Nagbibigay Ba Kayo ng Katuwiran Para sa Pag-asang Nasa Inyo?
1 Kamakailan isang kapatid ang tinanong: “Naniniwala ka bang ang inyong relihiyon lamang ang siyang tama?” Siya’y sumagot: “Mangyari pa. Kung hindi gayon, sumapi na sana ako sa iba.” Pagkatapos ay may kabaitan niyang ipinaliwanag ang mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova at ang maka-Kasulatang saligan ng mga ito. Sinusunod niya ang payo “na lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo, nguni’t sa kaamuan at takot.”—1 Ped. 3:15.
2 Sa araw-araw, may mga pagkakataon tayong magbigay ng katuwiran para sa pag-asang nasa atin. Sa trabaho, maaaring ang mga kamanggagawa ninyo ay nagtataka kung bakit kayo hindi nakikibahagi sa kanilang masasamang usapan. Sa paaralan, ang mga guro o estudiyante ay maaaring nagtatanong kung bakit hindi kayo nagdiriwang ng mga kapistahan. Ang mga kapitbahay ay maaaring nagtatanong kung bakit kayo laging dumadalo sa mga pulong. Kung kayo ay naghanda nang patiuna, matutulungan ninyo ang mga nagtatanong nang taimtim upang sila ay maglingkod din kay Jehova kasama natin.
PAG-ABOT SA PUSO NG MGA NAKIKINIG
3 Sa pakikipag-usap sa mga tao, kailangan nating mailatag ang bagay na pagkakasunduan. Ito ay totoo maging sa paglilingkod sa larangan o sa pakikipag-usap nang impormal. Ang isang napakainam na halimbawa sa Bibliya ay ang nakaulat sa Gawa 17:22-31. Pansinin kung papaano inilatag ni Pablo ang bagay na pagkakasunduan sa pasimula at napanatili iyon hanggang sa katapusan ng pag-uusap.—Tingnan ang Giya sa Paaralan, mga pahina 156-8, mga parapo 15-24.
4 Sa Hulyo, ang brochure na Pamahalaan ay makatutulong sa atin na mailatag ang bagay na pagkakasunduan. Tayo ay napapaharap sa mga suliranin kagaya niyaong sa mga maybahay. Lakip dito ang pagkabahala sa kaligtasan ng ating mga anak at ang kanilang kinabukasan, ang kawalan ng tunay na kapayapaan, ang lumalagong krimen, at ang pag-aabuso sa droga. Gamitin ang mga puntong ito upang ipakita na tayo’y nangangailangan ng isang pagbabago mula sa pamamahala ng tao tungo sa Kaharian ng Diyos, yamang maliwanag na hindi nalulutas ng mga tao ang mga malulubhang suliraning ito.
5 Isang bagong Paksang Mapag-uusapan ang inihanda na angkop para sa ating alok sa Hulyo at aming iminumungkahi na mabisa ninyong gamitin ito. Pagkatapos na ipakita na tayo’y nangangailangan ng pagbabago ng pamahalaan, maaaring gamitin ang Daniel 2:44 upang ipakita kung ano ang hahalili sa pamamahala ng tao sa malapit na hinaharap. Ipakita na ito ay para sa buong daigdig, na maaapektuhan ang lahat ng pamahalaan. Sa puntong ito, nanaisin ninyong buksan ang brochure sa pahina 26 at ipakita ang ilustrasyon ng bato na dumudurog sa makapolitikang imahen. Pagkatapos ay ipakita kung papaanong lulunasan ng Kaharian ng Diyos ang digmaan, gutom at takot kagaya ng inihula sa Mikas 4:3, 4, na bumabaling sa mga pahina 27 at 29 ng brochure upang ilarawan ito. Pagkatapos ay ialok ang brochure sa ₱4.20.
SA MGA PAGDALAW-MULI
6 Kapag kayo ay dumadalaw-muli upang linangin ang interes, gamitin ang bagay na pagkakasunduan na inyong nailatag na noon sa maybahay. Pakinggan ang kaniyang mga iniisip. Makipagkatuwiranan sa kaniya. Iwanan siya taglay ang pag-aasam-asam na ang susunod ninyong mga pagdalaw ay maglalaan pa ng karagdagang impormasyon na magbibigay sa kaniya ng pag-asa.
7 Kailanma’t nabuksan ang daan para tayo ay makapagbigay ng katuwiran sa pag-asang nasa atin, nanaisin nating samantalahin iyon. Matanda man o bata, kailangan tayong makapagbigay ng malinaw, nakahihikayat na mga pangangatuwiran ukol sa pag-asang nasa atin.