Gumagamit Ba Kayo ng Angkop na Pambungad?
1 Kapag ang maybahay ay nagbukas ng pinto, tayo ay napapaharap sa hamon na ipakilala ang mensahe ng Kaharian sa isang angkop na paraan. Sa susunod na sampung segundo, ang maybahay ay kadalasang nakapagpapasiya kung baga makikinig siya o hindi sa Saksi. Ating nababatid na ang impormasyong taglay natin ay mahalaga, at tayo’y talagang nagnanais na makatulong sa mga nakakausap natin. (Roma 10:14) Subali’t magagawa lamang natin ito kung ang ating pambungad ay makatatawag ng pansin ng tao.—Col. 4:6; ihambing ang Kawikaan 25:11.
2 Upang maisaalang-alang ang pagiging angkop ng ating pambungad, dapat nating tanungin ang ating sarili kung tayo ba’y nahirati na sa paggamit ng iyo’t iyon ding pambungad dahilan sa iyo’y madaling matandaan o bihasa na tayo sa paggamit niyaon. Mayroon bang mga pananalita sa ating pambungad na maaaring maging dahilan upang ito’y tanggihan sa ilang teritoryo? Ito ba’y espesipiko upang makapukaw ng interes sa pasimula pa lamang, o iyon ba’y nagbibigay-daan sa maybahay upang putulin ang pag-uusap bago pa tayo makapasok sa ating paksa? Papaano natin mapupukaw ang interes ng maybahay sa pasimula pa lamang ng pag-uusap? Hindi basta na lamang nangyayari ang mabibisang pambungad. Ang mga ito ay nangangailangan ng maingat na paghahanda at regular na pagsasanay.
PAGPILI NG WASTONG PAMBUNGAD
3 Pasimula sa pahina 9 ng aklat na Nangangatuwiran, may isang napakainam na seksiyon sa “Mga Pambungad na Magagamit sa Ministeryo sa Larangan.” Ang pagrerepaso sa panimulang mga pananalita sa seksiyong ito ay makatutulong. Ipinagugunita sa atin na ang iba’t ibang paraan ng paglapit ay kailangan sa iba’t ibang klase ng teritoryo, mga tao, at mga kalagayan.
4 Habang inihaharap ninyo ang mensahe ng Kaharian, maaari ba ninyong ipakita kung papaano ito personal na pakikinabangan ng maybahay? Bilang halimbawa, isaalang-alang ang unang pambungad sa ilalim ng “Krimen/Kapanatagan” sa pahina 11 ng aklat na Nangangatuwiran (p. 10 sa Ingles). Sa unang pananalita, isang paksa na may malaking kahalagahan sa maybahay ang inihaharap. Sa sumunod na pagtalakay ay ipinakita ang papel ng Kaharian sa pag-aalis ng krimen.
5 Papaano natin maaalis ang hadlang sa pagnanais ng maybahay na makinig? Ang mga uluhan sa mga pahina 14 at 15 ng aklat na Nangangatuwiran ay nag-aalok ng ilang napakainam na mungkahi. Halimbawa, isipin kung papaano ninyo gagamitin ang pambungad sa ilalim ng “Kapag Marami ang Nagsasabi: ‘Mayroon na Akong Sariling Relihiyon.’” Maaari ba ninyong gamitin ang paraang ito sa inyong teritoryo?
6 Papaano tayo magpapakita ng isang taimtim na interes sa maybahay? (Mar. 6:34) Ang isang palakaibigang ngiti ay nakatutulong. Ang pagkapalakaibigan ay nakakaakit sa iba. Maipakikita rin ang ating interes sa pamamagitan ng pagpapasigla sa kaniyang magbigay ng komento. Ang isang halimbawa nito ay makikita sa ikalawang pambungad sa ilalim ng “Kaharian” sa pahina 11 (p. 12 sa Ingles). Ginamit na ba ninyo ito? Kadalasang nagnanais ang mga tao na magbigay ng kanilang sariling opinyon, at sila’y interesado sa itatanong ninyo. Subali’t kailangan tayong makinig sa kanilang tugon at ibagay ang ating presentasyon upang samantalahin kung ano ang ating natutuhan hinggil sa kanilang pangmalas.
MAGING ALISTO SA MGA KALAGAYAN
7 Kapag kayo’y lumalapit sa pintuan, pagmasdan ang kapaligiran. Mayroon bang mga laruan sa bakuran, mga damit sa sampayan, mga relihiyosong bagay sa pintuan, abp.? Kapag lumapit ang maybahay sa pintuan, siya ba’y isang lalake o babae, bata o matanda, isang ina, isang ama, o isang bata? Alinman sa mga salik na ito’y makatutulong sa atin na pumili ng isang angkop na pambungad na maibabagay sa pangangailangan ng taong ating natagpuan.
8 Ang lahat ng mga pambungad sa aklat na Nangangatuwiran ay nasubukan na at nasumpungang matagumpay. Bakit hindi pagsikapang gamitin ang mga ito sa inyong teritoryo? Malamang na masumpungan ninyo na sa pamamagitan ng mabuting paghahanda, ang inyong mga pambungad ay magiging lalong mabisa at ang inyong ministeryo ay higit na matagumpay.—Mat. 13:18-23.