Tularan ang Kanilang Pananampalataya
1 Binigyang katuturan ni apostol Pablo ang pananampalataya bilang “ang mapananaligang pag-asam sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” Kaniyang idinagdag na “kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [ang Diyos] nang mainam.” (Heb. 11:1, 6) Hinimok tayo ni Pablo na isagawa ang pananampalataya, paapawin ito, itaguyod ito.—2 Cor. 4:13; Col. 2:7; 2 Tim. 2:22.
2 Napakaraming namumukod-tanging halimbawa ng pananampalataya na isinasaad sa Bibliya. Sa Hebreo 11, si Pablo ay nagbigay ng mahabang listahan ng mga saksi na nagpamalas ng di-nasisirang pananampalataya. Lakip sa listahang ito ay si Abel, na siyang unang martir dahilan sa kaniyang pananampalataya. Si Noe ay inilista sapagkat dahilan sa kaniyang pananampalataya siya’y nagpakita ng maka-Diyos na takot upang iligtas ang kaniyang sambahayan. Si Abraham ay pinapurihan dahilan sa kaniyang pananampalataya at pagsunod. Si Moises ay pinuri sapagkat dahilan sa kaniyang pananampalataya siya’y nanatiling matatag na para bang nakikita niya ang Isa na di-nakikita. Kay laki ng ating pasasalamat na ating napalalakas ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagrerepaso sa kanilang “banal na mga paggawi at mga gawa ng maka-Diyos na debosyon”!—2 Ped. 3:11.
3 Noong unang siglo, si Jesus ay nagtanong: “Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang matatagpuan niya ang pananampalataya sa lupa?” (Luc. 18:8) Buweno, kung gayon, may nabubuhay ba tayong mga halimbawa ng pananampalataya sa gitna natin sa ngayon? May nakikita ba tayong mga lalaki at babae na nagpapamalas ng di-natitinag na pananampalataya kay Jehova kung paano ito naging totoo sa bayan ng Diyos sa mga panahon ng Bibliya?
4 Makabagong-Panahong mga Halimbawa ng Pananampalataya: May namumukod-tanging mga halimbawa ng pananampalataya na nasa palibot natin mismo! Ang pananampalataya ng mga tagapangasiwa na nangunguna sa atin ay karapat-dapat tularan. (Heb. 13:7) Subalit hindi lamang sila ang mga huwaran sa pananampalataya. Kaanib sa bawat kongregasyon ang mga taong tapat na nagtataglay ng mahabang rekord ng matapat na paglilingkod kay Jehova, na kadalasa’y isinagawa sa ilalim ng mahihirap na kalagayan.
5 Dapat nating hangaan ang ating tapat na mga kapatid na babae na sa maraming taon ay nagtiis ng pagsalansang mula sa mga tumututol na asawang lalaki. Hinarap ng nagsosolong mga magulang ang hamon sa pagpapalaki sa mga anak. May mga matatandang balo sa gitna natin na hindi kailanman pumalya sa mga gawain sa kongregasyon kahit na kaypala’y walang miyembro ng pamilya na tumulong sa kanila. (Ihambing ang Lucas 2:37.) Tayo’y humahanga sa pananampalataya niyaong mga nagtitiis dahilan sa matagal nang mga suliranin sa kalusugan. Marami ang patuloy na naglilingkod nang tapat kahit na may mga limitasyon na humahadlang sa kanila sa pagkakaroon ng karagdagang mga pribilehiyo ng paglilingkod. Naririyan ang mga kabataang Saksi na may tibay-loob na nagsasagawa ng pananampalataya sa kabila ng pagsalansang sa paaralan. Ang ating maka-Diyos na debosyon ay lalong tumitibay habang ating minamasdan ang tapat na mga payunir na matiyagang nagpapatuloy taun-taon sa harap ng di-mabilang na mga suliranin.
6 Ang mga halimbawang ito ng mga tapat ay nagbibigay sa atin ng kaaliwan at pampatibay-loob. (1 Tes. 3:7, 8) Nararapat nating tularan ang kanilang pananampalataya sapagkat “yaong kumikilos na may katapatan ay kalugud-lugod kay [Jehova].”—Kaw. 12:22.