Ang Palakaibigang Pakikipag-usap ay Makaaabot sa Puso
1 Ang pakikipag-usap ay “isang bibigang pagpapalitan ng mga idea.” Ang pagpapasimula ng palakaibigang pakikipag-uusap sa isang paksa na ikinababahala ng iba ay maaaring bumihag sa kanilang interes at tumulong sa atin na abutin ang kanilang mga puso. Mas mabisang makipag-usap sa mga tao sa palakaibigan at panatag na paraan sa halip na bigyan sila ng isang sermon.
2 Kung Paano Pasisimulan ang Isang Palakaibigang Pakikipag-usap: Ang ating pakikipag-usap sa iba ay hindi nangangahulugan na kailangan nating magharap ng maraming pumupukaw-damdaming punto at mga kasulatan. Ito’y nangangahulugan lamang na ganyakin ang tao na makipag-usap sa atin. Halimbawa, kapag tayo’y nakikipag-usap sa ating kapitbahay tayo ay palakaibigan at panatag. Hindi natin iniisip ang susunod nating salita kundi tayo’y tumutugon sa likas na paraan sa kaniyang sinasabi. Ang pagpapakita ng tunay na interes sa kaniyang sinasabi ay maaaring magpasigla sa kaniya na patuloy na makipag-usap sa atin. Ito ay totoo rin kapag nagpapatotoo sa iba.
3 Ang mga paksang gaya ng krimen, mga suliranin ng mga kabataan, lokal na mga isyu, mga kalagayan sa daigdig, o maging ang kalagayan ng panahon ay maaaring gamitin upang pasimulan ang palakaibigang pakikipag-usap. Ang mga paksa na may tuwirang kaugnayan sa buhay ng mga tao ay napakabisa sa pag-antig sa kanilang interes. Minsang napasimulan ang pag-uusap, maaari nating unti-unting akayin ito sa mensahe ng Kaharian.
4 Ang pagkakaroon ng panatag na pag-uusap ay hindi nangangahulugang hindi na kailangan ang patiunang paghahanda. Kailangan ito. Gayunpaman, hindi kailangang magsagawa ng isang mahigpit na balangkas o magsaulo ng isang sermon, na magpapangyari ng isang pakikipag-usap na hindi naibabagay sa mga umiiral na kalagayan. (Ihambing ang 1 Corinto 9:20-23.) Makabubuting maghanda ng isa o dalawang tema ng Kasulatan, at pagkatapos ay gawin ang pakikipag-usap sa palibot ng mga iyon. Ang pagrerepaso sa mga paksang masusumpungan sa aklat na Nangangatuwiran ay tunay na makatutulong dito.
5 Mahahalagang Katangian sa Isang Palakaibigang Pakikipag-usap: Kapag tayo ay nakikipag-usap sa iba, dapat tayong maging masigla at taimtim. Ang isang ngiti at ang isang masayang mukha ay nagpapakita ng mga katangiang ito. Taglay natin ang pinakamabuting mensahe sa sanlibutan; ito ay lubhang nakaaakit sa tapat-pusong mga tao. Kapag kanilang nadama na ang ating interes ay udyok ng taimtim na pagnanais na maibahagi sa kanila ang ilang mabubuting balita, kung gayon sila ay mapakikilos na makinig.—2 Cor. 2:17.
6 Ang pakikipag-usap ay dapat na maging isang kasiya-siyang karanasan. Kung gayon, tayo’y dapat na maging mabait at mataktika sa paghaharap ng mensahe ng Kaharian. (Gal. 5:22; Col. 4:6) Pagsikapang mag-iwan ng kanais-nais na impresyon kahit na hindi tumugon ang tao.
7 Ang pagpapasimula ng isang palakaibigang pakikipag-usap ay hindi resulta ng pagiging bihasa sa isang sermon. Ito’y pag-antig lamang sa interes sa isang paksa na ikinababahala ng isang tao. Subukin nating abutin ang mga puso ng tao sa pagbibigay sa kanila ng mabuting balita ng Kaharian.—2 Ped. 3:13.