“Manatiling Mapagbantay”
1 Nang banggitin ni Jesus ang pananalitang nakaulat sa Mateo 26:38-41, siya’y papalapít na sa pinakakritikal na panahon ng kaniyang pagiging tao. Nakataya ang kaligtasan ng buong sangkatauhan. Ang mga alagad ni Jesus ay nangangailangang “manatiling mapagbantay.”
2 Sa ngayon ay nakatayo na tayo sa bungad ng pagparito ni Jesus bilang tagapagligtas at tagapuksa. Bilang mapagbantay na mga Kristiyano na nakauunawa ng pagkaapurahan ng panahon, hindi tayo basta uupo na lamang at maghihintay na iligtas. Alam natin na dapat tayong maging handa sa lahat ng panahon. Kailangang patuloy na “gumagawa tayo nang masikap at nagpupunyagi” sa ating paglilingkod kay Jehova. (1 Tim. 4:10) Kumusta naman ang bawat isa sa atin? Tayo ba’y nananatiling mapagbantay?
3 Siyasatin ang Ating Sarili: Nagbabala rin si Jesus: “Bigyang-pansin ang inyong sarili.” (Luc. 21:34, 35) Dapat tayong magbigay-pansin sa ating sarili, anupat tinitiyak na tayo’y “walang-kapintasan at inosente . . . sa gitna ng isang liko at pilipit na salinlahi.” (Fil. 2:15) Tayo ba’y namumuhay araw-araw bilang mga Kristiyano, na tinutularan si Jesus at lumalakad kasuwato ng mga simulaing nakabalangkas sa Salita ng Diyos? Kapag sinusuri natin ang ating sarili sa liwanag ng Kasulatan, tayo ba’y tunay na nagbabantay ayon sa itinagubilin ni Jesus?—Roma 13:11-14.
4 Dapat na maging masipag ang matatanda sa pagsasakatuparan ng kanilang mga atas sa kongregasyon, yamang napagtatanto na sila’y magbibigay-sulit sa paraan ng kanilang pangangalaga sa kawan. (Heb. 13:17) Ang mga ulo ng pamilya ay may pantanging obligasyon na turuan ang kanilang sambahayan sa mga daan ni Jehova. (Gen. 18:19; Jos. 24:15; ihambing ang 1 Tim. 3:4, 5.) Gayundin, tunay ngang napakahalaga na tayong lahat ay tumutupad sa utos ng Kasulatan na mag-ibigan sa isa’t isa! Ito ang tanda ng tunay na Kristiyanismo.—Juan 13:35.
5 Maging Alisto na Magbabala sa Iba: Ang pananatiling mapagbantay ay nagsasangkot ng higit pa sa pagbibigay-pansin lamang sa ating sarili. Tayo’y inatasang gumawa ng mga alagad sa iba. (Mat. 28:19, 20) Ang pag-ibig sa kapuwa ay dapat na mag-udyok sa atin na babalaan ang iba upang sila rin ay makaligtas sa pagkawasak na haharapin ng sanlibutang ito. Ito’y isang pananagutang nakapasan sa lahat ng mga Kristiyano. Ito ay isang mahalagang bahagi ng ating pagsamba. (Roma 10:9, 10; 1 Cor. 9:16) Madalas na nakakatagpo tayo ng mga hindi interesado o sumasalansang sa nagliligtas-buhay na gawaing ito. Obligasyon natin na magpumilit, kahit na ang karamihan ay nagkikibit-balikat sa ating babala. (Ezek. 33:8, 9) Ang tapat na pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ay mag-uudyok sa atin na magmatiyaga.
6 Hindi ito panahon para maging kampante. Hindi tayo dapat na totoong masangkot sa pang-araw-araw na mga kabalisahan sa buhay o sa mga kaluguran ng sistemang ito anupat nagiging silò ang mga ito. (Luc. 21:34, 35) Higit kailanman, ito na ang panahon upang makadama ng pagkaapurahan. Yaon lamang mga gising, alisto, at mapagbantay ang makaliligtas. Kung susundin natin ang mga tagubilin ni Jesus at “magtagumpay . . . sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito,” gayon na lamang ang ating magiging pasasalamat!—Luc. 21:36.