Ang mga Kabataan ay Nangangailangan ng Mabuting Halimbawa
1 Ikinagagalak natin ang pagkakaroon ng isang lumalaking bilang ng mga kabataan na ‘pumupuri sa pangalan ni Jehova.’ (Awit 148:12, 13) Marami sa kanila ang lubhang bata pa. Ang kanilang pagsulong sa kalakhang bahagi ay salig sa pagsasanay at halimbawa ng kanilang mga magulang at ng iba pang matatanda sa kongregasyon. Gayunpaman, hindi dapat kaligtaan ang impluwensiya ng mga kabataan, lalo na ng mga tin-edyer. Kung kayo ay nasa ganitong edad, ang mga komentong ito ay makatutulong sa inyo.
2 Ang mga kabataang malapit nang maging tin-edyer ay madaling tumulad sa mas nakatatandang tin-edyer. May likas silang pagnanais na mapalapit sa kanilang hinahangaan. Sila’y nahihilig tumingin sa mga kabataan na mas nakatatanda at waring higit na nakakaalam. Bilang resulta, maaari nilang tularan ang inyong pagsasalita at paggawi at ang inyong pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.
3 Bilang nakatatandang tin-edyer, kayo ay may mabigat na pananagutan. Ngayon mismo, ang inyong halimbawa ay malamang na maka-impluwensiya sa inyong nakababatang mga kasamahan. Tanungin ang inyong sarili, ‘Anong uri ng impluwensiya ang ipinapasok ko sa mga mas nakababata? Ako ba ay seryoso, iniiwasan ang kamangmangan at “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan”? Ako ba’y nagpapakita ng pagsunod at paggalang sa aking mga magulang, sa mga matatanda at sa iba pa?’ (2 Tim. 2:22; Col. 3:20) Ang inyong sinasabi at ginagawa ay may malaking impluwensiya sa espirituwal na pagsulong ng ibang mas nakababata na nagmamasid sa inyo.
4 Ang inyong regular na pakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ay maaaring magpasigla sa inyong mga kasamahan na maging higit na aktibo. Kung kayo ay makapapasok sa paglilingkod bilang payunir, ang inyong mga kaibigan ay mapasisigla sa gayon ding paraan. Ang pagkokomento sa mga pulong at pagboboluntaryo sa paggawa ng mga kailangang trabaho sa Kingdom Hall ay makapagbibigay din ng mabuting halimbawa.
5 Kayong mga tin-edyer ay maaaring magkapit ng sumusunod na payo kay Timoteo: “Sa mga tapat ay maging halimbawa ka sa pagsasalita, sa paggawi, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.” (1 Tim. 4:12) Ang inyong masiglang pakikibahagi sa paglilingkod kay Jehova ay makapagpapasigla sa mga kabataang nagmamasid sa positibong paraan, tutulong sa kanila na sumulong tungo sa pagiging ganap na maygulang na mga lalaki sa espirituwal. (Efe. 4:13) Ang mga tin-edyer na ang mga pamilya ay bago pa lamang nagpapasimulang mag-aral ay maaaring maakit sa katotohanan sa pamamagitan ng inyong halimbawa.
6 Higit pang mahalaga, ang inyong pagtatanghal ng makadiyos na mga katangian ay nagdudulot ng karangalan kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. (Kaw. 27:11) Ang mga taimtim na nagmamasid ay hahanga dahil sa kaibahan ninyo sa mga kabataan sa sanlibutan. Kaya mayroon kayong pambihirang pagkakataon na tulungan ang mga kabataan habang kayo ay gumagawa ng mahalagang kontribusyon sa kapurihan ni Jehova.—Awit 71:17.