Tanong
◼ Papaano tayo makapagkokomento sa mga pulong sa pinakamabisang paraan?
Inaasam-asam natin ang ating lingguhang mga pulong sa kongregasyon. Doo’y may pagkakataon tayong ipahayag ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagkokomento. (Kaw. 20:15; Heb. 10:23, 24) Dapat nating malasin ang pagkokomento bilang isang pribilehiyo at pagsikapang magkaroon ng regular na bahagi. Papaano natin magagawa ito sa pinakamabisang paraan?
Paghahanda ang unang hakbang. Ang patiunang pagbabasa ng materyal ay mahalaga. Sikaping makuha ang espiritu ng mga bagay na inihaharap. Bagaman ang paksa ay natalakay na noong una, hanapin ang anumang pinatitingkad na punto. Sa paghahanda ng mga komento mula sa publikasyon na nagtatampok ng malalim na pag-aaral sa isang aklat ng Bibliya, gaya ng aklat na Kasukdulan ng Apocalipsis, sikaping makita ang kaugnayan ng isang partikular na talata sa ibang talatang nakapalibot dito. Ang pagsunod sa mga mungkahing ito ay magpapasigla sa inyong kakayahang mag-isip. Ito’y makatutulong sa inyo na makapaghanda ng mabubuting komento at makasumpong ng kagalakan sa inyong pakikibahagi.
Ang pinakamabuting komento ay maikli, simple, at salig sa publikasyong pinag-aaralan. Ang unang magkokomento ay dapat na tuwirang sumagot sa tanong, na iniiwan ang ibang punto para sa karagdagang mga komento. Iwasan ang mahaba at paliguy-ligoy na mga komento. Magpahayag sa inyong sariling pananalita, sa halip na basahin ang inyong komento nang salita-por-salita mula sa publikasyon. Ang iba pang komento ay maaaring maglakip sa mga puntong saklaw ng binanggit na mga teksto sa Kasulatan. Matamang makinig sa sinasabi ng iba upang maiwasan ninyo ang di-kinakailangang pag-uulit.
Makabubuting itaas ang inyong kamay nang ilang ulit subalit hindi sa bawat parapo. Anyayahan ang mga kabataan na makibahagi sa pagkokomento. Kung kayo’y nag-aatubili sa pagsasalita, maaari ninyong sabihin nang patiuna sa konduktor kung aling parapo ang nais ninyong komentuhan, at malamang na mabibigyan kayo ng pagkakataon para dito.
Tayong lahat ay dapat na gumawa ng lubusang pagsisikap na may maibahagi sa mga pulong ng kongregasyon kapag may pakikibahagi ang tagapakinig. Tandaan, ang tagumpay ng gayong mga pulong sa kalakhang bahagi ay depende sa ating kusang-loob at mabisang pagkokomento.—Awit 26:12.