Tulungan ang mga Baguhang Magkomento sa mga Pulong
1 Gaano nga kapanapanabik na marinig ang isang estudiyante sa Bibliya na gumawa ng kaniyang unang komento sa Kingdom Hall! Tunay na ipinapakita nito na ang isang baguhan ay talagang nanghahawakan sa katotohanan. Dapat mabatid ng mga baguhan na ang pangmadlang pagpapahayag ay mahalaga. Ito ay katunayan ng pananampalataya na umaakay tungo sa kaligtasan.—Roma 10:10.
2 Sinabi ni Jesus: “Ang bawa’t isa na sakdal na naturuan ay nagiging katulad ng kaniyang guro.” (Luc. 6:40) Ito’y nangangahulugan na matuturuan natin ang mga baguhan na magkomento sa pulong sa pamamagitan ng pagsasagawa nito mismo. Ituro sa kanila na ang pag-aaral ay dapat gawin taglay ang layunin na gamitin ang kaalaman sa mga pulong at sa larangan at gayundin sa pag-ugit sa personal na pamumuhay ng isa.
3 Ang ilang baguhan ay maaaring nag-aatubili, na nakadaramang wala silang kakayahan sa pagkokomento kagaya ng ginagawa ng iba. Gayunman, maaari nating tulungan silang mapahalagahan na ang pagiging payak ay mahalaga sa pagbibigay ng mabubuting komento. Kung ang ating sariling komento ay maikli at tuwiran, hindi madarama ng mga baguhan na sila’y kailangang magbigay ng mahahabang sagot. Matutulungan silang pag-aralan kung ano ang tanong, hanapin sa parapo ang sagot, at pagkatapos ay sabihin iyon sa sariling pangungusap. Tulungan silang makita kung papaano gagamitin ang mga kasulatan sa parapo upang alalayan ang kanilang komento. Turuan silang magsalungguhit ng mga susing salita at marahil ay gumawa ng maiikling nota sa gilid. Ang pagiging lubusang handa ay mag-aalis ng malaking pangamba sa pagkokomento.
4 Ano pa ang magagawa natin upang mapasiglang magkomento ang mga baguhan? Sabihin pa, ang pag-upo sa tabi nila ay nagbibigay kapanatagan at kaaliwan. Maaari ninyong imungkahi na sila’y umupo sa unahan na doo’y hindi sila gaanong magagambala. Ituro ang mga katanungan na madaling masasagot sa ilan lamang salita.
5 Kapag nakilala ng konduktor sa Pag-aaral sa Aklat ng Kongregasyon ang isang baguhan sa kaniyang grupo, maaaring hilingan siyang bumasa ng isang teksto. Pagkatapos, ang pagpapahayag ng taos na pagpapahalaga sa kaniyang pagsisikap ay makapagpapasigla sa baguhan na magpatuloy sa pagkokomento sa pag-aaral ng aklat at sa dakong huli ay magpasimula na rin sa pakikibahagi nang palagian sa iba pang mga pulong.
6 Isang pribilehiyo na makibahagi sa pagkokomento sa mga pulong. (Heb. 10:24, 25) Nais nating tulungan ang mga baguhan na mapahalagahan ito. Maging sa paglilingkod sa larangan o sa ating mga pulong ng kongregasyon, tayo ay may pagkakataong gawin ang gaya ng ipinagugunita sa atin ng Hebreo 13:15: “Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Diyos, samakatuwid baga ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan.”