagahan na ang hinihiling ni Jehova sa kaniyang mga lingkod ay hindi isang pabigat. (1 Juan 5:3) Nais niyang tamasahin ng kaniyang bayan ang kasiyahan sa paglilingkod sa kaniya. Kaya, kahit na ang ilan ay hindi tumugon sa pangangaral, tataglayin pa rin ninyo ang malaking kagalakan sa ministeryo. Bakit gayon?
5 Ang bagay na ang ginagawa ninyo ay kalooban ng Diyos ay dapat na magbigay sa inyo ng malaking kagalakan dahilan sa “hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.” (1 Cor. 15:58) Si Jehova ay “hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita sa kaniyang pangalan.” (Heb. 6:10) Ang paglilingkod kay Jehova nang buong-kaluluwa ay bukal ng kagalakan.—Awit 40:8.
6 Dapat na masiyahan ang isang Kristiyano sa kaniyang paglilingkod sa Diyos. Patuloy na tamasahin ang kagalakan sa ministeryo, na may katiyakang pinahahalagahan ni Jehova kahit na ang kaliitliitang gawa ng tunay na debosyon. (Ihambing ang Marcos 12:41-44.) Magpatuloy nawa tayong lahat sa ‘pagluwalhati sa ating ministeryo’ at makaranas ng kagalakang dulot nito.—Roma 11:13.