Ang Paksang Mapag-uusapan
1 Ang Mayo, 1977 ng Ating Paglilingkod sa Kaharian ay unang nagharap ng bahaging “Paksang Mapag-uusapan” at nagbigay ng mga mungkahi kung papaano ito gagamitin nang mabisa. Tayong lahat ay nakinabang sa bahaging ito sa loob ng nagdaang 12 taon. Ito ay nakatulong sa marami na mapasulong ang kanilang pagiging mabisa sa paghaharap ng mabuting balita.
2 Sa nakaraang ilang mga taon, isang bagong Paksang Mapag-uusapan ang inihaharap bawa’t tatlo o apat na buwan. Sa hinaharap, babaguhin ng Ating Ministeryo sa Kaharian ang mungkahing Paksang Mapag-uusapan nang mas madalas. Sa pangkalahatan, magkakaroon ng ibang paksa sa bawa’t panahong magbago ang alok na literatura. Ito ay makatutulong sa atin na magkaroon ng mas maayos na pagtatawid mula sa ating maka-Kasulatang presentasyon tungo sa alok na literatura. Pangyayarihin nito ang higit na pagkasari-sari sa ating ministeryo.
PAGPAPALIT-PALIT NG PAKSANG MAPAG-UUSAPAN
3 Karaniwan, masusumpungan ninyo na ang mungkahing Paksang Mapag-uusapan ay maaaring iharap sa bawa’t pintuan. Gayumpaman, walang sinuman ang dapat na mag-atubiling palitan ang paksa o gumamit ng iba kung inaakalang makabubuting gawin iyon. Sabihin pa, kapag nagsasanay ng baguhan o mga kabataan, makabubuting manatili sa iminungkahing Paksang Mapag-uusapan.
4 Walang pagsalang masusumpungan ng mga payunir at ng lahat ng madalas na gumagawa sa kanilang mga teritoryo na makatutulong kung gagamit ng mga pagbabago sa iminungkahing paksa upang hindi maging iyo’t iyon din ang kanilang presentasyon. Ang iba’t ibang mga kalagayan ay maaaring magpangyari na sa pana-panahon ay gamitin ang isang paksa na naiiba sa iminungkahi sa Ating Ministeryo sa Kaharian.
PAGKUKUNANG MATERYAL PARA SA MGA PRESENTASYON
5 Kapag nadarama nating may pangangailangang baguhin ang Paksang Mapag-uusapan, saan tayo kukuha ng ibang ideya na maaaring gamitin? Ang mga nakaraang isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay makatutulong. Ang publikasyon na inyong iniaalok ay maaari ring gamitin bilang saligan ng inyong paksang mapag-uusapan. Pumili ng isang larawan, isang kasulatan, o isang tema ng kabanata at gumawa ng isang maikling presentasyon upang umantig ng interes. Sikaping maisakamay ng maybahay ang publikasyon upang makita niya ito sa ganang sarili. Maaaring kayo’y mamangha kapag nakita ninyo kung gaano kadaling makapaglagay sa ganitong paraan. Pagkatapos, kapag gumagawa ng pagdalaw muli, maaari kayong magtungo sa higit pang detalye. Kaya sikaping gawing maikli ang presentasyon sa pasimula.
6 Tayong lahat ay dapat na magpatuloy na humiling kay Jehova ng “dila ng mga naturuan” upang ating malaman kung papaano tuturuan ang mga nasusumpungan natin sa ating mga teritoryo. (Isa. 50:4) Taimtim ang ating pagnanais na gamitin ang Paksang Mapag-uusapan nang mabisa. Ang buhay ay nakataya.—1 Tim. 4:16.