Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 8/90 p. 3-4
  • Patuloy na Magluwal ng Bunga Taglay ang Pagtitiis

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Patuloy na Magluwal ng Bunga Taglay ang Pagtitiis
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANG PAGTITIIS AT PAGPUPUNYAGI AY KAILANGAN
  • MAKAGAGAWA PA BA TAYO NG HIGIT PA?
  • KAILANGAN ANG PANALANGIN
  • IPAHAYAG ANG PASASALAMAT
  • IBA PANG MGA PANGANGAILANGAN
  • Manatiling Malapít sa Organisasyon ni Jehova
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Iniibig ni Jehova ang mga “Nagbubunga Nang May Pagbabata”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • ‘Maligaya ang mga Nakapagtitiis’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa May Pananalanging Paraan
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1990
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—1990
km 8/90 p. 3-4

Patuloy na Magluwal ng Bunga Taglay ang Pagtitiis

1 Sa pagsulat sa kongregasyon sa Colosas, wala pang 30 taon pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus-Kristo, si apostol Pablo ay makapagsasabi na ang katotohanan ng mabuting balita ay nagbubunga at lumalago sa buong sanlibutan. (Col. 1:5, 6) Sa mas malawak pang antas sa panahong ito, naabot ng mga Saksi ni Jehova sa literal na paraan “ang kaduluduluhang hangganan ng lupa” taglay ang mabuting balita ng Kaharian. (Gawa 1:8; Juan 14:12) Sa 1989 taon ng paglilingkod, nagkaroon ng 5.6-porsiyentong pagsulong sa aberids ng mamamahayag ng Kaharian sa buong daigdig, at ating naabot ang isang bagong peak na 3,787,188 mga mamamahayag sa 212 mga bansa!

2 Sa mga bansang may pagbabawal sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos at di kompleto ang mga ulat, may mas malaking pagsulong na 7.6 porsiyento ang inulat! Sa kabila ng maraming suliranin na lumilitaw sa mga lupaing iyon, ang mga mamamahayag ay patuloy na “nagbubungang may pagtitiis.” (Luc. 8:15) Sa ilang mga lugar ang panggigipit ay nabawasan, subali’t ang mahihirap na mga kalagayan ay nananatili pa rin sa ibang mga bansa.

3 Sa mga bansang may higit na kalayaang ipagpatuloy ang gawaing pangangaral ng Kaharian, napapaharap sa atin ang kakaibang mga suliranin. Napapaharap ang malaking kawalang interes at pagwawalang bahala, lalo na kapag sagana sa materyal. Dapat na bantayan ng mga lingkod ni Jehova na huwag magkaroon ng gayong saloobin. Hindi natin nais na ang materyal na interes, kalayawan, paglilibang, at iba pang pagkagambala ay umagaw sa ating mga teokratikong gawain. Kung magkagayon, tayo ay mawawalan ng interes at hindi mapahahalagahan ang pangangailangang magluwal ng bunga taglay ang pagtitiis.—Luc. 21:34-36.

ANG PAGTITIIS AT PAGPUPUNYAGI AY KAILANGAN

4 Ang pagtitiis ay isang kahilingan tayo man ay mapaharap sa pagsalangsang o may kalayaan sa pagsasagawa ng ating mga pananagutang Kristiyano. Sa ilang lupain, ang ating mga kapatid ay gumagawa sa ilalim ng mahihirap na mga kalagayan sa nakaraang mga dekada. Ang kanilang pagtitiis sa ilalim ng gayong kahirapan ay nagbunga ng isang sinang-ayunang kalagayan, at kanila ngayong inaani ang mga mayayamang pagpapala. (Roma 5:3-5; Gal. 6:9) Anomang kahirapan ang ating makaharap, nanaisin nating patuloy na magtiiis. Kailangang maibigay ang patotoo hinggil sa Kaharian, at tayong lahat ay dapat na patuloy na magpamalas ng ating katapatan. Sa pamamagitan ng ating pagtitiis ay maipagwawagi natin ang ating kaluluwa, o buhay.—Mar. 13:10; Luc. 21:19.

5 Maipakikita natin na hindi natin minamaliit ang mga espirituwal na bagay sa pamamagitan ng lubusang paggamit ng ating sarili sa paglilingkod kay Jehova, na hindi nanghihimagod sa gawaing pangangaral. Sa ilang lupain na kung saan higit na mahirap ang transportasyon, kung saan nagkukulang ang materyal na pangangailangan, at kung saan may mga suliranin sa ekonomiya, walang tigil na isinasagawa ang pangangaral ng mabuting balita. Sa ilan sa mga bansang ito, ang mga mamamahayag ng kongregasyon ay palagiang may aberids na 14 hanggang 17 oras sa paglilingkod sa larangan bawa’t buwan. Ang kanilang ranggo ng payunir ay patuloy na sumusulong din. Ito’y nagpapangyari sa atin na nagtataglay ng maraming materyal na kaalwanan na huminto at mag-isip. Maaari ba nating mapasulong ang ating palagiang pakikibahagi sa pinakamahalagang gawain ng pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad?

MAKAGAGAWA PA BA TAYO NG HIGIT PA?

6 Ang paggugol ng higit na panahon sa paglilingkod sa larangan ay maaaring mangailangan ng kaunting pagbabago sa ating mga eskedyul. Kung tayo’y gumugugol ng isang oras sa ministeryo sa larangan kung Linggo, maaari bang pahabain pa natin ang oras sa pamamagitan ng paggugol ng isa pang oras sa mga pagdalaw-muli o pagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya? O kung tayo ay nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, maaari bang dagdagan pa iyon ng isang oras o higit pa sa gawaing pagbabahay-bahay o ilang pagdalaw-muli bago ang pag-aaral? Sa Sabado pagkatapos gumugol ng dalawang oras sa gawain sa magasin, maaari bang tayo’y magrasyon ng mga magasin sa isang ruta ng magasing naitatag natin o subuking gumawa ng ilang pagdalaw-muli? Maaaring masumpungan niyaong mga naninirahan sa siyudad na kombiniyenteng gumugol ng ilang panahon sa pagpapatotoo sa lansangan. Sa pamamagitan nito o ng iba pang pamamaraan, maaari nating mapasulong ang ating pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan. Dapat na sumulong din ang mabubuting resulta.

7 Ang higit na panahon sa paglilingkod sa larangan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pagdalaw-muli ay walang alinlangang magbubunga ng lalong maraming mga pag-aaral sa Bibliya. Sa dakong huli ito ay mangangahulugan na mas marami pang tao ang sasapit sa katotohanan at tutulong sa atin na maisakatuparan ang gawaing pangangaral ng Kaharian.—Mat. 28:19, 20.

KAILANGAN ANG PANALANGIN

8 Kung tayo ay patuloy na magluluwal ng bunga taglay ang pagtitiis, kailangan nating hanapin ang pagpapala ni Jehova at magpaakay sa kaniyang espiritu. Kailangan nating ipanalangin kay Jehova ang ating ministeryo. Kapag tayo ay nananalangin kay Jehova tungkol sa ating gawain sa larangan, naipagugunita sa atin na tayo’y mga kamanggagawa niya. (1 Cor. 3:9) Sa pamamagitan ng tulong ni Jehova, tayo’y makapagtitiis sa ating ministeryo kahit na hindi kaagad natin makita ang mga resulta nito. Sa ilang mga lugar, ang pagsulong ay nakamtan lamang pagkatapos ng maraming mga taon ng tapat na pagtitiis sa bahagi ng mga tagapagpahayag ng Kaharian. Habang tinitingnan natin ang hinaharap, mahalaga na lagi nating hanapin ang banal na patnubay at tulong upang hindi tayo manghimagod kundi isakatuparan nang lubusan ang ating ministeryo. (2 Tim. 4:5) Sagana pa ang mga bungang iniluluwal sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad.

9 Idiniin ni Jesus ang pangangailangan na laging manalangin. (Luc. 18:1) Si Pablo ay nagpayo: “Magsipanalangin kayong walang patid.” (1 Tes. 5:17) May mahahalagang dahilan kung bakit tayo kailangang maging matiyaga sa pananalangin ngayon. Maraming mga pananagutan ang nasasangkot sa pangangalaga sa lumalaking bilang ng kawan taun-taon. Nais nating matulungan ang iba na magluwal ng bunga taglay ang pagtitiis. Kailangang bigyan ng atensiyon ang iba’t ibang mga pangangailangan ng mga indibiduwal na mamamahayag at ng organisasyon sa kabuuan. Sa pagkakita ng pangangailangang mag-abuloy upang masuportahan ang gawain at makagawa ng patuloy na paglalathala ng mga literaturang salig sa Bibliya hangga’t maaari, nais nating manalangin kay Jehova na patuloy na ganyakin ang mga taong natatakot sa Diyos na maging mapagbigay sa bagay na ito.—2 Cor. 9:8-11.

10 Habang ang mga bahagi ng pambuong daigdig na larangan ay nabubuksan nang lalong malawak higit kailanman, ang maka-Kasulatang payo sa Colosas 4:2 ay nagiging higit na makahulugan: “Manatili kayong palagi sa pananalangin, na kayo’y mangagpuyat na may pagpapasalamat.” Ang ating mga panalangin ay dapat na sa kapakanan ng ating mga kapatid sa lahat ng dako na sila’y patuloy na magluwal ng bunga, na tinutulungan ang mga tulad-tupang mga tao na nasusumpungan sa mga teritoryo na doo’y naging higit na mahirap ang pagpapatotoo sa lumipas na panahon.

IPAHAYAG ANG PASASALAMAT

11 Anong laking pasasalamat natin sa saganang espirituwal na mga paglalaan na ating tinatamasa! Nais nating pasalamatan si Jehova dahilan dito at nais din nating manalangin ukol sa kaniyang patuloy na pagpapala sa gawain ng tapat na alipin at ng Lupong Tagapamahala nito. Ang kanilang mapagpakumbaba, walang humpay na pagsisikap alang-alang sa ating kapakanan at alang-alang sa kapakanan ng mga tulad-tupa sa palibot ng daigdig ay lubusang pinahahalagahan.

12 Sa paghahasik ng binhi ng Kaharian, isang pambihirang dami ng literatura ang nailagay. (Mat. 13:3-8, 18-23) Gayumpaman, patuloy pa rin ang pangangailangan para sa mga Bibliya at mga literatura sa Bibliya sa larangan. Ang ulat sa buong daigdig ay nagpapakita na may naisagawang napakalaking paglilinang at pagdidilig sa anyo ng mga pagdalaw-muli at mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Habang ginagawa natin ang ating bahagi sa mahahalagang larangang ito ng ating ministeryo, pinasasalamatan natin si Jehova dahilan sa kaniyang patuloy na pagpapala na nagpapangyaring lumago ang mga bagay-bagay. Tunay na dumadalangin tayo ukol sa pagpapalang iyon.—1 Cor. 3:6, 7.

IBA PANG MGA PANGANGAILANGAN

13 Dahilan sa pagiging nasa sanlibutan subali’t hindi bahagi nito, ang mga Kristiyano ay patuloy na napapaharap sa mga pagsubok at mga kahirapan, at ang mga ito ay lalo pang titindi sa mga huling araw na ito. Ang ilan ay nagtitiis na ngayon ng pag-uusig o iba pang anyo ng kahirapan. Ang iba ay kailangang patuloy na magsagawa ng kanilang Kristiyanong pananagutan sa mga lupaing winasak ng digmaan. Ang ating mga kapatid ay nakaranas ng mga kasakunaan tulad ng mga lindol, mga bagyo, at mga buhawi. Kapag ito ay naganap, dapat nating ipanalangin ang ating mga kapatid sa gayong mga lugar. (Ihambing ang Gawa 12:5; 2 Corinto 1:11.) Kung minsan ay kinakailangang tayo’y lumapit o sumulat sa mga matataas na opisyal hinggil sa mga pagbabawal sa ating gawain, pag-uusig sa ating mga kapatid, o iba pang bagay na nakakaapekto sa mga kapakanan ng Kaharian. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, ginagawa natin ang ating magagawa nang personal, at tayo’y nananalangin hinggil sa mga indibiduwal na ito upang maging mabuti ang pakikitungo nila sa ating kapuwa mga lingkod.—1 Tim. 2:1, 2.

14 Napakaraming mga panggigipit ang idinudulot sa mga pamilya na nabubuhay sa balakyot na sanlibutan ni Satanas. (2 Cor. 4:4) Ang mga mag-asawa ay maaaring mapaharap sa mga maseselang na problema. Sila’y dapat na patibayin na manalangin ukol sa banal na patnubay, at maaari din tayong manalangin alang-alang sa kanilang kapakanan. (1 Cor. 7:5; 1 Ped. 3:7) Dapat na pahalagahan ng mga ulo ng pamilya na si Jehova ay makikinig sa kanilang taimtim na panalangin ukol sa patnubay sa kanilang pangangasiwang mabuti sa kanilang mga sambahayan. (Huk. 13:8; Fil. 4:6, 7) Ang mga kabataan at mga matatanda ay napapaharap din sa mga nakayayamot na mga kalagayan. Ito’y maaaring sa paaralan, sa sekular na trabaho, kapag naglalakbay, o sa iba pang mga kalagayan. Ang panalangin ay nakatutulong sa atin na mapaglabanan ang espiritu ng balakyot na sanlibutan at upang patuloy na magbunga habang ginagawa natin kung ano ang nakalulugod sa paningin ng Diyos.—Mat. 6:13; Efe. 6:13-18; 1 Juan 3:22.

15 Si Jehova ang dakilang Tagapakinig ng panalangin. (Awit 65:2) Sa lahat ng panahon kailangan nating ilagak ang ating mga kabalisahan sa kaniya. (Awit 55:22) Taglay natin ang mga pagkakataon upang ipamalas ang ating pagkabahala sa pamamagitan ng pananalangin para sa lahat ng mga kapakanan ng Kaharian at para sa kapakanan ng ating mga kapatid saan mang dako. Kapag iniisip ang tungkol sa gawain ng mga nangunguna sa kongregasyon at sa nangunguna sa pambuong daigdig na programa ng pagpapalawak, kapag nakikitungo sa mga may sakit sa espirituwal, o kapag may hinaharap na mga suliraning maliliit o malalaki, dapat nating ipanalangin ang gayong mga bagay kay Jehova. (1 Tes. 5:25; Sant. 5:14-16) Oo, ang ating mga kabalisahan ay dapat na ilagak kay Jehova nang buong pagtitiwala na anuman ang ating hilingin na kaayon ng kaniyang kalooban, tayo’y diringgin niya. (1 Ped. 5:7; 1 Juan 5:14) Maging masigasig nawa tayo sa paglilingkod sa Kaharian at laging tumingin kay Jehova upang tulungan tayo na patuloy na magluwal ng bunga taglay ang pagtitiis.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share