Tulungan ang Iba na Makilala ang Kahalagahan ng Bibliya
1 Sa Lucas 24:45 ay sinabi tungkol kay Jesus: “Lubusan niyang binuksan ang kanilang mga pag-iisip upang makuha ang kahulugan ng Kasulatan.” Nabatid niyang ito’y mahalaga upang kanilang mapag-aralan at maunawaan ang Salita ng Diyos. (Awit 1:1, 2) Sa ating gawaing pangangaral, ang ating tunguhin ay ang mapasimulan ang mga pag-aaral sa Bibliya, kung saan maaari nating ‘turuan ang mga tao na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ni Jesus.’ (Mat. 28:20) Ang sumusunod ay ilang mungkahi kung ano ang maaari ninyong sabihin kapag kayo’y gumagawa ng mga pagdalaw-muli.
2 Kung sa pasimula ay tinalakay ninyo ang aklat na “Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?” maaari ninyong ipagpatuloy ang inyong pagtalakay sa ganitong paraan:
◼ “Nais kong ipakita sa inyo ang isang bagay na magpapakita ng praktikal na kahalagahan ng payo ng Bibliya. Nasusumpungan ng maraming tao na mahirap pakitunguhan ang iba. Ano ang magagawa natin upang magkaroon ng mas mabuting relasyon sa mga nasa palibot natin? [Pagkatapos ng tugon, bumaling sa mga pahina 167-8, parapo 15, at basahin ang Mateo 7:12. Idagdag ang kaisipang ipinahayag sa parapo 16.] Ito’y isa pang halimbawa ng karunungang masusumpungan sa payo ng Bibliya. Sa susunod kong pagdalaw, nais kong ipakita sa inyo ang payo na ibinibigay ng Bibliya upang tulungan ang mga mag-asawa na masumpungan ang higit na kaligayahan sa kanilang ugnayan.” Gumawa ng mga kaayusan upang bumalik at talakayin ang mga pahina 170-2 sa buhay pampamilya.
3 Kung kayo’y nakipag-usap sa isa na nagpakita ng interes sa Bibliya, marahil ang paglapit na ito ay magiging mabisa upang mapasimulan ang isang pag-aaral:
◼ “Halos bawat makausap ninyo ay magsasabi sa inyo na nais nilang mabuhay sa isang mapayapang daigdig. Kung iyon ang nais ng lahat, bakit ang daigdig natin ay puno ng napakaraming karahasan? [Hayaang sumagot.] Ang New World Translation ay nagpapakita kung saan sa Bibliya masusumpungan ninyo ang sagot sa katanungang ito.” Bumaling sa pahina 1659, at ipakita ang “Bible Topics for Discussion” Blg. 43a: “Who is responsible for world distress.” Basahin ang 2 Corinto 4:4. Ipaliwanag kung papaano pupuksain ng Diyos ang Diyablo at pangyayarihin ang isang daigdig na may namamalaging kapayapaan at kaligayahan. Basahin ang Apocalipsis 21:3, 4. Pagkatapos ay isaayos ang karagdagang pagtalakay sa susunod na pagdalaw.
4 Kung gumagamit kayo ng tuwirang paglapit upang pasimulan ang isang pag-aaral at may mabuting pagtugon, maaari ninyong sabihin ang ganito sa inyong pagbabalik:
◼ “Nang mag-usap tayo kamakailan, ating tinalakay kung bakit kapaki-pakinabang na mag-aral ng Bibliya. [Basahin ang Juan 17:3.] Mayroon kaming programa sa pag-aaral ng Bibliya na nakatulong sa libu-libo upang matutuhan pa ng higit kung ano ang ipinangako ng Diyos at kung papaano natin mapaluluguran siya.” Ipakita ang aklat na Mabuhay Magpakailanman, repasuhin ang mga pamagat ng kabanata, at itanghal kung papaano natin idinaraos ang pag-aaral sa Bibliya.
5 Kung matutulungan ninyo ang taimtim na mga tao na makilala ang kahalagahan ng Salita ng Diyos, kung gayon ang karunungan na kanilang matututuhan sa pag-aaral ng mga pahina nito ay maaaring maging “isang punong-kahoy ng buhay,” na magdudulot sa kanila ng malaking kaligayahan.—Kaw. 3:18.