Ang Kalinisan ay Nagpaparangal sa Diyos
1 Ang Batas Mosaiko ay naglalaman ng mahihigpit na kahilingan sa kalinisan. Ang mga ito ay naghihiwalay sa Israel bilang isang bayan na nag-iingat ng pisikal at espirituwal na kalinisan. (Lev. 11:35, 36; 15:1-11; Isa. 52:11) Ang malinis na kalagayang ito ay nagparangal sa Diyos at nakatulong sa kalusugan ng bansa.
2 Sa ngayon din, ang kalinisan ay pagkakakilanlang tanda ng bayan ni Jehova. Subalit bagaman ito’y nagpapakilala sa bayan ni Jehova bilang isang grupo, ito ba’y totoo sa bawat isa sa atin? Ang ating pagkabahala sa pagiging masinop at sa personal na kalinisan ay nagpapakita kung papaano natin pinahahalagahan ang mga kahilingan ni Jehova.
3 Ano naman ang tungkol sa hitsura ng ating tahanan? Ito ba’y nagpapahina sa mensahe ng Kaharian? Posible ba na ang ilan ay nag-aalinlangan sa ating kataimtiman kapag tayo’y nagsasalita hinggil sa pagbabago ng lupa tungo sa pagiging paraiso samantalang ang ating tahanan ay hindi maayos at malago ang dawag sa bakuran? Kung ang ating tahanan ay di maayos ang hitsura o may hindi kanais-nais na amoy dahilan sa di malinis na kinagawian, masasabi bang tayo’y mayroong “huwaran ng kalinisan na aangkop sa bagong sanlibutan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos”?—om p. 130-1.
4 Ano naman ang tungkol sa ating pananamit, bag, at personal na pag-aayos? Ito ba’y maayos at presentable? Makatuwiran na ating ingatan ang sarili at ang ating pananamit na malinis sa pamamagitan ng regular na paliligo at paglalaba.—b89 6/1 p. 16-19.
5 Ano kung ang personal na kalinisan ng isang kapatid o ang kapaligiran ay nagsisilbing kapulaan ng kongregasyon? Marahil kailangan lamang niya ng maibiging tulong dahilan sa edad o kapansanan. Kung gayon, magiging kabaitan na tulungan siya. Ang ibang kapatid ay maaaring may suliranin at hindi na napapansin ito; ang mabait na payo ay maaaring magpakilos sa kaniya na ituwid ang kalagayan. Ang mga indibiduwal na patuloy na nananatiling isang masamang halimbawa sa bagay na ito ay hindi magiging kuwalipikado para sa natatanging mga pribilehiyo sa kongregasyon. Sabihin pa, ang mga matatanda ay dapat magbantay laban sa paglalagay ng kanilang personal na pamantayan o kagustuhan.
6 Kadalasang tayo’y sabik na sabik na anyayahan ang mga interesado na dumalo sa mga pulong dahilan sa ang ating Kingdom Hall ay kaakit-akit at malinis. Pagmasdan ang paligid ng inyong bulwagan. Ang mga silya, sahig, at pader ay malinis ba? Ang mga palikuran ba ay nalilinis nang palagian? Kapag tayo’y nahirati sa pagtingin sa maruming sahig o pader na may natutuklap na pintura, sa dakong huli ay mamalasin natin iyon na ayos na rin. Gayunpaman, maaaring iyon ay mag-iwan sa mga panauhin ng hindi mabuting impresyon. Dapat nating gawin ang ating makakaya upang mapanatiling kaakit-akit ang bulwagan, na ginagawa ang ating bahagi kapag sumasapit ang panahon para sa paglilinis o pag-aayos.
7 Kahit walang salita, ating mapararangalan ang Diyos sa pamamagitan ng ating personal na anyo at pagiging masinop ng ating tahanan, sasakyan, at Kingdom Hall. Ang ating halimbawa ay hindi makapagbibigay ng anumang sanhi ng pagkakatisod kundi magpapakita na ang ating pagsamba ay malinis at matuwid.—1 Cor. 10:31, 32; Sant. 1:27.