Pagbabago sa Kahilingang Oras Para sa mga Payunir
1 Tayong lahat ay nagpapahalaga sa pagkakaroon ng masisipag na regular at auxiliary pioneer sa kongregasyon. Kahit sa teritoryong maliit at lubusang nakukubrehan nang regular, ang mga payunir ay nagpakita ng mainam na halimbawa sa kanilang masigasig na paglilingkod sa Kaharian. Pinasisigla nila ang lahat ng mamamahayag na manatiling abala sa paghanap sa mga “wastong nakaayon.”—Gawa 13:48.
2 Napansin ng Samahan ang tumitinding hirap na nakakaharap ng mga payunir, lalo na sa paghanap ng part-time na sekular na trabaho na magpapahintulot sa kanila na matugunan nang sapat ang kanilang personal na mga pangangailangan upang makapanatili sa buong-panahong paglilingkod. Ang kasalukuyang situwasyon ng kabuhayan sa maraming lupain ay lalong nagpapahirap din sa iba na makapasok sa gawaing pagpapayunir, bagaman iyon ang kanilang taimtim na hangarin. Nitong nakaraang mga buwan, ang mga ito at ang iba pang salik ay maingat na pinag-isipan.
3 Kaya naman, bilang pagsasaalang-alang sa mga nabanggit sa itaas, binawasan ng Samahan ang kahilingang oras para sa mga regular at auxiliary pioneer. Pasimula sa taóng 1999, ang kahilingan para sa mga regular pioneer ay magiging 70 oras bawat buwan, o isang kabuuang 840 oras sa isang taon. Ang buwanang kahilingan para sa mga auxiliary pioneer ay magiging 50 oras. Ang kahilingang oras para sa special pioneer at mga misyonero ay hindi magbabago, yamang naglalaan ang Samahan ng panustos upang tulungan silang matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa materyal. Sa gayon, mas lubusan nilang maitutuon ang kanilang pansin sa pangangaral at paggawa ng alagad.
4 Inaasahan na ang pagbabagong ito sa mga kahilingang oras ay tutulong sa marami pang payunir na manatili sa napakahalagang pribilehiyong ito ng paglilingkod. Dapat din nitong buksan ang daan para sa marami pang mamamahayag na pumasok sa gawaing pagreregular at pag-o-auxiliary pioneer. Tunay na isa itong pagpapala para sa lahat sa kongregasyon!