Sino ang Kuwalipikadong Mangaral?
1 Hinggil sa ministeryo, nakadama ba kayo nang gaya ni Moises? Sinabi niya: “Pasintabi po, Jehova, ako’y hindi matatas mangusap, kahit nang panahong nakaraan, ni mula nang magsalita ka sa iyong lingkod.” (Ex. 4:10) Kung gayon ang inyong nadarama, maaaring kayo’y mag-atubili. Subalit, si Jesus ay ‘nag-utos sa atin na mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo.’ (Gawa 10:42) Kaya paano tayo nagiging kuwalipikadong mangangaral?
2 Hindi ang ating sekular na edukasyon ang nagpapangyaring tayo’y maging kuwalipikado sa ministeryo. Sinabi ni Pablo na “hindi maraming marunong sa makalamang paraan ang tinawag.” (1 Cor. 1:26) Pinili ni Jesus ang kaniyang mga apostol mula sa mga uring manggagawa—apat ay mga mangingisda. Minalas sila ng mapagmataas na relihiyosong mga pinuno bilang “mga taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan.” Kung hahatulan batay sa makasanlibutang mga pamantayan, ang mga apostol ay hindi kuwalipikadong mangaral. Subalit, ang dalubhasang diskurso na ibinigay ni Pedro noong araw ng Pentecostes ay nagpakilos sa 3,000 upang mabautismuhan!—Gawa 2:14, 37-41; 4:13.
3 Si Jehova ang Gumawa sa Atin na Kuwalipikadong Mangaral: Si Pablo ay nagpahayag: “Ang aming pagiging lubusang kuwalipikado ay nanggagaling sa Diyos.” (2 Cor. 3:5) Tinuruan ni Jehova ang milyun-milyon upang ipangaral ang katotohanan ng Kaharian sa iba. (Isa. 54:13) Ang bisa ng gawaing ito ay makikita sa 338,491 na nabautismuhan nang nakaraang taon bilang buháy na “mga liham ng rekomendasyon.”—2 Cor. 3:1-3.
4 Ang organisasyon ng Diyos ay nagtatag ng isang pang-internasyonal na programa ng pagsasanay sa mga ministro. Sa pamamagitan ng mga Kasulatan at maraming pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, tayo ay nasanay na maging “lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan” upang mangaral. (2 Tim. 3:16, 17) Marami ang humanga sa mataas na antas ng kaalaman na masusumpungan sa mga publikasyon ng Samahan. Halimbawa, isang babasahing Suweko ang nagsabi: “Sa likuran ng pananampalatayang ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay may isang kamangha-manghang de-kalidad at pang-internasyonal na pagkadalubhasa sa Bibliya.”
5 Sa pamamagitan ng patnubay na ibinibigay sa ating limang lingguhang mga pulong, sa ating programa para sa pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya, pagpapayo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, personal na tulong ng iba na makaranasang mga ministro, at higit sa lahat, sa tulong ng banal na espiritu ni Jehova, makapagtitiwala tayo na minamalas tayo ni Jehova bilang lubos na kuwalipikadong mangaral.—2 Cor. 2:17.
6 Kapag sinasamantala natin ang pagsasanay na inilaan sa pamamagitan ng organisasyon ng Diyos, walang dahilan na tayo’y mag-atubili. May kagalakan tayong makapangangaral sa iba, na nakatitiyak na pagpapalain ni Jehova ang ating mga pagsisikap.—1 Cor. 3:6.