Panumbalikin ang Sigasig sa Pamamagitan ng Pagkakapit ng mga Mungkahi sa Bantayan
1 Si Jesu-Kristo ay isang sakdal na huwaran ng isang masigasig na mangangaral ng mabuting balita. Ang kaniyang ministeryo ay umaalingawngaw, at tinamo niya ang mga resulta. Ang ministeryo ay nakapagpaginhawa sa kaniya. Itinuring niya iyon bilang “pagkain” na nagpalakas sa kaniya. (Juan 4:34) Ipinagkaloob niya sa iba ang mga salita ng kaligtasan samantalang isinasagawa ang gawain na iniatas ng kaniyang Ama. Ito ay nagbigay ng kahulugan at layunin sa kaniyang buhay.
2 Ang mga apostol at iba pang mga tagasunod ni Kristo Jesus noong unang siglo ay tumulad sa kaniyang sigasig sa ministeryo. (Gawa 5:28-32; 8:1, 4) Totoo rin ito sa ngayon. Ang mabuting balita ay ipinangangaral sa halos lahat ng sulok ng lupa ng mga indibiduwal na sumusunod sa halimbawa ni Jesu-Kristo. Bilang mga Saksi ni Jehova, sila ay “masisigasig sa mabubuting gawa” higit kailanman.—Tito 2:14.
3 Kung tayo ay nagkukulang ng sigasig, ang ating gawain ay basta na lamang natin ginagampanan. Maaaring hindi na tayo nakakasumpong ng kagalakan sa ating paglilingkod. Kapag nasumpungan natin ang sarili sa ganitong kalagayan, kailangan tayong humanap ng paraan upang mapanumbalik ang ating sigasig at tanggapin ang mga hamong inihaharap ng ministeryo sa larangan. Ang artikulo ng Hulyo 15, 1988 ng Bantayan na pinamagatang “Palaging Asikasuhin Mo ang Iyong Turo” ay nagtatampok ng mga praktikal na mungkahi na makatutulong sa atin na mapalakas o mapanumbalik ang ating sigasig sa paglilingkod sa Kaharian.
ANG MGA HAMONG NAPAPAHARAP SA ATIN
4 Sa maraming bahagi ng daigdig, kakaunti lamang ang mga bago o hindi gaanong nagagawang teritoryo. Sa mga lugar ng metropolitan, karaniwan sa mga kongregasyon na gawin ang kanilang teritoryo nang minsan sa isang buwan o kaya’y minsan sa isang linggo. Ito ay maaaring magharap ng isang hamon yamang maraming maybahay ang nakakakilala sa atin at kadalasang nagsisikap na hadlangan ang usapan bago pa tayo makagawa ng presentasyon. Marahil sila’y nagrereklamo na ‘may nanggaling na ritong isang Saksi noon lamang nakaraang linggo.’ Maaaring masumpungan natin na ang mga tao sa ating teritoryo ay walang interes. Ang lahat ng ito ay maaaring nakasisira-ng-loob. Subali’t naikapit na ba ninyo ang mga mungkahing iniharap sa mga parapo 4-7 ng nabanggit sa itaas na artikulo ng Bantayan?
5 Milyun-milyon na ang natipon tungo sa “malaking pulutong” ng “ibang tupa,” at milyun-milyon pa ang patuloy na tumutugon sa mabuting balita ng Kaharian. (Apoc. 7:9; Juan 10:16) Gayunman, ang mga presentasyon na naging mabisa noon ay maaaring hindi na nakatatawag-pansin sa ating mga teritoryo. Kailangan tayong maging alisto sa anyo, uri, at bisa ng ating mga presentasyon at maging handang gumawa ng mga pagbabago.
6 Hinggil sa paksang ito, Ang Bantayan ay nagbibigay ng ilang kapanapanabik na mungkahi kung papaano mapasusulong ang ating ministeryo. Atin bang ikinakapit ang mga mungkahing ito? Atin bang sinasamantala ang mga kasangkapang magagamit natin para gawin iyon? Ang pagsunod sa mga ibinigay na mungkahi ay makatutulong sa atin na makapagbigay ng lubusang patotoo sa ating teritoryo, mapasigla ang ating isipan at maging puspusan sa ating ministeryo.
7 Dahilan sa kasalukuyang mga kalagayan sa daigdig, maliwanag na nalalapit na ang malaking kapighatian. Lubusan nating ikapit ang mga mungkahi na ating tinanggap na magpapatindi ng ating sigasig ukol sa ministeryo.