Nagpapasalamat sa Kung ano ang Taglay Natin
1 “Inirerekomenda ng Diyos ang kaniyang sariling pag-ibig sa atin sa bagay na, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” (Roma 5:8) Anong laking pasasalamat ang dapat na taglayin nating lahat dahilan sa sukdulang paghahandog na ginawa kapuwa ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak alang-alang sa atin! Sa pamamagitan ng itinigis na dugo ni Kristo, tayo’y binigyan ng pagkakataon para sa buhay na walang hanggan, bagay na hindi maibibigay sa atin ng sinumang tao.
2 Papaano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga? Maraming tao ang nauuhaw sa tunay na kaalaman mula sa Salita ng Diyos. Kalooban ni Jehova na matulungan ang mga ito. (1 Tim. 2:4) Ipinakikita natin ang ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng ‘paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.’ (Luc. 4:43) Ang buong pusong pakikibahagi ay nagpapakita na ating pinahahalagahan na si Kristo ay namatay para sa atin at na nais nating tularan siya sa pamamagitan ng paggawa sa iba pa na maging mga alagad.—Mat. 28:19, 20.
3 Ano ang ilan sa mga larangan ng pangangaral na bukas sa atin? Posible ba para sa atin na magpatala bilang mga auxiliary pioneer sa pana-panahon? Pagkatapos na alamin ang magugugol, maaaring kunin ng ilan ang paglilingkurang regular pioneer. Sa nakaraang panahon maaaring naisaalang-alang na ninyo ang pagpapatala, subalit mayroong mga balakid. Marahil ay nagbago na ang inyong kalagayan. Kung gayon, matamang napag-isipan na ba ninyo na pasulungin ang inyong paglilingkod sa pamamagitan ng pagpasok sa paglilingkurang payunir o sa pamamagitan ng paglilingkod bilang isang auxiliary pioneer sa pana-panahon?
4 Ang ating pasasalamat ay lalong tumitindi kapag ating minamasdan kung ano ang nagaganap sa palibot natin. Lumalago ang karahasan, pagkakapootan, at sigalot sa buong daigdig. Mahusay ang pagkakalarawan ni Pablo sa ating panahon bilang “mapanganib” at “mahirap pakitunguhan.” (2 Tim. 3:1) Sa gitna ng ganitong nakababagabag na mga kalagayan, sagana nating taglay ang mabuting balita upang ibahagi sa iba. Mayroon tayong dalawang maiinam na magasin, Ang Bantayan at Gumising!, na ating maiaalok sa buwang ito nang isahan o sa pamamagitan ng suskrisyon. Taglay din natin ang mga brosyur na may iba’t ibang paksa. Ang pasasalamat sa kung ano ang taglay natin ay dapat na magpakilos sa atin na ibahagi ang mga ito sa iba.—Heb. 13:16.
5 Maaaring sa lugar na tinitirahan ninyo, ang mga tao ay nagpapakita ng kaunti lamang interes sa espirituwal na mga bagay. Bilang kabaligtaran nito, mayroon namang mga teritoryo na mabunga. Posible bang maglingkod kayo sa dako kung saan talagang kailangan ang tulong ninyo? Ang inyong tagapangasiwa ng sirkito ay maaaring may ilang mungkahi hinggil sa bagay na ito.
6 Napakaraming dahilan para magpasalamat sa kung ano ang taglay natin, tunay na saganang mabubuting bagay. Ang ating pasasalamat kay Jehova ay maipahahayag na mabuti sa pamamagitan ng paghahayag ng kaniyang pangalan at mga layunin sa iba.—Isa. 12:4, 5.