“Mga Babaing Gumagawa Nang Masikap sa Panginoon”
1 Sa pamamagitan ng mga salita sa itaas, inilarawan ni Pablo sina Trifena at Trifosa, dalawang kapatid na babae na gumagawa nang masikap sa kongregasyon sa Roma. Tungkol sa isa pa, si Persis, sinabi niya: “Nagsagawa siya ng maraming pagpapagal sa Panginoon.” Gumawa rin siya ng kaayaayang pagbanggit kay Febe bilang “isang tagapagtanggol ng marami.” (Roma 16:2, 12) Sa Kasulatan, si Dorcas ay ibinukod bilang isa na “nananagana sa mabubuting gawa at mga kaloob ng awa.” (Gawa 9:36) Tunay ngang pagpapala ang espirituwal na mga babae sa kongregasyon!
2 Pinahahalagahan ba natin ang mga kapatid na babae na gumagawa nang masikap sa ating kongregasyon? Sila ang gumagawa ng malaking bahagi sa gawaing pangangaral, nagdaraos ng karamihan sa mga pag-aaral sa Bibliya, at tumutulong sa maraming baguhan. Sila’y gumugugol din ng malaking panahon sa pagtulong sa mga bata upang sumulong sa espirituwal. Ang mga babaing Kristiyano ay gumagawa rin ng kanilang bahagi sa pagkakaroon ng espiritu ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, at kasigasigan sa kongregasyon. Sila’y sumusuporta sa maraming paraan upang ang kanilang asawang lalaki at iba pang miyembro ng pamilya ay makagawa nang higit pa sa paglilingkod kay Jehova.
3 Ang mga Kapatid na Babae na Nasa Buong-Panahong Paglilingkod: Kabilang sa mga gumagawa nang masikap sa Panginoon ay ang mga kapatid na misyonera, na marami sa kanila ang nakibahagi sa pagpapasulong ng gawain sa mga banyagang lupain. Sa mga kongregasyong pinaglilingkuran ng kanilang mga asawang lalaki, ang mga asawa ng naglalakbay na mga tagapangasiwa ay abala sa ministeryo sa larangan, na nagpapasigla sa maraming kapatid na babae. Hindi dapat kaligtaan ang mga kapatid na babae sa Bethel, na masigasig na nagsasagawa ng sagradong paglilingkod bilang pagsuporta sa organisasyon ni Jehova. At ang ating regular pioneer na mga kapatid na babae, na sa pamamagitan ng kanilang tapat na mga pagsisikap na pumuri sa Diyos, ay tumutulong sa libu-libo na makaalam ng katotohanan.
4 Ang tapat na mga kapatid na babaing ito ay nakasusumpong ng malaking kasiyahan sa kanilang may pagsasakripisyo-sa-sariling paraan ng pamumuhay. (1 Tim. 6:6, 8) Sila’y karapat-dapat sa komendasyon at sa anumang pampatibay-loob at suporta na maipagkakaloob natin sa kanila.
5 Ang mga Kristiyanong babae ay mahalagang bahagi ng organisasyon ni Jehova, na nagsasagawa ng tapat na paglilingkod anupat isang pagpapala sa lahat. Patuloy nawa nating pahalagahan ang ganitong mga babae at ipanalangin na sumakanila ang pagpapala ni Jehova habang sila’y patuloy na “gumagawa nang masikap sa Panginoon.”